Advertisement

Sunday, September 26, 2004

Si Pinay sa LA downtown

Dear insansapinas,

Tumuloy kami sa apartment ni N. Dalawang kuwarto
ito at tatlo silang nakatira. Galing sa eklusib
schools yong kasama niya. Pero nawala na ang
pagkasosyal at pagka konyo. Tulo din ang
pawis nila paghabol ng bus sa umaga para
pumasok. Paltos, paltos din ang kanilang
malalambot na kamay sa paghugas ng pinggan
sa mainit na tubig.

Tinaasan ako ng kilay noong isa na tila ba
nagtatanong kung ako ay nabinyagan nang
maghugas ng pinggan.Naghugas naman ako noh.
Gusto nilang pitikin ang aking daliring
nakatikwas.


Tinapa ang ulam at pinakbet. Oy sarap,at
least hindi adobo. Bili lang nila doon
sa isang Filipino restaurant. Wala silang
oras para magluto.

Kuwento, kuwento. Nandoon pa yong manedyer
ng opisina. Siyempre, nandiyan si bossing
na babae. Basta ako tulog. Sa may ilalim
ako ng kurtina natulog. Baka kasi ako
tumayo at maglakad,o di kumaripas sila
ng takbo. Mabuti wala na sa akin yong
masamang bisyo na sumisigaw ng numero.
Baka bantayan nila ako at hintaying
magsabi ng numerong tatama. Eh kung di
tumama? Di bugbog ang abot ko.

Kinabukasan, wala si bossing. May meeting
sa labas kaya sabi niya sa akin gumala muna
ako. Pumayag naman si T na samahan ako sa
labas at kung gusto ko raw ay sa downtown
LA.

Sumakay kami ng bus. Nakabusiness suit ako
habang ang karamihan na Latinong sakay ay mga
karaniwang damit lang ang suot. Sabi noong isang grupo
ng mga batang Latino, saan daw planeta ako
galing dahil sa damit ko. Nakamaong at
kamiseta lang kasi sila.San Francisco downtown
ako galing,noh.

Gusto kong lapitan at bigwasan ng left at right
hook ang mga hinayupak. Akala nila sa akin, di
nakakaintindi ng Katsila?

Sabi ni T, ganoon daw talaga sa bus lalo na kung
hindi oras ng pasukan ng mga nag-oopit. Ibang
klase ang mga nakasakay.

Bumaba kami sa downtown.Sa bangketa ay may sumalubong
sa aking Itim na nag-iingay. Sumunod siya sa amin
na salita ng salita. Tila ba wari ko ay sinusumbatan
niya lahat nang makita niya sa kaniyang kalagayan.

Bigla ang about-face ko sa kaniya. Bigla siyang
karipas ng takbo. Inilabas ko ang aking compact,
at disimulado kong sinulyapan ang aking mukha.
Bakit kaya siya tumakbo. Nakaguhit pa naman ang aking
kilay at ang aking eyeliner ay di pa naman,
natutunaw. Hmppp

Sabi ni T,huwag kong pansinin. Maraming taong
may tililing(excuse ting-aling ah)sa lugar na iyon.

Wala akong makitang mabili. May nagtitinda ng relos
na lalapitan ka at aalukin. Parang Wanna buy watch,
Joe.

Nagyaya na akong umuwi. sabi ko magtataxi na
lang kami at ayaw kong magbus.

Tinanong niya ako kung sigurado ako. OO ah,
baka may marinig ako sa bus at mapaaway pa
ako.

Nakasakay na kami sa taxi. Nasa number 100 pa lang kami,
mahigit ten dollars na ang patak ng taxi.Alam ko
naman walang daya ang taxi. Tanong ko kay T kung ano
yong address namin, sabi niya banda sa may 3000.
Kasya hindi ko ilapat ang puwet ko sa upuan para
di pumatak ang metro, minarapat naming bumaba
at naghintay ng bus.

Kahiya naman ako. Tahimik lang si T. Naunawaan
naman niya ang bagong salta.Naging matalik kaming
magkaibigan.

Pinaysaamerika

1 comment:

ting-aling said...

You're excused hehehe