Advertisement

Thursday, August 19, 2010

The Veil- Mananahi ka lang Part 2

Dear insansapinas,
The Veil - Mananahi ka lang Part 2


photocredit
 Nang medyo huminto ang ulan, naglakad kami ni Florencia patungong jeepney stop. Iba ang sasakyan ko at iba naman ang sa kaniya. Bago ako sumakay, nakita ko na basa ang mata niya. Hindi ko alam kung sa ulan o sa luha,


Kinabukasan, halos sumara ang mata niya sa pamamaga. Ang kaniyang eye bags ay pwedeng paglambitinan sa kakapalan. Matutuwa si Belo kung gagamitin niyang endorser Before and After.

Tinanong ko yong landlady niya kung bakit para siyang si Sharon Cuneta sa pelikulang Pasan ko ang Mundo?
Hindi niya ako sinagot. Hindi siya puwedeng maging movie writer, marunong siyang magsikreto.  ahahay

Pinatakbo ako ng aking boss na baklita sa Divisoria. Sumakay naman ako ng jeep anoh. Alangan namang tumakbo ako kasabay noong jeep. May wedding gown order kami at kailangan ng tulle para sa belo.

Nang bumalik ako sa galing sa Divi (tawag ko noon sa Divisoria. Hindi pa ganoon kasikip  sa D at katrapik kaya madali lang ako nakabalik.

Nakita ko si Florencia na hinagod-hagod yong tulle na gagawin naming napakahabang belo. Ilang yarda ba naman ang binili ko. Buti na lang magaan lang.

Naisip ko marahil, gusto rin niyang makasal. Sa panahong yon, pag sobra ka na liyebo tres, matandang dalaga ka na pag wala ka pang nahuhuling magdadala saiyo sa altar o sa city hall na kung saan ang magkakasal sainyo ay mga Ministro ng Non-Existent Church at may ready na marriage license kung saan di kailangang maghintay kahit wala ka pa sa edad.

Lunch break, hindi sumabay si Florencia sa pagkain sa kusina. Umakyat ako doon sa kuwarto ng mga mananahi at inabutan ko siyang pumuputol ng kalahating yarda doon sa gagawing belo.

Akala ko ay isa yon sa mga kailangang gawin para sa belo. Pero tinalian niya ito at pinormang parang sumbrero at isinukat sa harap ng aming malaking salamin. Pagkatapos ay tinupi niya ito ng napakaliit, nilagyan ng pin at inilagay sa kaniyang bag na lagi niyang dala-dala.


Pagnanakaw ba yon o gusto lang niyang matikman ang magsuot ng belo? Hindi ko naman siya maisumbong. Naawa ako.


Oras na pagpasok ko sa school kaya iniwanan ko na siya. Hindi kami masyadong nag-usap ng araw na iyon. Marahil nahihiya siya sa ayos niya at ayaw niyang mag-esplika sa akin.


Marahil may kinalaman ang lalaking nakita naming nakapayong sa ulan.


Itutuloy


Pinaysaamerika

No comments: