Advertisement

Monday, June 04, 2007

Pinay's Paglalakbay sa Pinas-Camarines Norte Part 2-Pinay Reminisces

Dear insansapinas,

Pagpapatuloy ng kuwento ko insan. Si Dalena ay nakatira sa harapan ng bahay namin. Taga ibang bayan siya at nakikitira lang siya sa kaniyang tiyahin. Para yatang mga istudyante silang mga nakatira doon pag Lunes hanggang Biyernes at umuuwi sa kanilang baryo pag weekend. May isa pang nakatira doon. Isang binata. Mahiyain yon. Naririnig ko ang usapan ko sa mga pinsan kong dalagang nakatira sa amin. Crush din yata nila. Madalas nasa balkon kami at tinatanaw nila ang mga tao sa kabilang bahay. Excuse nila yong ako ay binabantayan para hindi na naman tumakbo sa dagat para maligo. If I know, nakakatakas ako nang hindi nila namamalayan.

Minsan umuulan-ulan at kumikidlat-kidlat. Takot ako. Hindi ako sumama sa mga pinsan kong pumunta sa dagat. Tapos nagkagulo.

May tinamaan ng kidlat. Hindi yong mga naliligo sa agat kung hindi yong lalaking tahimik na nasa bahay. Ang kuwento ay lumihis ang kidlat, umikot sa puno ng niyog at pumasok sa bahay,tinamaan ang lalaki.

Takbuhan ang mga dalagang nakatira sa bahay na iyon. Kasama si Dalena. Nang makita nito ang lalaki, niyakap daw at humagulgol. Balak na pala niyang sagutin ito noong araw na iyon. Hindi ako isinama sa burol ng binata, insan. Matatakutin ako noon sa patay. At iyon ang unang patay na kilala ko.

Si Magda at si Elena

Silang dalawa ay magkapatid. Si Magda ang mas matanda at tahimik. Si Elena naman ang
madaldal at palakaibigan. Pareho silang nag-alaga sa akin noon pag iniiwan ako sa bahay nila pag may lakad ang aking tatay at nanay at bakasyon ang aking mga pinsang dalaga. Hindi ako puwedeng iwanan sa mga kapatid ko. Suko sila sa likot ko.

Maganda ang bahay nila. Palibot ng tanim at bakod. Mayroon silang malaking bote ng candy at tsokolate.

Pag si Magda ang nagbabantay sa akin at kami lang dalawa sa bahay. May dumarating na lalaki. Malaki ang tanda niya kay Magda. Inuutusan niya ako insan na pumunta sa kusina at kumuha ng candy. Siyempre ako naman, tagal ko sa kusina. Kasi may bintana doon na kitang kita ang dagat. Tapos may puno ng bayabs na abot mo ang bunga.

Minsan nagulat ako. Hindi na raw ako puwedeng pumunta sa bahay nina Magda. bulong ng aking tsismosang pinsan. Magkakababy daw. Saya ko. Kaya lang wala naman siyang asawa ah.

Imbes na ako ang pumunta sa bahay nila, si Elena naman ang iniwan sa bahay namin. May pupuntahan daw ang aking nanay at nanay ni Elena. Hindi raw puwede doon ang bata at wala pang asawa.

Narinig kong nag-uusap ang mga kadalagahan. Rape daw. Sumingit ako. Tinanong ko kung sino si Reyp.

Dinemanda pala ng magulang nina Magda yong lalaki na madalas dumalaw sa kaniya. Menor de edad daw kasi si Magda.

Ewan ko kung anong nangyari na doon sa kaso. Ang alam ko dinala nila sa ibang bayan si Magda kaya si Elena na lang ang lagi kong nakikita sa bahay nila.

Ipagpapatuloy ko insan.



pinaysaamerika



,,,
,,,

No comments: