Advertisement
Monday, May 30, 2005
Si Pinay at ang Pinsan ni Kabalay 2
Mukhang nag-eenjoy ang pinsan ng aking kabalay sa pagbakasyon sa Estet. Wala yatang balak bumalik sa Pinas.
Pasalamat sana kami dahil may naiiwan sa bahay at kung maari lang ay may magsasalang
man lang ng kanin sa rice cooker, kahit walang ulam.
Darating kami ng alas onse ng gabi pero wala pang pagkain. Oke lang kung kami lang dalawa ng aking kabalay, dahil maari kaming tumawag ng pizza at magpahambalos
ng isang malaking may pineapple, pepperoni toppings.
Pero, mabait ang kabalay ko. Baka raw magutom ang kaniyang pinsan at sanay daw
sa kanin, kaya pagod man sa trabaho, ay magluluto pa rin ito at tatawagin ang pinsan
na babad sa TV maghapon, kuntodo nakarollers at bagong manicure ang mahahabang
kuko.
Dahil ang usapan namin ay isa magluluto, at isa ang maghuhugas ako ang tokang hugas.
Ahem, ako na may tatlong "katulong" sa pinas ay natutong maghugas at maglaba dahil
sa pangangailangan at pakikisama. Hindi sa hindi ako marunong maghugas ng pinggan subalit dahil sa marami akong trabaho sa pinas na pinagkakaabalahan, minabuting iwanan ko ang gawaing iyon sa mga batang maari kong paaralin para sa kanilang kinabukasan. Hindi dahil sila ay aliping sagigilid kung hindi upang pag-alis nila
sa aking poder ay may masasabing mayroong silang magandang kinahinatnan.
Ang aming mader ay tinuruan kaming maghugas. Una ay ang mga baso na kailangang sabunin upang pagbanlaw ay hindi malabo, ikalawa ang mga pinggan, habang ang kubyertos ay nakababad sa mga nakasingit-singit na kanin sa tinidor at panghuli ay ang mga kaserola at kawali na karaniwan ay maraming sebo.
Hindi pa kami tapos ay tumayo na si Pinsan ni K. Mamiss daw niya yong ending
ng pinapanood niya. Bakasyonista nga. Pinaglulutuan mo at pinaghuhugas pa.
Ganoon paulit-ulit yon. Minsan dinadala pa niya ang pagkain niya sa kanilang
kuwarto. Nanonood daw kasi siya at ayaw maabala. Tapos ilalagay niya sa hugasan
ang kaniyang pinagkainan.
Lampas ng isang buwan ang kaniyang pagtira sa amin. Marami na rin siyang kaibigan
na nayaya sa bahay. Minsan naglulutu-lutuan sila habang kami ay wala. Iniwan pa nila ang maruruming kubyerto ng pinaglutuan.
Kinausap ko ang aking kabalay. Ayaw ko kakong may pumupunta sa bahay ng kung sino-sino pag wala kami. Kung may gusto siyang imibitahin, kailangan, magpaalam sa amin at sabihin kung sino ang mga iyon.
Nahihiya raw siyang kausapin ang pinsan niya. Isa, mas matanda ito. Ikalawa, nirerespeto raw nila ito dahil siya lang may mataas na pinag-aralan sa kanila.Tapos ito ng secretarial, samantalang sila ay tapos lang nh high school at ang iba
ay elementarya lang. Kung hindi nga lang siya pinilit ng nanay niya na pakasal
sa matandang Puti, disin sana'y hindi siya nakarating dito sa Estet.
Sabi ko, hindi sa pinag-aralan ang ikakagalang ng isang tao kung hindi sa kanyang
mabuting pakikisama, mabuting pag-uugali at respeto rin sa kapwa tao.
Sa ginagawa niya ay wala siyang respeto sa kaniya, huwag na lang sa akin.
Kinabukasan ay di ko dinatnan ang kaniyang Pinsan. Kinausap na kaya niya at pinaalis
o kaya ay nagtampo at nag-alsa balutan.
Tahimik kaming kumain. Wala siyang kibo. Hindi rin ako kumibo.
Kinabukasan ulit wala pa rin ang kaniyang pinsan. Nalaman ko na hindi pa niya kinausap at hindi niya alam kong saan nagpunta. Puwede raw bang ireport sa Pulis.
Nakita ko ang kaniyang pagkatigatig. Niyaya ko siya sa Pulisya.
Pababa kami ng hagdan nang makasalubong namin siya. Masayang nakaabrisyete sa isang
lalaki. Dati raw niyang boyfriend sa pinas na ngayon ay may-asawa na rito sa Estet.
Napunta raw sila sa Nevada.
Gumalaw-galaw ang aking mata at kilay. Kung ako lang si Cherie Gil, nasampal ko na
siya at nasabing lumayas siya. Kung ako si Robin Padilla, nabugbog ko na ang lalaking
kasama niya. Pero wala kasi akong pangrap maging artista, kaya minabuti ko na lang ang umakyat ulit, sipain ang walang kamalay-malay na tsinelas, na sa isip ay habe nga
sa daan ko, at isinara ko ang pinto ng aking kuwarto ng napakalakas.
Olrayt ilang oras din akong di nakausap pero kagaya nang aking panununtunan
sa aking gawain, lay down your cards on the table...pag pusoy panalo ka. ekkk ano ba ang pinagsasabi ko. Bakit ko dadagdagan ng wrinkles ko sa inis?
Bago kami kumain ng hapunan, kinausap ko sila, rules of the house...
1. Pag-aalis o lalabas ang sinuman, kailangang mag-iwan kung saan pupunta kahit
sa isang pirasong papel. Kung walang papel, sasampalin ko sila ng isang ream
ng copy paper.
2. Kung nakalimutang mag-iwan ng mensahe, tumawag. pag walang sumagot, kausapin ang
answering machine.
3. Pag may darating na bisita, sabihin kaagad para hindi ako maabutang nakasuot ng disente lamang sa loob ng pamamhay.
But rules are meant to be broken.
Call in sick ako. May trangkaso. Minarapat kung mahiga sa aking kuwarto para di makahawa. Kumatok ang aking kabalay. Hindi ako sumagot. Antok ako. Lumayo siya
sa pag-aakalang pumasok na ako at di nagpaalam dahil tulog pa siya.
Parang may naririnig akong ingay sa baba pero balik ako sa pagtulog dahil sa
gamt kong ininom. Madilim na nang ako ay magising. Inot-inot akong tumayo upang
pumunta sa bathroom. Tatlo ang bathroom ng bahay. Dalawa sa ibaba at isa sa itaas. Madalas gamitin ko ang sa itaas kung hindi lang naman ako maliligo.
Binuksan ko ang pinto. Binuksan ko ang ilaw. Akkkkkkkkkkkkkkkkkkk may lalaking
nakabrief. Tinakpan ko ang isa kong mata. Kinuha ko ang isa kong payong at handa ko siyang saksakin kung siya ay lalapit sa akin. Tumakbo palapit ang Pinsan. Nakatapi lang ng tuwalya.
Yong dating boyfriend ng Pinsan ni Kabalay. Akala pala nila ay wala ako.
Nag-inuman sila sa ibaba at ewan ko kung ano pa ang ginawa. Pag nakabrief ang lalaki
at nakatapi lang si babae, palagay ko hindi sila naglalaro ng patintero.
Parang gusto kong magtalumpati.
Hindi mo lang ako hindi iginalang,
Binaboy mo pa ang aking tirahan.
Pinaysaamerika
Monday, May 23, 2005
Si Pinay at ang Dagang Prostitute
Pagbabalik-gunita lamang.
Ang bahay na tinirhan ko ay may in-law sa ibaba. Ito ang ilalim ng bahay na ginagawang kuwarto o kaya isang kumpletong tirahan na pinapaupahan ng may-ari ng bahay.
Dalawang kuwarto ang nasa ibaba. Isang beterano at ang kaniyang asawa at isang lalaki
na may dalawang anak na babae. Ang anak na mas matanda ay labingwalong taong gulang lamang nguni't mayroon na itong isang anak.
Ang bunso ay labindalawang taong gulang.
Ang kanilang bathroom ay sa ikalawang palapag. Sa aming likuran. Hindi kailangang pumasok sa loob ng kabahayan. Ang kanilang kitchen ay sa itaas din. Nakikiluto sila sa aming kitchen dahil bawal ang lutuan sa ibaba. Firehazard.
Dito ang paupahan ay mayroon ng cooking range at refrigerator.
Kahit dalawa lang kami ng kasama ko, malaki ang ref na ginagamit namin dahil
minsan-minsan lang kaming mamalengke.
Puno palagi ang aming ref lalo na ng ice cream, popsicle at iba pang frozen delights.
Hindi naman kami mahilig magluto dahil sa walang panahon at nagkakatamaran kaya lahat halos instant micro at junk foods.
Mahilig magluto yong asawa ng beterano. Binibigyan kami kaya bukas lang ang ref namin para makakakuha siya ng gusto niyang lutuin. Sahog kami.
Yong lalaki na may mga anak na babae ay hindi nagluluto. Parang lahat ng kinakain nila ay to-go. (bili sa restaurant).
Mainit ang panahon noon kaya bumaba ako sa kitchen. Nasa ikatlong palapag ang aking
silid. Ang pinto ng kitchen papunta sa likod ng bahay ay bukas. Ito ang daanan ng
mga nakatira sa in-law para pumasok sa kusina.
Kumuha ako ng popsicle. Uhmmm...halos paubos na. Tssk tsssk itong kasama ko
kakain lang, hindi pa itapon ang balat. Tinupi pa.
Kinabukasan nakita ko ang batang babae. Papasok siya sa iskwela. Gusot ang kaniyang
damit na tila ba gustong sumama ang plantsa sa kaniya.
Naghahanap siya ng pagkain sa mga kalderong nasa stove. Tumalikod siya nang makita
ako at tuluyan nang umalis. Nakita ko ang gutom sa mata niya.
Double shift ang kasama ko kaya maghapon siyang wala. Samantalang day off
ko pag Sabado at Lingo.
Gabi at mainit ulit. Kumuha ulit ako ng popsicle. Hmmm, bawas na naman at may
nakatuping balat ng popsickle. Hmmmm masama ito. May dagang may dalawang paa at
dalawang kamay na pumapasok sa ref. Sa freezer pa. Mahuli nga.
Umakyat ako sa itaas pero nakasilip ako sa may pinto galing sa ibaba.
Gusto ng magrebelde ng aking likod sa aking katawan dahil sa pagkakatagilid ko
sa pagsilip. Kulang na lang itong magdala ng placard para ipakita ang pagrerebelde.
Bumukas ang pinto. Dahan dahan. Alas diyes na ng gabi. Isang babaeng nakaitim ang pumasok. Nangingintab ang damit. Binuksan niya ang ref. Binuksan ang freezer. Kumuha ng popsicle, binalatan, sinuli ang balat at kinain ang popsicle.
Ang batang bunsong anak noong lalaki. Pero bakit ganoon ang suot niya. Baka
may party siyang dinaluhan. Marami pang make-up.
Kinabukasan habang nagluluto si Nanang (asawa ng beterano)nag-ala Cristy Fermin ako.
Tanong ,tanong, tawa, tawa.
Prostitute daw yong bata sa gabi. Lumalabas daw, kasama yong kapatid na babae.
Luwa ang mata ko. Labindalawang taong gulang ? Ano ang trabaho noong ama?
Wala raw. Addict pa raw. Kasi raw iniwanan ng asawa kaya sinisira ang buhay.
Uhmmmmm. Sabi ko tamad lang talaga.
Pinaysaamerika
Sunday, May 22, 2005
Si Pinay at ang Magnanakaw
Ito na naman ako. Sabi nga eh kailangang halukayin ko ang aking utak para
ma-update ang blog kong ito. Inilabas ko na yong sitemeter para mabilang ko naman
yong dalawang pumupunta rito. Marami naman pala. Hindi lang kasindami noong aking
NWC.
Pansamantalang iwanan natin sa Pinsan ni Kabalay. Pero hindi pa siya tapos anoh.
Kuwento ko sainyo ang aking karanasan na magnanakaw.
OO Birhinya, bago ako lumipad dito sa Estet , nakuha ang bag kong naglalaman ng
kulang-kulang na 29.95. (hindi po totoo yong amount) sa Jolibee sa isang mall sa Pinas.
Dito sa Estet , meron din hong mga snatchers, pickpockets at mga holduppers. Kaya mga Pinoy na akala nila ay napakasama na ng kanilang kababayan diyan, kahit saang forest ay may puno ehekkk ahaw pala.
Mayo din ho noon. Cinco de Mayo. May parada sa Mission dahil holiday ng mga Latino. Wala akong nasakyan na bus at nahuli ako sa sundo sa akin sa train station.
May nakuha akong last trip na bus at kaunti na lang ang sakay. Alas onse na ng gabi kasi.Naghuhulihan na doon sa lugar na dinaanan ng parada. May mga lasing na.
Akala ko naghuhulihan na ng pangit, pero hindi pala. Tatakbo na sana ako.Tigidig, tigidig.
Kailangang bumaba ako sa isang bus stop at kumuha ng isang bus ulit bago
makarating sa bahay. Hindi pa uso noon ang cellphone dito noon. Pager lang. Eh ang pager naman dito pang narses lang dahil ang phone system naman ay efficient.
Hindi ko matawagan ang aking kabalay na nars para sunduin ako. Naghihintay ako ng bus nang lumapit sa akin ang itim na tinedyer na may dala-dalang boom box at nahuhulog na ang pantalon.
Nagtanong nang "You got time?" Tiningnan ko ang aking oras. Ayaw ko ngang ibigay ang time. Sabi naman niya got time? di oo. Hindi naman niyang sinabing what time is it ? Tooooook, tooook. pilosopome.
Dumating ang bus. Sakay ako. Sakay din siya.Ilang block lang naman ang layo. Puwedeng lakarin pero madilim kasi at may dadaanan pang overpass.
Bus stop.Kanto ng kalye, ikalawang bahay yong amin.Baba ako. Baba rin yong tinedyer.
Nakita ko siyang lumakad sa ibang direksiyon. Mga ilang hakbang na lang ang layo
ko sa bahay ay may naramdaman akong may humihila sa bag kong dala. Yong itim na tinedyer. Ibinababa lang pala yong boom box saka ako sinundan at ito nakikipaghilahan ako sa bag ko.Sabagay ang laman lang naman ng box ko ay ang aking pantalon na marumi, checkbook at salamin.
Abaaa kung sisigaw ako ng magnanakaw, hindi maglalabasan ang mga tao. Kaya ang sigaw ko ay FIRE, FIRE....
Labas si French at ilang mga beteranong lalaking nakatira sa malapit sa amin. Hinabol nila yong snatcher.
Hindi naabot. Hindi tuloy ako nakakain ng gabing yon. Pero tumawag ako
sa banko ko na isara ang aking bank account. Buti na lang ang aking mga ID na sa aking bulsa.
Turo yan na huwag ilalagay lahat sa bag.
Kinabukasan umikot kami sa block. Nakita namin ang bag, nasa may
basurahan. Walang nawawala kung hindi yong salamin ko at yong pantalon na windbreaker.
Ang aking tseke ay nandoon. Hindi siguro marunong gumamit at small time.
Sa isip ko ang bata noon. Nasaan kaya ang nanay niya?
Pinaysaamerika
Friday, May 20, 2005
Si Pinay at Pinsan ni Kabalay
Maghintay kayo sa susunod na kabanata ni James Bond.
Work to death ako. Five days a week nga pero 5:30 pa lang, alis na ako ng
bahay. Ang balik ko ay alas diyes.
Ang aking kasama naman ay pasok siya ng alas 2:30 ng hapon at ang
uwi rin niya ay alas 10. Sabay kaming kumakain ng hapunan. Hati kami
sa gastos.
Minsang umuwi ako ay may naabutan akong isang babae sa aming kusina. Kumakain.
Pinsan daw ni kabalay. Galing sa Pinas, turista.
HMMMMMMM
Sohgal na shogal ang dating niya, mamah. Nagkakadatikwas ang mga daliri niya sa paggamit ng kubyertos. Maliliit din ang subo niya. Malamya siya kung magsalita. Ang ulo niya ay gagalaw-galaw na Tila yong asong plastic na dinidsipley sa kotse, tatango-tango, iling-iling pag gumagalaw ang sasakyan.
Kung hindi lang sinabi siyang BABAE PO AKO, mukha siyang shukling. Laki ng Adam’s Apple. Parang gusto kong pangangahin at ipaluwa ang mansanas.
Cashier daw ito sa isang hotel.
HMMMMMMMMMMMMMMMM
Mukhang may kaya. KAYABANGAN.
Ikaw anong trabaho mo sa Pinas ? Pinipilit niyang kutsarain ang spaghetti.
Mangani-nganing agawin ko ang tinidor, paikutin ang spaghetti at sabihing
NGANGA. Pagkain ng spaghetti, tinidor ang ginagamit ano.
Hingang malalim, hingang mababaw. Bakit ba mainit ang dugo ko.
Antibiotic ang dating niya sa akin kaya lumabas na naman ang aking dugong
Berde.
Si Santa Inez kaya ay patrona ng mga naiinis na tao?
Ikaw anong trabaho sa Pilipinas? Tanong niya sa akin nang walang
Kagatol-gatol , walang preno, walang beep beep.
HMMMMMMMMMMMMMMMMM
Ayyy,Ginaya ko rin ang paggalaw ng kaniyang leeg . Pati pagtikwas ng daliri.
METRO AIDE.
Ay ganda mo namang METRO AIDE.
Kung hindi doon sa ganda, siguro kinurapan ko siya nang walang tigil at
Sabihin sa kaniyang GAGAH,naniwala ka naman. Kaya lang magmumukha naman
Akong ATE VI niyan.
Nananalo raw siya sa isang contest sa noontime show ng 300,000, kaya
Feeling siyang Nina Ricci siya..(rich). Tourist bigla drama. If I know,
gusto niyang puntahan ang kaniyang EX ditto. HHHHmm.
Natapos ang kainan. Hinugasan ko ang aking kubyertos. Siya iniwanan niya sa
sink.
Masama ang aking kutob. Tamalis ang babeng ito. Ano siya sininswerte? Sino ang
Chimiaa niya ?
Pinaysaamerika
Monday, May 09, 2005
Si Pinay at Bersday ko raw
Sabi nga sa iblog summit conference, you owe it to your audience (okay my two regular
readers please stand up please) to update your blog regularly. Am guilty your honor. Hige,kakalikutin ko ang aking archive ng utak para malala ang mga nakalipas. (Soundtrack ng The Beauty and the Beast please). eng eng eng. (Biyulin yan).
Lunes. Nalaman ko na umuwi na si Daisy Nueve.Bwisit kay James Bond.
Si physical therapist ay trying hard pa rin. May pagkasuplada nga ang bruha.
Mayaman daw kasi sabi ni MAng Steve. Oweno.
Bersdey pala ng daddy ni James Bond at mayroong surprise party sa
penthouse.
Para hindi niya malaman, piraso lang ng papel ang ibinigay sa akin ni
James Bond para sabihan ako na lunch yon. Kaya ilalalabas daw niya muna
ang tatay niya para hindi mabuking. Ang grand party kasi ay gagawing weekend
para puwede yong mga kaibigan niyang busy pag weekdays. Intimate friends
at family lang daw para sa araw na iyon.
Wala akong regalo. Ano ba naman ang ireregalo mo sa taong nakapag around the world na
ng tatlong beses. Nakapunta na nga siya sa University of Sto. Tomas
para maging speaker sa isang medical conference at ang mga bakasyon niya
ay mga cruises.
Bumili ako ng TIMEX o Casio ba yon na relo. Wala pang 20 dollars. Ano kamo, cheap ko?
Sa totoo lang mahal na mahal niya ang relos na iyon at hanggang mamatay siya
ay suot niya. Karamihan kasi sa relos niya ay dressed watch (Yong relos na
nakadamit. mwehehehe). Samantalang yong timex na ibigay ko ay for everyday
use na may date, (that time medyo may dementia na siya. Di niya maalala kung anong araw na). Tinatanong nya ako, makakalimutin din ako. Kaya para di na niya ako tanungin, ayon binigyan ko siya ng relos. Saka yon ang relos na DBMMN. (DI BALENG MAWALA,MURA NAMAN). hokhokhok.
Party na. Kainan na. Bitin ako. Sushi at iba pang finger foods. Bukasan ng regalo.
May pagkapsychic daw ako. Alam ko raw ang gusto niya. Ang relong practical at hindi yong nag-alalang mabasa, paginteresan at mawala. In short, pwedeng walain.
Wala kasing magregalo sa kaniya nang ganon dahil iniisip na hindi bagay sa kaniyang
stature. Pagkatapos iadjust ang bracelet at oras, sinuot na niya.
Bago natapos ang party, (gutom pa rin ako)may inilabas na isang card si
James Bond at isang maliit na box. Akala ko additional regalo para sa kaniyang
erpats. Yon pala sa akin. Happy Birthday. 'NO? Gulat ako.
Yon palang isang pilya kong kasama, biniro si James Bond na birthday ko rin
kaya pala lumabas para maghanap ng regalo para sa akin.
Bulong ng kasama ko. Tanggapin ko raw dahil mapapahiya siya. Gusto kong hawakan ang
kaniyang buhok at alisin ang tirintas sa bwiset.
Kasi raw gusto niyang malaman ang reaksiyon ni James Bond. Napapansin daw niya,
para yatang intrega sa akin.
Sabi ko naman, pabling kasi. Kaya akala niya, lahat ng babae, machacharm niya.
Excuse me.
Palakapakan ang mga nandoon. Ingos si physical therapist. Nakangiti ang
ermatz ni James Bond. May misteryo ang ngiti at ang kislap ng kaniyang mata.
Kinabukasan, pagpasok ko wala na si James Bond. Lumipad na. Isinuli ko ang
regalo sa kaniyang mader. Hindi tinanggap ng mader niya lalo yong nakasingit
sa card na tseke. Parang nakita kong kumislap ulit ang kanyang mata.
Itutuloy.
Pinaysaamerika
Saturday, April 30, 2005
Si Pinay ang inihatid ni James Bond (hehehe)
Maituloy ko ang kuwento ko tungkol kay James Bond.
Wala pa si James Bomd, uwian na. 'No sila sinuswerteng samahan ko hanggang dumating
ang kanilang tsik boy? Iniwan ko silang hindi nagiimikan. Bisi si Daisy Nueveng makipaghuntahan sa phone, samantalang si Physical therapist ay may kausap na lalaki sa hallway. Palabas na ako ng building ng tawagin ako ni Mang Steve (SLN), Filipinong chief ng security ng building na yon. Tatlo silang Pilipino. Isa ay ang bata pang kahawig ni Cesar Montano. Yong Puti ay kahawig ni Keannu Reeves kaya lang shoklai.
May isang Nepalese, Mexican, retired African American na sergeant at isang racist na Puti.
Tumawag daw ang sundo ko na hindi makakarating dahil double siya. Ibig sabihin, public commute ako.
Niyaya niya muna ako na kumain dahil anniversary daw ng kasal ng kaniyang
kasama kaya nagdala ng maraming pagkain. May kare-kare.Uhmmm kainan na.
May pagkain na may kasama pang tsismis yan.Si James Bond daw ay may gerl pren
na lady judge na matagal na . Mahigit sampung taon na. Siya ang nagligtas at nag-alaga sa kaniya sa car accident na naging dahilan sa pagkakaospital niya ng isang taon. Matiyaga siyang inalagaan nito.
Tanggap na raw ito ng pamilya para maging misis ni James Bond. Kaya lang talagang pabling si Bond. Hindi pa man kasal, taksil na.
Puno pa ang bibig na nagkakanbulunang sabi ng security na kamukha ni Cesar,
nandiyan na raw si James Bond. Nandiyan na nga .Lumabas na siya sa isang monitor.
Sabi ko, itago nila ako.Pero huli na. Huli niya akong may pangal na buto ng
baka.
Ewwww, sabay takip ng ilong niya nang maamoy ang bagoong na pantimpla sa kare-kare.
What's that friggin' smell? You got a dead cat ?
Sinabi ko yog dalawang tsikas na nasa taas. Alam daw niya kaya di siya na dumarating. Sinabihan niya si Daisy Nuweve na wag lumabas sa hotel.
Di sana binigyan mo ng pacifier at teddy bear,bulong ko sa sarili ko, pero kumikibot ang aking labi.
"What are you mumbling about" ? tanong ni James Bond. Am praying. Sabi ko naman.
What're you praying for ?
Kuleet!!!!
"That my friend changes her mind and pick me up instead so I do not have to commute."
"I heard your prayers, my child.", sabi niya na pinalaki ang boses.
"Pardon me my lord, but what prayer of mine was answered ?" tanong ko.
"That you will go home in Lexus and I will be driver",sagot niya na boses ala Jack Nicholson.
"You're kidding". sagot ko ulit sabay punas ng kamay baka totohanin nga, di Aliw.
Hindi dahil, gusto kong ihatid niya ako pero makakatipid din ako ng $ 5 dollars.
James Bond: No I am not.
Ako: What about ...I understand you have dinner with her tonight.
James Bond : "Oh, she ? ..she's just a date. Nothing serious. She wanted me to meet her daughter."
Ako: "Yep, and Maria Clara is the sister of Rizal."
James Bond: "Pardon me ? "
Ako: (bulong lang) You are pardoned.hekhekhek.
Siniko ako ni Mang Steve. Sige na pahatid ka na. Ayoko yong physical therapist. Mayabang.
Mang Steve: ow Jimmy , I can make a call to tell the ladies that you
are held up in a traffic.
James Bond: Thanks Steve.
Ako: "Mang Steve, kunsintidor kayo ha."
Mang Steve: " Sige na, ipakita mo ang kamandag ng Filipina."
James Bond: "I'll see you in the car."
Ako: "Okidoke." (Saya, libre pasahe ko, kawawang goirls).
Nang dumating ako sa kotse, di man lang niya binuksan ang pinto. SUYA.
James Bond:" You're saying something?"
Ako: "I am just whispering the password to open the door."
James Bond: "You're crazy, don't you know that ?"
Nagdadrive siya nang more than sa allowed na
mph.
Kinuwento niya ang kaniyang aksidente.
Iniisip ko kung anong palabas sa TV.
Kinuwento niya ang kaniyang girl friend na taga Middle East.
Iniisip ko ang magbabad sa bath tub.
Kinuwento niya ang kaniyang school.
Iniisip ko ang labahin ko.
James Bond: "We're here. "
Ako: "Ow thank you."
James Bond : "Let's get out of here."
Ako: "okay, sabay labas ko sa kotse."
James Bond: "Would you not even invite me for coffee."
Ako: "sorry, I don't drink coffee."
Asar siya. Papainitin pa niya ako ng tubig. Saya niya.
Sa kapitbahay, nakita kong nakasilip si French.
Kumaway ako kay James Bond.
Ang iyong pinsan,
Pinaysaamerika
Wednesday, April 27, 2005
Si Pinay naging Nanny ?
Down and aking isang website.
naupdate ko ang aking pinay. uhum.
(Paalala lang ho. Ang mga istorya ho dito
ay hindi pangkasalukuyan. Akin lang binabalikan
na para bang REWIND).
Spoiled si James Bond. Unico hijo kasi. Hindi siya nagtatrabaho. Forever istudyent siya..Naubos na nga ang kursong puwede niyang enrolan kaya ,medyo pahinga siya ng isang taon nang siya ay una kong makita. Allowance galing sa trust fund niya ang ginagastos niya. Kaya pabling din dahil maraming mga bulaklak ang nakakaamoy ng pukyutang berde ang kulay.
Madaldal pa . Kung yong housekeeper ng aking kaibigan mabilis magsalita as in nakaisang salita ka palang, naka-isang chapter na siya, si James Bond naman ay nakaisang chapter ka pa lang ,nakaisang libro na siya kasama pa ang prolugue niyan.
Kamukha siya ni Jim Curry, lalo pag dinidistort ni Jim ang kaniyang mukha.
Para siyang kiti-kiti.
Dati, madalang pa sa ulan sa tg-araw ang pagdalaw niya sa kaniyang magulang. pero
biglan na lang naging halos buwan-buwan. Ginawang Quiapo ang California at ang
Boston.
May napupusuan kasi siya. Isang Pilipina. O daliri ninyo huwag magtuturo Mapuputol yan..Dati siyang empleyado nila, pero nagpapart time na lang. Bisi raw sa family problem.
Kahit ganoong may crush siya kay Fidela (itago natin ang pangalan niya) may karuray
pa rin siyang isang Puting labingsiyam na taong gulang. College istudyent at anak DAW ng kaniyang. EX. Nakita kong nagroll-eyes ang kaniyang kapatid na panganay na nangangasiwa ng estate ng pamilya.Maganda ang ate niya. Simple lang na maliit na babae at green ang mata. Corporate lawyer siya ay graduate sa Harvard. Alam niyang
isang malaking kuwarto sa hotel ang kinuha niya sa kapatid at hindi separate room.
Baka sa bath tub natutulog. si Bond.
May kasama nga, panay din ang alis at iniiwan pa sa amin yong kaniyang dalang babaeng may gatas pa sa labi, malapit na nga lang ang expiry date.
Ginawa pa kaming daycare.Ginawa pa kaming nanny.
Panay naman ang lambing ni daisy-nueve sa father-to-be niya sakaling mauntog si James Bond at biglang magpakasal.
Sabi kasi niya siya raw ay NOT THE MARRYING TYPE, noong sinabi ko na maraming naghahanap sa kaniyang mga tsikas nang malamang HE IS IN TOWN.
Bakit kasi hindi ibigay ang telephone niya sa hotel anoh.
Tapos may dumating pang isang tsiks na physical therapist. May dinner date raw sila ni James Bond at magkikita raw sila doon.
Abah, hindi lang ginawang daycare center, ginawa pang Luneta.
Masaya ito. Wala pa si James Bond at nagkita na ang dalawang tsikas niya sa buhay. May sabunutan kaya ? May sampalan kayang magaganap?
Abangan.
(Sa mga nagtatanong kung sino si James Bond, abangan na lang po ang mga susunod na kabanata ng the Buzz. Ooops.)
Pinaysaamerika
Wednesday, April 13, 2005
Thursday, March 31, 2005
Si Pinay at si James Bond
Naglipana ang tukso, sa bahay si French, sa trabaho ay ang anak ng aking boss.
May nakasabay ako sa elevator. Kaya lang hindi ko magagawa ang mga suggestions ni Ringhithion.
May kasabay akong Puting lalaki. Tinitingnan ang aking kuwintas. Nasalubong ko ulit siya sa desk ng receptionist. Nagpipirma siya sa visitors’log. Kinakausap ko yong babae sa counter.Sabi ni Puti: Your voice is familiar. I think I know you.
Tumaas ang isa kong kilay. Sa isip Ko ta….na narinig ko na yan. Pero familiar din ang kaniyang boses.
Sabi ni Puti: Hi the name is Bond. James Bond.
Sabi ko naman: Hi, I am Moneypenny. Saka ngumiti ako ng labas ang buong ipen.
Sinundan niya ako. Pumasok ako sa kuwarto.Pumasok din siya.Tinamaan ng matsing, ako ba ang sinusundan nito?
Sabi niya sa boss ko: Hi Dad, I am here for the holidays.Sabi ni boss: Good for you.
By the way, have you met, the Ca t?Sabi niya:Ow, did not have a chance. Hi, I am Zorro.Inabot niya ang kamay ko at nakangisi rin siyang labas ang ipen. Nakakaloko ang anak ng pating. Kailangan ding iintroduce ko ang aking sarili.
Sabi ko naman: I am Darna.
OOPssy,mali.Ngumiti rin ako hanggang tenga.
Who's that? Is she among the Xmen? tanong niya.
Oh loko,sisimulan niya ako, di siya ang nabuwang.
Ang iyong pinsan,
Pinaysaamerika
Tuesday, March 29, 2005
Si Pinay at ang Gerl Pren
Niyaya ako ng kaibigan kong pumunta sa remittance company para makapagpadala siya ng 500 dollars. Ganyan siya magmahal sa boypren niya.Tinanong ko kung sigurado siya.Oo raw. Doon daw siya masaya.
Hige.
Sa isip ko, kung kaharap ko ang boypren niya, bibigyan ko siya ng left hook
AT RIGHT HOOK, TUTUHURIN KO SIYA SA BABA NG KANYANG SINTURERA AT PAGNAKALUGMOK NA SIYA AY SAKA KO ITATAPON ANG PERA SA KANIYANG MUKHA, sabay ang sabi ng...
Son..o...bit...F...k...you..f...k...
Sandali, hindi ako yong sumigaw na yon. Tumakbo ako sa labas kung saan nanggaling ang ingay.
Si French, pilit na sinasampal ng gerl pren habang hawak niya ang dalawang kamay ni babae. Bakit nasa kalsada ? Bakit nasa harap ng bahay?
Hinila ako ng aking kaibigan papasok sa bahay. Tumawag daw ang nanay ni Edong yong may-ari ng bahay at kaibigan ng gerl pren ni French.
Nagseselos daw si gerl pren.
"Saiyo ?" tanong ko sa ikaibigan ko.
"Saiyo," sagot naman ng kaibigan ko.
"Sa akin ? Bakit ? Hindi naman ako lumandi sa boypren niya.
Ito nga itong kain ng kain ng pizzang dala niya."
Kasi raw ,bukambibig ang pangalan mo kahit anong usapan.
Balak ka raw sugurin dito, sinaway ni French.
Biglang may kumatok sa pinto.
Nagkatinginan kami ng kaibigan ko. Pinabuksan ko sa kaibigan ko ang pinto. Hindi dahil takot ako.
Eh kung sabunutan ako. Magugusot ang aking buhok.
Eh kung sampalin ako. Magugulo ang aking make-up. hehehe.
Naku nanay ni Edong. Ang Boy Abunda sa kalyeng yon. Palagay ko may dala siyang exclusive report tungkol sa iskandalo sa ibaba.
Anak ng pating na nanganak ng daeng at nagkaroon ng apong tinapa. Purnada ang pagpapadala ng kaibigan ko.
May balak tumagal ang matanda. Sumalampak sa aming upuan.
Tatlong taon na raw na magkasintahan si French at ang Pinay. May bahay daw si Pinay pero ayaw makipag-live-in si French kaya umuupa kina Edong.
Pakakasal na nga raw ngayong taon na ito. Siniko ako ng aking kaibigan at inulit
ang ikakasal na raw.
Keber. Kung balak nila akong kuning flower girl, fully booked na ako..
Bakit ninyo kinukuwento sa amin ?
“Wala naman”, sagot ng matanda. “Off limits na si French.”
At nagpaalam na siya.
“Kainis” sabi ng aking kaibigan. Para siyang nakakababae. Nagpadala
pa ng emissary.” Sa totoo lang, aswangin mo nga.
Sabi ko," hindi dapat. Boypren niya si French, natural lang siyang
magselos. Kaya lang dapat huwag siyang mag-iskandalo. Dapat pinuntahan
niya ako at kinausap."
“Katuwaan lang ow, landian mo nga.” sabi ng kaibigan ko.
"Gagah.."lutong kong sagot. "Maghahanap ako ng sakit ng ulo
dahil sa challenge."
"Sige na nga. Lika na nga at makalabas. Pag nandiyan siya,
wa ko siya pansin." sabay hila sa kamay ko.
Kinabukasan may bulaklak sa paso sa may tapat ng pinto.
Galing kay French. Naghahanap talaga ng sakit ng ulo.
Sabi ni kaibigan. Dali, pakita natin doon sa matanda.
Sabi ko." Para kang si Cristy Fermin, ang hilig sa intriga."
Pinaysaamerika
Monday, March 28, 2005
Si Pinay at ang Voice Tape
(Ang mga salaysay po rito ay nakaraan at hindi ang aking
pangkasulukyan. Kung baga ay balik-tanaw na walang contact lens).
Wala kaming pasok pareho ng aking kaibigan kaya
tambay ako sa kaniyang kuwarto. Inabutan ko siyang nakikinig
ng voice tape. Galing sa kaniyang boy pren sa Pinas
Ang kaibigan ko ay diborsyada sa asawa niyang Puti na siyang
nagpetition sa kaniya papunta rito sa Estet. Natuklasan ng
Puti na nakikipag-communicate pa rin siya sa boypren niya
sa Pinas. Mabait si Puti at mabuting tao rin ang aking kaibigan.
Iba-iba nga lang ang kanilang minamahal. Parang kanta
ni Sharon, Mahal ko kita, mahal mo siya, mahal niya ay iba.
Ayaw lang ni Puti na makitang kinukuwartahan ng boy pren
ang aking kaibigan na hindi ko pa kaibigan noon.
Ewan ko ang gulo talaga ng buhay.
Kadidibrosiyo lang nila nang kami ay magkakilala. Balikan sila
ng boypren sa Pinas. Sulat,telepono at voice tape. Pakinggan
natin.
Voice tape: Honey, alam mo namang ikaw lang ang mahal ko.
at yan ay di magbabago.
Honey niya: Sarap pakinggan.
Ako: (Bulong lang ho) Sarap sapukin. Lokohin mo lelang mo. Ewan ko ba, sense
ko na bolero talaga yong boy pren na yon.
Voice tape: Lagi kitang naiisip. Wala akong magawa maghapon.
Honey niya: Ganiyan talaga yan. Sabi niya kaya raw hindi siya
nagtatrabaho dahil iniisip ako palagi.
Ako: (nangiti ako, at sa isip ko...talaga ? Tamad lang talaga.
Pagkatapos ng makalamuyot na mga bulaklak ng dila na
madalas sigurong madilig ng beer at alak, ito na ang pinakamaganda.
Voce tape:Siyanga pala mahal, kailangan ko ng five hundred dollars.
Nag-aaply ako pagkaseaman at kailangan ko ng pera.
Ako: Pagkahaba-haba man ng prusisyon uwian din pagkatapos...ehek...
Nalaman ko na lang na yong perang yon, ginamit sa kasal niya sa isang
OFW naman sa Saudi.
May susunod pa kung talagang tsismosa kayo.
Bewhehehe
Pinaysaamerika
Friday, February 11, 2005
Si Pinay at Kapitbahay-Karugtong po
Tiniis ni French ang pananakit ng kaniyang
asawa at kalaguyo nito dahil wala pa siyang
papel.
Oo Birhinya, hindi lang ang babae ang
battered wife pati rin lalaki kaya
lang tawag naman sa kanila ay battered
husband.
Sa tagal nang pagkukumpisal niya sa
akin, naubos ang pizza nang hindi namin
namamalayan. Panay ang baba ng kasama
ko at dukot doon sa lalagyan ng pizza.
Nag-order tuloy si French ng isa
pang buong pizza.
Dumating ang panahon na hindi na
siya nakatiis. Buti na lang may
berde na siya. Palaging bangag yong
babae kung hindi lasing.
Naawa man siya sa bata ay iniwan
na rin niya.
Nakakilala na naman siya ng Puti.
Nagsama sila at nagka-anak. Tamad
naman at salaula. Laging nakamanicure
pero ang dumi raw ng bahay. Pagdating niya,
siya pa ang nagluluto at naglilinis ng
kanilang anak.
Para magkaroon ng may magagawa, nagbukas siya
ng isang pizza parlor. Sa France kasi may
restaurant sila at sanay siyang magluto.
Tuwang tuwa ang asawa niyang nagbantay
sa parlor na naging hang-out ng kaniyang
mga bum na kaibigan. Napansin ni French
na nawawala ang kinikita nila maghapon.
Away dito, away doon, kalmot, sipa.
Kawawang French, tira-tirahan sa bugbog
ng mga babae eh ang laki naman ng kaniyang
katawan.
May doorbell. Akala ko yong pizza. Yon palang
gerl pren. Dala ang mga damit ni French
na nalabhan na. Iba talaga magmahal
ang Pinay.
Nagpaalam na si French. Babay naman
ang kasama ko na inabot ang perang
ibinigay ni French para ibayad sa inorder
na pizza. Keep the change pa.
Sa halagang ganoon, binulungan ako.
"aswangin ko kaya?"
Batok ang inabot niya sa akin.
Narinig ko sa ibaba na mayroon yatang nag-aaway.
Pinaysaamerika
Tuesday, February 08, 2005
Si Pinay at Kapitbahay-Brown out ulit
Wala ulit kuryente. Overloaded na naman.
Tatawagan na sana namin si Edong, yon ang
may-ari ng bahay na nakatira sa ikatlong
bahay mula sa amin, nang may nagdoorbell.
Si French. May dalang box. Pizza.
Pag sinuswerte ka nga naman ay talagang
sinusuwerte ka talaga. May taga ayos na
ng kuryente, may pizza pa.
May ipapabasa raw siya at ipaeexplain sa
akin. Naisip ko bakit hindi doon sa gerl
pren niya ?
Siniko ako ng kasama ko na ikalawang
piraso ng pizza ang pinapangal.
Sabi niya, "haglhibghi lhgan yhan pahra
mahgkitha kgha."
Sabi ni French," what is she saying ?"
Sabi ko, "She said she likes the pizza."
(May demerits na naman ako kay San Pedro).
Sabi ni French," I am happy she likes it.
I made it myself. I once had a pizza parlor."
Sabi ng kaibigan ko, "Wow, may pizza eheste,
may brwead."
Pinandilatan ko ang aking kaibigan at sinabi
ko, "Tumigil ka saiyong kabaliwan,"
(sandali, soap opera script ang dating.)
Ulit. Pinandilatan ko ang aking kaibigan at sinabi
ko, "Huminto ka. Akyat."
Sabi niya,"Oy gusto niyang magkasarilinan."
At humahalakhak siyang umakyat sa kuwarto
niya.
Review materials at instructions pag kuha
ng licensing exam ang pinakita niya sa
akin.
Hmmm gustong magpasikat ?
Ikalawang licensing exam na raw yong kukunin
niya para sa certification sa electrical
technician...something. OO Birhinya,
ganiyan kumita si Uncle Sam, lahat may
license na kailangan. Kahit mangkukulot
ka lang.
Mahigit labinlimang taon na siya sa
Estet. Natuto na siyang magsalita
ng English pero may may punto pa
rin siya.
Hindi pa siya magaling sa written
English.
Yong unang asawa niya, hindi siya
tinuruang magsalita ng English kahit
nagsama sila ng tatlong taon. Minahal na
rin niya pati bata. Pero may boypren
pala ito na hudas. Madalas daw doon sa
apartment nila at habang nanny siya
ng anak nito ay magkasamang naglalakwatsa
ang dalawa.
Lahat nang ibinibigay niya ay ibinibigay
din sa boypren.
Ang sama nito, pag lasing ang dalawa, binubugbog
siya. Kaya minsan daw matulog siya ay bukas
ang isang mata.Parang dolphin.
Pause.
Bakit ba magneto ako ng mga nakakaiyak
na kuwento.
PRsssssssssssssssssssss.pahiram nga ng
panyo.
Itutuloy.
Pinaysaamerika
Monday, February 07, 2005
Si Pinay at ang Kapitbahay
Pagkatapos ng aking unang Pasko ay may lumipat
na isa pang babae sa aking tinitirahan. Buti
nga may kasama ako sa itaas.
Pag wala kaming pasok ay nanood kami ng pelikulang
Tagalog. Sabay kaming lumuluha sa palabas ni
Maricel.Memorized niya ang dialogue ni Maricel
na ayaw ko ng masikip...ayaw ko ng maputik....
Sa paulit-ulit niyang sinasabi, pati ako memorized
ko na rin.
Minsan ay nawalan kami ng kuryente. Overload
pala. Taranta kami. Baba kami at tyempo nandoon
si kapitbahay na French. Tinawag pala ng may-ari
para ayusin yong wiring. May kasama siya. Pilipina.
Ahaaa. Gerl pren. Abresiyete kaagad kay French nang
makita kami. Naglaro ang aking diwa. Nagkatinginan
kami ng aking kasama. Nakilaro rin ang diwa niya
sa akin. Gustong maghigh five. Umigkas ang aking
kilay. Sa malamyos na tinig nakiusap ako kay French
kung puwedeng tingnan muna ang aming wires
sa itaas. @#$%^na kung hindi lang sa palabas ni Maricel,
hindi ko gagawin yon. Nakita ko ang sarili ko
sa salamin sa dingding. Pinandilatan ko. Sa isip
ko KIRI. Di pinandilatan din ako. MO.
Naayos din aming kuryente pero hindi humiwalay
si gerl pren.Kung saan si French, nandoon din
siya. Pagyuko ni French, yuko din siya. Parang mimic.
Wala pang sound. Panay ang kalabitan namin ng aking
kasama. Dumi isip.
Diborsyado pala si French sa isang puti. Ikalawa
niyang asawa. Ang unang asawa niya ay Puti rin.
Yon ay para magkapapel siya. Dumating kasi siyang
turista. OO Birhinya. hindi lang Pinoy ang nag
ttnt sa Estet.
Mahirap pa sa kaniya wala siyang alam na English
kung hindi allo (hello). Kinakain pa ang H.
Naghanap siya ng French restaurant kasi alam niya
at least may taong French na makakatulong sa kaniya.
Hindi siya nagkamali. May ari ay matandang babae
na ang naging asawa ay French pero marunong ng
lenguwahe. Kinupkop siya at kinuhang tagahugas
sa kusina.
Upang maging legal, hinanapan siya nang mapapanga
sawa. Mayroon naman na pumayag sa kundisyong babayaran
ang renta niya at tutulungang alagaan ang kaniyang
anak. Single parent kasi.
Kaya punta sila sa Vegas. Sabi nang pastor na
mukhang si Elvis, repeat after me. I, state your
name. Sabi naman ni French, I stet your nem...
Bungisngis siya pag naalala niya ang kaniyang
kasanuan. Mukha pa rin naman siyang sanong Bruce
Willis. OO Birhinya, kamukha niya si Bruce Willis
pati ilong at tagilid na ngiti. May gerl pren nga
lang .Tsee.
Itutuloy...
Pinaysaamerika
Tuesday, January 11, 2005
Pag-ibig daw
Uwian na.
Isinabay ako ni Sarah at kinumbida sa apartment
nila. Nag-aaral daw siyang magluto.
Sa elevator ng kanilang apartment ay may
humabol na isang lalaking may edad na rin.
Medyo namutla si Sarah pero hindi rin
nakatiis at humalik ng kamay. Daddy niya.
Ipinakilala niya ako na para ba akong si
Superwoman na kaniyang tagapagtanggol.
Kulang na lang na yakapin ako ng matanda.
Dinadalaw niya ang kaniyang anak na itinakwil
ng kaniyang asawa dahill sa pagpapakasal
sa isang lalaking halos ay kaedad na nila.
Mangani-ngani kong sabihin na "ayaw ba ninyo
yon, mayroon na siyang asawa, may tatay pa
siya."Kaya lang bala masapak ako ng asawa
ni Sarah.
Nagkayayayaan sila sa sala habang pinanood
ko si Sarah sa kaniyang KAHINDIKHINDIK na
pakikipagsapalarang magluto ng pinakbet.
Kung haluin niya ang gulay ay ganoon na lang.
May kaba ako na mapait masyado yon. Durugin
mo ba naman ang ampalaya. Sus ginoo, ulit-
ulit, hindi ko ipagkakatiwala ang aking
tiyan sa isang batang nag-aaral pa lang kung
paanong pagkasunduin ang talong sa ampalaya,
sa sitaw, sa kalabasa at sa kamatis.
Biglang napaorder ng to-go ang kaniyang
asawa para raw sapat ang aming kakainin.
Hindi nabawasan ang pinakbet. Mainit pa raw
kasi. OO na labas ilong ang sagot ko.
Huwag siyang magkakakamaling baunin yon bukas
at bigla akong magdidiyeta.
May commercial center pala ang pamilya nina
Sarah. Talagang mayaman. Pero mas gusto raw
niya ang kaniyang buhay ngayon, may nagmamahal
at may nag-aalaga.
Matigas din ang loob ng kaniyang mommy. Itinak-
wil siya at hindi patatawarin hanggang hindi
siya hihiwalay sa kaniyang asawa.
Para akong nanonood ng soap opera. Kaya lang
hindi masyadong madadaldal ang mga tauhan at walang
mga freeze frame sa mga mukha nila at may tumutulong
luha. Para tuloy gusto kong gawin yon. Mag emote
ba na parang ako ang nasasaktan. (hee).
Inihatid ako ng kaniyang ama at marami kaming
napag-usapang bagay-bagay na nakapagpailing-
iling sa akin.
Ito ang kaso nang ang babae ang reyna ng tahanan
at ang ama ay tagasagot lang ng oo o hindi.
Darating din ang araw na matututo siyang mag-alsa
at ibagsak ang kaharian.
Gusto ko sanang advisan siya na sumali sa isang
organisasyon. Organisasyon ng mga TakotsaAsawa.
TSA. Lahat ng dako ay may tsapter.
Pinaysaamerika
Friday, December 24, 2004
Mga Kuwentong Pasko
Malungkot ang una kong Pasko sa Estet.Kalilipat ko lang sa aking lugar noon dahil pinalayas ako ng aking kaibigan. Nakakaiyak ba ?
Kumuha ka muna ng kumot dahil iiyak ka pa Hige magbasa ka.
Kailangan kong lumipat malapit sa trabaho dahil ang tinitirhan ko ay nasa lugar na
walang mga dumadaang pulic transport, kaya pinayagan ako ng isa kong kasamahan sa
trabaho na tumira sa bakanteng kuwarto ng malaki nilang bahay. May-asawa na lahat
ang anak nila at silang dalawang mag-asawa na lang ang nakatira doon. Nagkasundo kami
sa upa na reasonable dahil hindi naman ako nagluluto.Isa pa pansamantala lang yon
habang naghahanap din ako ng sarili kong lugar.
Mabait ang kaniyang asawa, katunayan parang anak ang turing niya sa akin na
inaalala kung ako ay may kinakailangan. Hindi ko siya masisisi kung magalit
siya sa akin. Inalis siya ng employer naman dahil iskandalosa at intrigera. Samantalang naging paborito ako ng aking amo na Hudyo at Puti dahil mukha raw akong mabait. (hekhekhek).Yong asawa naman niya ay gusto akong ipakasal sa kaniyang
anak na lalaki na hindi ko pa nakikita.
Limang araw bago mag Pasko ay nakakuha ako ng notice na kailangang maghanap na ako
ng matitirhan dahil babalik na ang kaniyang anak.(may PS. Pu@#$%^&na mo.)
Kinakailangan maghanap ako nang matitirhan kaya nag-absent ako sa isa ko pang trabaho
Sa Human resources department kung saan ang Sales Manager na sipsip sa CEO ay naghihintay lang akong magkamali para ako ay ipatanggal. Ang dahilan kabago-bago ko pa lang daw ay may promotion na ako, samantalang siya ay naghirap ng sampung taon bago niya nakuha ang puwesto.(Kasalanan ko ba kung mas maganda
ako sa kaniya?(hekhekhek).
Kinabukasan, pinaresign nila ako dahil absent daw ako without notice. Alam kung
may laban ako at kung nasa Pilipinas lang ako, bibigyan ko sila ng ulcer sa sama ng
loob.(Nakarma rin yong sipsip na yon. Deported siya nang makuha siya ng INS na
pinalsipika niya ang mga papeles niya. Karma nga naman.
Sandali nalalayo tayo sa kuwento. Sa isang bahay ng nars na natulungan ko sa empleyo ay nakakuha ako nang pansamantalang tutuluyan.
Sa loob ng ilang buwang pamamalagi sa Ester, palipat-lipat ako ng estado para bisitahin ang aking mga kapatid at mamasyal din, kaya wala pa akong masasabing gamit sa bahay.Ang aking personal na mga gamit ay nasa kaibigan ko pa. Ang dalang gamit ko lang ay aking aking mga workclothes. Lumipat ako nang isang araw bago bisperas. Kaibahan sa Pilipinas, dito ay hindi mo madarama ang Pasko. Tahimik at maliban sa
magagandang ilaw na nakapalamuti sa mga bahay lalo na sa mga Pilipino,
wala ka nang makitang ispiritu ng Pasko. Nang bisperas na iyon, ako ay mag-isa
sa aking munting mundo. Ang aking unan ay ang aking tuwalya at ang aking kumot
ay and aking wool na outer coat ang aking banig ay diyaryo.
May kaibigan din akong mapagpapalipasan ng Pasko pero ang Pasko nila ay hindi
ang hatinggabi kung hindi Hapon ng Dec.25 dahil sila ay nagtatrabaho kahit Pasko.
Isa pa talagang madrama ako. hekhekhek.
siya sa amo niyang Kano kaya may mga mansanas,ubas at peras kami pag Pasko.
Namiss ko ang aking mga Pasko sa Pinas, ang simbang gabi, ang mga Christmas Parties, ang mga Kris Kringle, ang mga regalo, ang puto bumbong, ang mga Kaibigan. Malayo rin
ako sa aking pamilya na nasa ibang Estado. Kung ginusto Ko ay maari akong tumira sa kanila
pero palagay ko talagang Gypsy ako na mahilig magsapalaran nang nag-iisa.
Nakatulog akong walang luha. Hindi ako mahilig umiyak. Ang aking idol ay si Scarlet O Hara.
Ang lahat ng lugar sa akin ay Tara.Mahilig kasi akong magsabi ng Tara na.(hekhekhek)
Bukas ay mag-iiba ang aking mundo.
Kinabukasan nga ay tinawagan ko ang kaibigan na may sasakyan.Bibili ako ng gamit.
Pagbaba ko sa hagdan ay may isang lalaking kapitbahay na French na ngumiti at binati ako.
Sabi niya : Joyeux Noël . Que je veux être votre
ami.
Sagot ko naman : Joyeux Noël. que vous ressemblez
à Bruce Willis. Yong huli sa isip ko lang ahahay.
Wednesday, December 01, 2004
Si Pinay at ang Alimango
Business-minded ang batang iyon na tawagin
nating si Sarah. Bumili siya ng isang
Maliit na refrigerator na iniimbakan niya
ng soda at pinagbibili niya na may tubong
Quarter bawa’t isa. Nagbibigay siya ng bayad
sa kuryente kaya happy campers na
Sana ang lahat dahil hindi na nila kailangang
lumabas at dumayo doon sa kabilang
opisina kung hindi dumating na naman ang
ahas ng pag-kainggit.
Pinaalis nong marketing manager na immediate
superior niya ang ref.Lumaban si Sarah.
May anghel siya sa likod na tamad lumabas para
bumili ng soda. Ahem.
Maliit lang ang dining room naming kaya
hindi puwede ang refrigerator. Dati
merong maliit pero nagkakawalaan ng baon at
sodang pinalalamig kaya inalis na nang tuluyan.
Minsan nga nilagyan ng papel na may pangalan
yong sandwich noong kaopisina namin, pati
yata papel nakain. Akala yata kasama sa
palaman. May hinala kami kung sino
yong “ baon thief”.Poregner siya na
lulong yata sa casino kaya pati
pagkain hinakarimunan.
Minsan nagbaon si Sarah ng sandwich
na nilagyan naming ng hiniwang
pinong pino na jalapeno.
Muntik na niyong ubusin ang tubig
sa water dispenser. Ilang Linggo lang
ay may pumick-up na mga police sa kaniya.
Nahuling nagnananakaw sa kapwa
gambler.
Dahil sa napahiya ang marketing manager,
pinag-initan niya si Sarah at pati ang
anghel niyang walang pakpak.Ahem.
Sabay kami ni Sarah na maglunch break
dahil mas maraming dumarating na applicants
Pag lunch break. Siya naman ay gusto lang
akong kasabay dahil nakagaanan niya ako ng
loob. Magneto yata ako sa mga dehado.
Dati-rati ay may tira sa aming mga kanin,
adobo, dinuguan ano mang lutong bahay
ng aming mga kasamahang Pinoy. Iniiwan
nila ito sa mesa para makita namin.
Kaming dalawang hindi nagluluto at hindi
marunong magluto ay kinaawaan ng aming
kasamahan. Sobra-sobra ang binabaon nila
para sa amin. Mababait na Pinoy.
Sa mga nakalipas na araw, walang pagkaing
naiiwan. Tumatakaw yata sila na pati baunan
wala.
Pero bakit tinanong ako noong isa kung
nagustuhan naming yong sinigang
na hito. Simot daw yong baunan. Baka lumangoy
yong hito bago namin natikman.
May magnanakaw kaya ng mga tira? Baka may aso ?
Pero hindi naman talaga tira yon.
Medyo naaga ako ng punta sa dining room kaya
inabutan ko pa ang Marketing Manager habang
inilalagay niya sa isang plastic bag ang mga
pagkain at itinapon niya sa basurahan. Ayaw
niyang makakain kami noon eh hindi sa kaniya
galing ang pagkain. Maitim talaga ang budhi.
Kailangang ma-cleanser.
Sa pagmamadali niyang umiwas sa akin ay nasalubong
niya si Sarah na may dalang noodle na iniinit
sa microwave. Natapon ang laman sa may pintuan.
Inutusan niya si Sarah na linisin yon. Kawawang
bata. Kalaking tiyan, hindi makakayuko. Pinaupo
ko siya habang tinakpan ko ng lumang diyaryo
ang basang bahagi ng linoleum na sahig. Dahil
walang mop doon,ginamit ko ang paper towel sa
pagtuyo ng sahig. Ang janitorial services
dito ay sa gabi lang naglilinis kaya ang mga
cleaning supplies ay dala nila.
Nakita ako ng marketing manager.
Ngumiti siya ng patabingi. Dahil siguro sa
kaniyang pangit na pustiso.
Pumasok siya sa opisina nilang ang naghahati
lang sa hallway ay ang salamin na
Bintana at pintuan. Para silang aquarium. Pinage n
iya ako samantalang maari naman niya akong
kawayan sa salamin.
Akala ko tatanungin niya ako bakit ko pinagtatatanggol
si Sarah to the point na magpakababa akong magpunas
ng sahig.
Hindi naman.Inutusan lang niya ako na punasan
pa yong natapon ni Sarah na tubig.
Pinunasan ko.
Tiningnan niya ako at patuyang sinabi, “Ang sipag mo
namang magpunas.”
Sabi ko oo.Kung gusto pa nga niya pati yong lipstick
niyang kalat, pupunasan ko.Puwede pa yong paper towel.
Narinig ko pagkatapos na isa raw ang mataas ang
pinag-aralan ang nautusan niyang
Mangpunas ng sahig. HAHAHAHA.
Sa akin ang bumaba lang ang aking tuhod, pero
ang paggalang ko sa sarili ko ay nandoon
pa rin dahil mas mataas pa rin ako sa taong mababa
ang self-esteem kaya kailangang
patunayan nilang sila ay magaling kahit sila
mang-api ng tao.
Tsee.
Ang alimangong ito ay nadeport sa Pilipinas.Peneke
pala niya ang papel niya.Buhay nga naman, parang
alamang, pag lukso nagiging bagoong.
Ehek
Pinaysaamerika
Thursday, November 18, 2004
Si Pinay sa Bagong Opisina
Nagsimula ako sa kumpanya nina P nang sumunod
na Linggo.Sa HRD ako inilagay . Ako ang
nagbibigay ng exam at nag-iinterview sa
Mga aplikante. Hindi na ako tagabilang
ng monggo. Tagatanggap ako ng
Magdadala ng monggo. Yan ang sinasabing
“caryer change”. May kasabihan
nga pag maiksi ang kumot, kumuha ng kapalit.
Ahek.
Enjoy naman ako sa trabaho ko kahit pansamantala
lang habang ako ay naghahanap
Ng tarbahong natatama sa aking kuwalipikasyon.
Walang bakante sa finance. Ang payroll naman
ay hawak ng masungit na kapatid ni P.
Ang mga managers ay mga Puti. Ang may-ari
ay Puti at Pilipino.
Ako ay kayumanggi.
Isa siyang aplikante. Babaeng batang batang
Pinay. Hindi siya mataba, pero malaki
Ang tiyan niya. Nag-aaply siya sa marketing
namin.
Kinis ng kutis niya at ang singsing niya
ay talo ng kaparinggot na carat ang
suot ko. Tsee.
Disinuweybe siya. Anim na buwan palang siya
sa Estet. Kunting tulog, buntong-hininga at
almusal ang lamang niya sa akin. Sa eklusib
iskul siya sa Pinas. Halatado mo ang
kaniyang accent.
Sabi niya, buntis siya. Sabi ko kita ko
nga eh. Hindi naman mukhang nakalunok siya ng
pakwan. Ang ama raw ay boyfriend niya sa
Pinas na matapos nilang mag-live-in ay
sumama sa kaniyang mader nang malamang
buntis siya. Taksil. Traidor. Duwag.
Mama's boy Pinadala siya ng kaniyang
Magulang ditto sa Estet. Total naman
ay berde siya ay pabalik-balik na rito
bago pa siya ay huminto ng pag-aaral
para maki-live in sa boyfriend.
Suwerte ko talaga sa mga Maalala-mo-kaya-
tipong-mga tao. Siguro kung titipunin ko lang
ang mga luhang nakita ko sa mga Pinoy na
nakilala ko, ay makakapagtayo na akong
negosyong bottled water.
Sa rekomendasyon ko ay inilagay sa marketing
pansamantala kahit siya ay nagdadalantao.
Bawal ang diskriminasyon dito.Buntis ka man,
hindi na magbubuntis,nagbubuntis-buntisan at
matabang parang buntis ay tinatanggap kung
may magandang kuwalipikasyon.
Tuwang-tuwa siya. Hinintay niya ako pag-uwi
at niyayang kumain sa labas. Mabait daw ako.
Ahem. Binuksan niya ang pinto ng isang Mercedes
Benz. Hanep.Mayaman ka pala, bakit naghanap
ka ng trabaho. “Huwag kang maingay, sa mommy ko
Yan.” Malapit ko nang isoli”. Sagot niya.
“Bakit,”tanong ko ulit habang pumapasok ako
sa loob ng kotse.“Saka mo na malalaman.” Sabi
niya habang pinaandar niya ang kotse.Suspens.
hmmm
“Okay,”ani ko. Sakaling magbago ang isip mo
puwede mong isoli sa akin.Tatanggapin ko ng
buong puso na may kapalit na NO RETURN NO
EXCHANGE.
Naniniwala ako ako sa kasabihang ang tumatanggi
sa grasya, ay walang grasya.
Ahahay…
Pinaysaamerika
Wednesday, November 10, 2004
Si Pinay at Close Encounter of the 3 1/2 kind
Nagkayayaang pumunta sa casino kinabukasan.
Sama ako ulit dahil sa hotel na kami
matutulog sa gabi. Dalawang malalaking kwarto
ang kinuha. Sumama ako sa mga housekeeper at
ang kanilang mga alaga. Kasama rin namin ang
dalagang kapatid ni P na sa tingin ko ay masungit.
Inilapag lang niya ang kaniyang bag at walang ni
ha ni hong umalis. Mahaharap rin kita sa isip ko.
Pakialamera talaga ako. Noh ?
Sumama rin si Dondon at nakakuha ng kuwarto
sa tapat namin kasama ang kaniyang partner at
dalawa pang Pilipinong kabaro niya. Ang tawag
nila sa kanilang tatlo ay ang tatlong Marya.
Ang pinakamatanda sa kanila ay si Ate Sha.
Marcial, ang pangalan niya. Kung si Dondon ay
parang si Boy Abunda kalamya, si Ate Sha naman
at kasinglandi ni John “Sweet”Lapuz. Ang
pinakabata sa kanila ay si Tatiana.
Magandang maganda.Walang magkakamaling isa
siyang lalaki.
Pabalik ako sa kuwarto nang huminto si Ate
Sha sa harap ko. Kiniling ang kaniyang mukha
at pinaliit ang isa niyang mata na tila ba
kinikilatis niya ang isang bato.
"Ay mama ang tsapter mo namaaan.Bakit nakasuot
ka ng makapal na salamin? Para tuloy, may
I teach ka palagi. Eh ang ganda ng mata mo."
bati niya sa aking patanong.
"Mata lang? " sagot kong patanong din.
Bolero/lera ito,sa isip ko pero gusto ko siya.
"Ay hindi yan tsaring haaaah. Truth and
consequence yan", pakinding-kinding siya
habang nagsasalita.
Gusto ko talaga siya. Kung marunong lang
akong magmanicure, bibigyan ko siya
one year free manicure service.
" Ikaw naman", sabi kong sabay hampas sa
kaniyang braso SANA, pero dahil para siyang
kiti-kiti, tumama ang aking kamay sa kaniyang dibdib.
Malambot at matambok. Parang sa babae. Makapal
at maluwag ang suot niyang knitted
top kaya hindi ko napansin ang matambok niyang dibdib.
"Naku Tita, kung Fafa ka lang ( lalaki ),
pinikot na kita sa kasaaal. Tsinansingan mo ako.
Bruhaaaa," sabi niya sa aking nakatawa.
"Totoo yan?" Tanong ko.
"Oo naman. Sabi niya sabay hila sa blusa
upang lalong bumakat ang kaniyang
dalawang bunduk-bundukan at nagpose na ala
Melanie Marquez. Sabi ng isip ko
tapilukin ko kaya.Pero gusto ko
nga siya.
"Paano ka nagkaroon ng ganiyan," kulit ko.
"Anik ka ba naman Sor Teresa, di tumubo, alangan
namang “may I buy” ako ng monay at nilagyan ko
ng glue, " sagot niyang sabay halakhak.
Hahahahaha
"Bulong ko saiyo," sabi niya sabay hila sa
akin sa kanilang kuwarto.
"Gusto kong maging verdaderong gelay(girl) na
hindi kagaya ni Mrs. Doubtfire. Nagpaineksiyon
ako ng female hormones. Tingnan mo disappear
na ang aking Adam’s Apple at di na grow ang
mga buhok ko sa kamay at binti."sabay lilis
ng kaniyang pantalon.
"Tsarot, "ani ko.
"Ay,hindi naman ako Madam Auring noh.
Pag nakaipon ako ng datung , may I fly ako
sa Thailand para magpaoverhaul at magkaroon
ng biyak. Mahal dito sa US of Ey."
"Biyak ?" kunot-noo kong tanong.
"Talaga naman,duduguin ako saiyo. Wala pa
naman akong dalang may wings. Kung
buntis ako, nakunan na ako saiyo.
Alisin mo na nga yang abito mo, sister
at baka irekomenda kita sa Santo Papa
na maging Patron ng aming kompederasyon.Ahahahy.
Biyak. Tingnan mo ang aking luscious lips.
VAAGIIIIIIIIINA. Gusto mong spellingbee ko
pa manash ?" M-O-N-i-C-A.
"Ah yon ba. Bakit magkano ba ? "tanong ko naman.
Ay mama huwag ka nang magtanong kung hindi ka rin
lang naman magiging donor. Marami pa ring puwet
ng pasyente ang aking huhugasan para makaipon
ako ng dolyareses.
Okay ba yon sa “boyfriend” mo? "tanong ko.
"Please Cristy Fermin, huwag mong itanong yan
dahil baka mag-Gretchen Barreto ako dito noong
maghiwalay sila ni Fafa Joey Loyzaga.
Patay na aking puso, mama. Kasama nang
nalibing ng aking unang pag-ibig na si Fafa Jorge."
"Ow?"
" Hindi ko siya papalitan.Para akong magiging
si Marudya."
Isip ko.Batukan ko kaya ito.
"Bakit naman,"tanong ko.
"Kasi mama,siya lang ang nagpadama sa
aking ng true lab is a many splendoured."
Humikbi-hikbi siya kunwari.
Ang dami talagang kaeklatan ng baklush na ito.
Halata ko nagdadrama queen siya kaya sabi ko.
"Hoy Ruffa, huminto ka at baka mahampas kita
ng statuette ng Famas."
"Ay, di ko siya fay-vorite. Nandaya pa siya sa
filmfest. Si Ate Vi na lang ako." May Fafa
Ralph pa sya."
Lumabas na kami at pabalik na ako sa kuwarto
nang halos ay itulak niya ako.
May dumarating palang guwapong lalaki.
"Haaay type. " landi nyang buntung hininga.
Beso,beso kami.
Muah Muah.
Babushka,pagirlash muna ang baklelong.
Kuminding kinding siyang humabol.
Buhay na naman ang dugo niyang berde.
Pinaysaamerika
Friday, November 05, 2004
Si Pinay at si DawnDon
Napakaganda sa labas ng bahay bakasyunang yon.
Lumabas ako sa balkonahe para malasin ang
luntiang kapaligiran at ang bundok na sa winter
ay magiging puting bundok dahil sa yelo.
May nauna na sa aking isang babae. Nakatalikod
siya pero ang mahaba niyang buhok na hanggang
baywang ay malayang pinapagaspas ng hangin.
Balingkinitan ang kaniyang katawan. Naninigarilyo
at tila malayo ang iniisip.Parang nakita ko ito
sa pelikula kung saan si Dawn Zulueta ang bida.
Humarap sa akin ang babae.Accck kkkkkkkkkkkkk.
Hindi pala siya si Dawn, kung hindi si DONDON.
Isang lalaking nurse na kaibigan nina J. Hindi
pala lalaki…kung hindi masayang hindi lalaki…
in short…gay.
Pero hindi siya kagaya ng ibang gay na malandi.
Reserve siya at napakahinhin. Kung
Hindi lang sa mahabang buhok niya , imbay
ng kaniyang balakang at pilantik ng kaniyang
daliri pag uminom ng kape, hindi mo aakalaing
gay siya.
Nagkahulihan kami ng loob. Marahil dahil may
pagkabakla rin ako. Ahahay.
Alam na niya ang kuwento sa akin. Kay Ache
nanggaling ang balita. Siya ang
TFC ng bayan. Pag sinabing huwag mong ikuwento,
para kang nagsalita sa programa ni Boy Abunda.
Kung gusto mong makasagap ng tsismis, tawagan
mo lang siya, nakahello ka pa pa lang nasa chapter
9 na siya ng nobela kung sino ang naghiwalay,
nag-away at may nabuntis na anak na tinedyer.
Kesehodang talo ang cable internet sa
bilis.
"Ikaw naman,what’s your story ?" tanong ko
kay Dondon.
Kumukuha siya ng Engineering noon sa Menila.
Yon ang gusto ng Tatay niyang isa ring engineer.
May mga guwapo sa klase niya kaya nag-enjoy din
siya. Isa rito ay si Ray. Minahal daw niya si
Ray ng buong kaluluwa. Siya ang tagagawa ng
kaniyang mga assignment. Tagabili rin
siya ng kaniyang mga gamit.
Naging alipin siya ng pag-ibig ng isang
mapagsamantala.Wala sa kaniya yon. Kung
maibibigay lang sana niya ang bituin,
Sanay ibinigay na niya.kung maibibigay
sana niya ang buwan, sana ay sinungkit na
niya. Errrm parang nabasa ko na ito sa
komiks.
Hindi alam ng kaniyang ama na ang lip balm
niya ay Elizabeth Arden Lipgloss. At
ang kaniyang brief ay low cut bikini.
Ang isa niyang kapatid ang nagbuking sa kaniya.
Halos sumara ang kaniyang mata sa bugbog na
inabot niya sa ama.
Naglayas siya at di na bumalik sa bahay nila
hanggang tumulak siya sa Estados Unidos.
Tumuloy siya sa kaibigan na nagtatrabaho sa isang
beauty parlor. Sa gabi ay nag-aral siya ng Nursing.
Habang may student visa, maari siyang magtagal
sa Estet. Nang matapos siya ay tamang tamang
may amnesty na ibinigay ang gobyerno. Nagkaroon
siya ng papel.
Tinanong ko siya bakit tila siya malungkot.
Dahil ba sa pag-ibig niyang naiwan sa Pinas?
Nakalimutan na raw niya si Ray. May bago na
siyang partner. Isa siyang Puti, si Gary.
Matikas at matipuno ang katawan. Inginuso niya
sa akin ang isang lalaking naglalaro ng baraha.
“Day, kabaro rin natin siya, “ sabi niya sa
akin sabay pitik ng abo ng kaniyang sigarilyo.
“Ano ?" gulat kong tanong.
“ Totoo yan.sister. Walang straight na
papatol dito sa katulad namin".
“Ow.Eh bakit ka malungkot ? "Pilit kong iniba
ang usapan.
“ May sakit ang father ko. Hindi pa rin niya
ako pinatawad sa pagkakalayas ko.”
“Humingi ka ba ng tawad?" Tanong ko .
“Hindi.” Sagot niya." Hindi pa rin niya ako tanggap."
“Nilapitan mo na ba ?” tanong kong muli.
“Hindi.” Maikli niyang sagot.
"Lumapit ka.Humingi ka ng tawad. Pag ibinalibag
saiyo ang kama niya,ibig sabihin
Noon,hindi ka pa pinatawad. Pero sasabihin
ko saiyo, walang magulang ang nakakatiis
sa anak
Pinaysaamerika
Thursday, November 04, 2004
Si Pinay at si Ima
Ang housekeeper ng kapatid ni P ay tinatawag
naming IMA. Mother sa Capampangan.
Nanggaling siya sa Buena familia sa Pilipinas.
Ang kaniyang mga kapatid ay may-ari
ng isang malaking department store sa Quiapo.
Maganda siya pero siya ay “ dalaga pa
po ako.”
Bago pa man niya nasimulan ang kaniyang
love story ay tumutulo na aking luha.
Lalaki ng sibuyas na hinihiwa ko.Prsssst.
May napusuan siyang lalaki. Hindi siya
mahirap na kagaya ng ordinaryong
story plot na Rich girl meets poor
boy. Girl’s family rejects poor boy
and they did not live happily ever
after.Ito,maykaya rin ang lalaki. At
sila ay nag-ibigan. Pero lahat ng kuwento
ay may kontrbida kagaya ni Cherie Gil sa
Bituing Walang Ningning,kagaya ni Joker
kay Batman at ni Sadam kay Bush at
kagaya nitong telepono na hindi
humihinto ng pagtunog tuwing ako
ay magsisimulang magtype. !@#$%Ahm.
Nasaan na ba tayo ?.
Ang kontrabida ay ang kaniyang kapatid
na nakakabata. Umibig din siya sa
nobyo ni Ima. Hindi niya lang pinahalata.
Minsan ay inarbor niya ang boypren para
maging escort niya sa isang party.
Hindi sila umuwi magdamag. Kinabukasan,
nang dumating ang dalawa ay hindi na
lumabas si Ima nang pinag-usapan ang kasal
ng dalawa.
Noong kapanahunan daw nila ay malaking
kahihiyan ang mawala ang dalaga’t
binata nang magdamag. Kahit walang
nangyari.Saklap.Luffeet. Kababaw.
Lumayo siya ngunit tuwing may okasyon
ay nagkikita-kita sila sa ancestral home.
Minsan daw ay nagkaroon sila ngpagkakataong
mag-isa. Sila ay nagniig sa giikan ng palay,
sukdulang magkasugat sugat ang kaniyang likod.
Sinundan pa ang isa hanggang sa kanilang
paghihiwalay ay humirit pa sila sa ilalim ng
puno. Buti nga raw hindi sila nahulugan ng
mga kaimito kung hindi mapipilitan silang
kainin yon para hindi mabulok. (mali yata
ang script. Erase erase.
Nagbunga ang kanilang kapusukan.dyandyandyan.
(background yan).Itinakwil siya ng
magulang at kapatid. Dyan dyan dyan.
Nanganak siya ng isang malusog na sanggol
na babae.Pinalaki niya ito at pinag-aral
hanggang makapag-asawa. Hanggang makalimutan
siya bilang ina.
Sa sama ng loob ay tumulak siya sa Estet
at namasukang housekeeper sa loob ng mahigit
na 18 taon. Wala siyang papel kaya di siya
makauwi. Tuluyan na siyang nakalimutan
ng kaniyang anak.
Nahulog na rin ang loob niya sa mga
batang inaalagaan niya.
Nahulog ang kalabaw ehe…na nakasingkaw…
lulubog lilitaw….etseteraetsetera.
Sigaw noong mali-maling housekeeper
nina J na tawagin nating Ache.
(Ate po sa Capampangan).
Ang malikot na batang inaalagaan ni
Ima. Nahulog mula sa ikalawang palapag.
Buti na lang ang kapal ng carpet.
Pagbagsak tayo agad at tumuloy sa refrigerator.
Binuksan ang Ice at water dispenser at siya
ay nagshower. Kalikot na bata. Masarap ilapit
sa tambak kong hiniwang sibuyas.
Pinaysaamerika
Wednesday, November 03, 2004
Si Pinay at si Nora Aunor
Kailangan kong makipagtuos sa dati kong bossing.
Binulong ng isa kong kaibigan na ang puwesto ko
ay pinagbili. Hindi mauunawaan ng hindi
nakakaunawa sa dapat unawain na mahirap namang
maunawaang mga pasikot-sikot sa pag-aayos ng papel.
Lito na ba kayo. Good. Talagang nililito ko kayo
dahil ito ay may kaselanang isyu.
Sa madaling salita ay nag-usap kami. Hindi dumanak
ang dugo, kahit ketchup. Walang taasan ng boses.
Usapan lang ng taong may pinag-aralan at isang taong
lumaki sa pilosopiya ni Ayn Rand-ang abutin
ang langit sukdulang tapakan ang mukha ng ibang tao
ang naganap.Naniniwala ako na sa mga taong gumon sa sugal,
lahat ay magagawa, kahit ang magbenta ng kaluluwa
ng may kaluluwa. Ang mahalaga sa akin ay nabawi
ko ang dapat bawiin. Ang kaniyang kapalaran ay
nakatadhanang bubulusok pailalim. Hindi ako nagalit
sa sumilat ng puwesto ko. Bagkus naawa pa ako
sa kaniya. (Dumating ang panahon na
ako rin ang tumulong sa kaniya. Abangan yon.)
Sinulat na yata sa tadhana na ang aking puwesto
ay laging sinusulot. Kahit na ang upuan
ko ay bangko at walang kutson. Matalinghaga ?
Dahil sa malumanay kung pagharap sa suliraning yaon,
parang nakita ko ang aking anghel sa kanang balikat
na may mga kasama pang anghel. Sila ay tumugtog ng
lira marahil upang ipagdiwang ang aking unti-unting
pagbabagong pananaw sa buhay na hindi lahat ng
sigalot ay nabibigyan ng lunas ng pagtataray.
Gusto ko ring tumugtog ng biyolin.
Weekend, dadalo sina J sa pagbabasbas ng bahay
bakasyunan ng kapatid ni P. Sosyal.
Kasama ako. Wala raw kasi akong makakasama sa
bahay ng buong weekend.May mga dadalo raw artista ?
Kaalam-alam ko mga laos ng artistang ang hanapbuhay
ay magtinda ng kawali at kaserola, insurance, kotse,
real estate na ang ginagamit nila ay ang kanilang
matagal nang lumahong popularidad; ang kanilang
kagandahan, katikasan na matagal ng kinulontoy
ng panahon. Wala akong masamang tinapay sa mga
taong ito. Marangal na hanapbuhay. Ang ayaw ko
lang ay pag-umuwi sila sa Pilipinas at kung
anu-anong kaek-ekan ang kanilang hinahabing
kuwentong negosyo nila dito sa Estet.
Pakisampal nga ako.
Maganda at malaki ang bahay. Nasa itaas ito
ng bunduk-bundukan. Hinihintay nila ang
paring magbabasbas sa bahay kaya may mga
bisitang nanood ng TV, may mga naglaro ng
baraha at mahjong.
Wala akong alam sa baraha kung hindi solitaryo.
Pwede ba namang makipagsolitaryo
ako sa kanila ? Dayain pa nila ako.
Kaya napunta na lang ako sa kitchen.
Nandoon ang tatlong housekeeper.Tumulong ako
sa pagbalot ng ginagawa nilang eggroll.(lumpia).
Maliban sa housekeeper nina J na mali-mali,
ang dalawa ay nasa liyebo sisenta na.
Pero mababakas mo pa rin sa kanila ang kanilang
ganda at magandang buhay na
pinagkalakihan nila. Maganda ang kanilang mga damit
kahit natatakpan ng epron. Maganda ang kanilang
mek-ap.Mukhang mamahalin at hindi Avon.
Mababait sila sa akin. Welcome nila ako
at alam nila ang dinadanas kong pag-aadjust
sa kultura at gawi ng buhay na hindi ko
pa pinagdaanan; ang makisama at mawalan
ng pribadong pagkakataon para sa sarili dahil
kailangan akong makihalubilo at makipagsaya
kung kinakailangan. Para akong si Nora Aunor
na kumakanta ng PEOPLE who needs people. …are
the luckiest people….in the WOOOORRRRLDDDD.
(panginigin mo bata, ikanga ng aking voice tutor.)
Isang natutuhan ko ay masaya pa lang makipag-usap
sa mga ordinaryong tao.Kung sa Maynila, ang
kausap ko ay yong mga taong hindi marunong ngumiti
dahil sa problema nila sa negosyo, mga taong
gustong magtayo ng negosyo sa aking adbentyur
na ito sa buhay, ako ay bumaba sa pedestal at
nakipag-usap sa mga taong hindi man makakapagbilang
ng mula isa hanggang bilyon, ay malaking
leksiyon ang aking natutuhan. Naipangako ko
na darating ang araw, isusulat ko ang
kanilang karanasan, sukdulang isa lamang ang
bumili ng libro.
isinulat kong practise set sa Accounting para
sa isang unibersidad pero pinakansela ng dean
dahil kaya din niyang gawin yon.
erase, erase.
Balik tayo sa mga housekkeeper.
Tanong niya sa akin." Nakakita ka raw ng multo ?"
Sabi ko oo.
"Nakakita ka rin ba nang mangyayari ?" Sabi ko oo.
"Nakikita mo ba kong magkakaboyfriend pa ako ?"
Oops naparami yata ang lagay ko ng asin sa pansit.
Tiningnan ko siya. Abangan sa choicecat ang nakita ko.
May promo pa ng isang blog ano?
Kat U wah.
Pinaysaamerika
Monday, November 01, 2004
Si Pinay sa muling paglipad
Pinalaki kami ng aking mader na disiplinado
at dapat marunong humarap sa mga sigwa ng
buhay. Siya ang inang hindi mo maaring
i-black mail na hindi kakain pag masama ang
loob mo o kaya ay may problema ka. Tutulungan ka
pa sa pamamagitan ng pag-ubos ng pagkain para
walang matira saiyo. Luffet di ba ?
Siya ang inang pag tinakot mo na maglalayas ka
ay tutulungan ka pang magbalot at ihahatid kung
malapit lang ang pupuntahan mo o kaya bibigyan ka
ng pamasahe,kulang nga lang. Maglakad ka.
Siya ang magsasabi saiyong nadapa ka, bumangon
ka. Baka may nadapaan daw etsas ng
aso.
Kaya noong panahon na yon, hindi ko inisip na
sumama sa Virginia. OO Birhinya, ang state na
Virginia kung saan siya ay lilipat mula sa
Boston. Kailangan marunong akong tumayo sa aking
sapatos na gawa sa Marikina.
Kumain ako ng almusal na matamis ang
Sunny side up na piniritong itlog. Mga high blood
kasi ang mga tao doon kaya walang asin ang mga
pagkain. Ikaw na lang ang maglalagay ng asin.
Lintek, asukal pala ang nailagay ko.
Tumunog ang telepono. Return call daw sa akin
ni J.
Instant recall.
Nang mamatay ang kaibigan kong propesor sa kanser, may naiwan
siyang klase na graduating students. Pinakiusapan ako ng
kaniyang asawa na kung maari ay hawakan ko hanggang matapos
para walang masyadong problema sa college na tinuturuan niya.
Sa klaseng yon ay marami akong nagging barkada dahil ang tanda
ko lang naman sa kanila ay dalawang buntonghininga at isang paligo.
Isa si J doon at ang kaniyang naging misis na si P. Pagkatapos ng klase,
kasama pa nila akong mag-attend ng concert at gumala sa Batangas.
Playboy si J dahil pogi. Siya yong sinasabi nilang makalaglag bra at
bleep bleepbleep,kaya insecure si P.
Panay ang away nila. Kung ako ay nasa gitna ng kanilang away,
Ako ang tatamaan ng ibinabato ni P kay J. Okay lang kung pera.
Maluwag ng bulsa kong tatanggapin. Mweeheehe.
Kaya noong lumipad si P sa Estet pinakuha niya ng tourist visa
Si J para mabitbit niya.
Slow forward.
Tinawagan ko siya pero wala sa opisina. Pero return call siya
nang makuha ang aking message.
Nag-usap kami. Sinabi ko ang aking problema. Inalok niya na
pumunta ako sa kanila. Patitirahin niya ako sa bahay at titingnan
niya kung anong magagawa niya para maipasok ako sa trabaho.
Sa madaling salita ay sa kanila ako tumuloy. Malaki ang bahay na
binili nila sa tulong ng kapatid ni P. Mayroon silang housekeeper
na mali-mali.
Hinahanap niya ay isang matandang babae na titser. Ang paniniwala
niya ay ang mga titser ay may edad at nakasalamin.
Kaya nang makita niya ako sa hapag-kainan nang gabing yon, akala niya
ay barkada lang ako nina J na nagbabakasyon.
Noong sinabi ni J na ako ang titser na talagang pinalakas niya ang
salita para gulatin siya ay biglang bunghalit ng housekeeper nang:
Ay titser na nga na titser na sumakay sa flying tser.
Masaya ito sa isip ko. Buhay na naman ang dugo ko.
Hehehe.
Pinaysaamerika
Sunday, October 31, 2004
OO Birhinya, marunong umiyak si Pinay
Warning:Kailangan ninyo ng isang kahong Kleenex
Tawag galing sa bossing ko. Sabi niya, di na siya nakapaghintay,
Kumuha na siya ng kapalit ko.
(Background music please).
Para akong pinagtakluban ng langit at lupa. Sandali, erase.
Masyadong gamit na ito.
Parang bombang bumagsak sa pandinig ko ang sinabi niya.
Hindi, hindi, hindi!!!!. (Slow mo: Iling sa kaliwa, iling sa kanan,
Kaliwa ulit). Buti na lang Finesse ang ginagamit kong conditioner,
Malambot ang aking buhok na dumadampi sa aking mga pisngi.
(thought balloon: erasin ko kaya ito? Sa palagay ninyo?.)
Mabait talaga si D. Sabi niya, maari akong tumira doon sa kanila habang naghihintay
akong makakuha ng trabaho sa New Jersey. Kung ano man ang aking pasya
ay sabihin ko lang.
Sa buong magdamag ay hindi ako nakatulog. Naubos ko ang isang
supot ng sunflower seeds. Kung itatanim yon ay libo-libong bulaklak
na ang tutubo at magbibigay ng masiglang kulay na dilaw.
Mabuhay Tita Cory.
Naisip ko bakit nga ba kailangan kung umalis sa Pinas?
Maganda naman ang “caryer”ko.
May regular akong trabaho at mayroon pa namang
nasisiraan ng bait na kumukonsulta sa akin.
Maraming intriga nga lamang. May mga tao kasing sipsip na hindi
makapaniwala na puwede silang maovertake ng mga mas bata sa
kanila na handang magpatuloy ng pag-aaral at mas agresibo.
Marami kasing MAFIA sa mga opisina na kaniya-kaniyang bata
at pag hindi ka marunong humalik sa puwet ng may puwet ay hindi
ka masasama sa mga promosyon.
Marami kasing mga anak ng diyos na akala nila ay obligasyon mo ang
ituro sa kanila ang iyong natutuhan dahil sila ay kamag-anak, inaanak
O kaya ay INAANAKAN ng iyong boss?
Marami kasing mga lalaki na dahil wala silang nakikitang singsing,
(malay naman nila kasi kung nakasanla)boyfriend o kakulakudidang ay madali ka ng maimbita for dinner at matake home pagkatapos. Buti sana kung guwapo. Ahahay
Kaya nang maunang dumating ang aking working visa kaysa sa family petition,
hindi ko naman sinunggaban kaagad. Tinapos ko muna ang aking pag-aaral.
(Hindi ko na sasabihin sainyo ang aking tinapos. Baka mashock kayo, magpagamot
pa kayo sa akin).
Nakatulog ako na panay ang agam-agam. (Kita mo lalim ng Tagalog ko.)Salamisin ko lang yon.Napaginipan ko ang isang bundok sa harapan. Pag-gising ko ay alam kong
Kailangang humanda ako sa pag-akyat sa mga pagsubok sa buhay. (Sandali pakibatok nga ako. Wala ako sa choicecat, noh).
Pag gising ko ay basa ang ponda ng aking unan.Umulan kaya kagabi?
Pinaysaamerika
.
Monday, October 25, 2004
Si Pinay sa New Jersey
Pabalik ako ng California. Kailangan daw ako sa opit. Sobra na raw ako. Pero
napakamahal ng ticket pabalik pag walang 21 days ang pagbili. Ang presyo ay katumbas na ng ticket na pauwi sa Pinas, nakaliwaliw na sa Boracay at nakapamudmod na ng spam at tsokolate sa mga sasalubong sa erport.
Habang iniisip ko kung ako ay lilipad o maghihintay ng tatlong Linggo pa ay
nakatanggap ako ng tawag kay D. Kaklase ko siyang kahawig ni John Denver.
Blonde ang buhok niya at kung hindi lang paborito niyang sabihin ang:
“Tang !@#$% naman,gutom na ako, hindi pa ba tayo kakain"hindi mo sasabihing Pinoy siya. Mistisong Kastila siya,pero US citizen na pinanganak at lumaki sa Pinas.
Matalik kaming magkaibigan kaya maraming naghinala na kami ay may
kaugnayan. Pero doon sila nagkakamali. Puputi ang uwak pag nangyari yon. Araw at gabi kaming magkasama tuwing meron kaming tinatapos na thesis o project siyempre kasama ang aming mga kagrupo. Kadalasan ay sa bahay nilang malaki sa Quezon City kami nagkikita-kita.
Magkatabi kaming matulog…….. sa likod ng klase ng boring na propesor.
(Kadumi ng isip ninyo).
Iniimbita niya ako sa NJ. Pinadalhan niya ako ng ticket at pinangakuan
na bibigyan niya ako ng ticket pauwi sa California.
Tumatanaw siya ng utang na loob na kahit siya ay nakakatulog,
mayroon siyang thesis na natatapos. Ahem.
Tuwang-tuwa siya nang makita niya ako, pati na ang kaniyang asawa.
Ahaaa siya pala, siguro sabi niya. Nag-asawa kasi ang kaibigan ko
isang taon pagkatapos niyang lumipad sa Estet.
Tuwang tuwa rin ang kaniyang mader dahil naalala niya na ako lang
ang nagsasabi ng masarap ang niluto niya para sa aming mga
nagpupuyat. (Sa totoo lang wala talagang lasa. Hehehe)
Tuwang-tuwa rin ang kaniyang biyenan kasi may makakasama siya
sa buong maghapon na wala ang mga tao doon sa bahay.
Para ako malibang, tinambakan nila ako ng paperback.
May araw na ubos ang Kleenex sa dresser sa guest room dahil sa
kaiiyak ko sa nobela nina Barbara Taylor, etc.
May araw na ang feeling ko ako ay ispeya, kaya pati ang
bolpen na ginagamit ko ay pinaghihinalaan kong gadget
para mamonitor nila kung ano ang ginagawa nila. Pati ang
walang kakibo-kibong porselanang pusa ay sinilip ko
ang ilallim dahil baka may “bug” na inilagay.
May araw na malakas kong binabasa ang mga salita
at pinapraktis ko ang aking accent. Pleeeeen, meeeen,
Greeendd…..
Sa natapos kong isang balikbayan box na paperback, masasabi
ko na karamihan sa mga author ay nirerecyle lang
ang kanilang nobela.
May mga nobela na sinulat ng isang author sa ibang pangalan.
May mga istorya na hindi talaga ang author ang sumulat
kung hindi ginagamit lang ang pangalan ng sikat ng manunulat
para ito ay mabili. Ang writing style ay iba na.
Minsan pag sawa na akong magbasa, pinagdidiskitahan ko ang
kaisaisang hitong lalangoy langoy sa aquarium.
Tinatakot ko siyang iihaw pag hindi siya gumagalaw.
Anong nangyari sa akin?
Yon ang panahong marami akong oras pero wala akong
magawa.
Bersdey ko. May dalang maliit na keyk ang aking kaibigan.
Kinantahan nila ako ng Happy Birthday.
Hindi tumulo ang aking luha. Hindi pa nakita
ng aking kaibigan na ako ay umiyak.
Baka mamatay ang sindi ng isang kandila.
Sa isandaang kaibigan, may dalawa o limang tunay.
Mahalin natin sila.
Pinaysaamerika
Wednesday, October 20, 2004
Si Pinay sa Boston
Ipinasyal ako ng aking madder sa Boston downtown at sa park.
Sa park ay habol habol ko ang isang squirrel. Halakhak na kita ang ngala-ngala
ng aking mader. Halata raw bagong salta ako dahil nireretrato ko ang squirrel.
Isa pa lang naman ang nakukuha ko na nang madevelop ay halos di ko pa makita dahil nakatapat siya sa puno na brown din ang kulay.
Kaya nang may tumakbo pa sa harapan ko at nagpose. Sinabihan ko siya na Manigas ka.
Nanigas nga kasi may ugali silang hindi gumagalaw nang matagal.
Nakita ng aking mader ang kaniyang kaibigang Pilipina na asawa ng isang Puti. Pinapanood ko ang mga itik na lumalangoy nang lumapit siya sa akin. Naalala ko ang
itlog ng itik na kinakain ko sa Pinas. Malalaki ito sa itlog ng manok. Malansa nga lang ang lasa.
Tabingi ang mukha ng kaibigan ng mader ko. May buhok pa sa kaliwang pisngi.
Medyo nagulat ako. Hindi naman sa namimintas, pero hindi ko akalaing ang anyong
yon ay makakuha ng guwapo at batang Puti na may magandang hanapbuhay.
Mangani-nganing tanungin ko siya kung ano ang gayumang ibinigay niya.
Pero lumabas ang anghel kong nakaputi. Pinandilatan ako.
Parang nabasa niya ang aking utak nang sabihin niya sa akin na hindi raw siya ang
niligawan ng kaniyang asawa. Ibang babae kaya lang nahuli niyang may kakulakadidang ang babaeng yaon kaya siya ang binalingan. Yon ang puntong, napakalungkot niya dahil walang magkamaling manligaw sa kaniya.
Pag balik ng Puti sa Estet, asawa na siya at di naman niya binigo dahil pinagsilbihan niya
at minahal ang kaniyang asawa. Buhay nga naman, parang panutsa. Hindi mo alam kong
sino ang magiging kahati mo.
Para silang Beauty and the excuse me Beast. Pero ang kagandahan niya marahil
ay nasa loob dahil naging malapit na magkaibigan sila ni mader.
Pag-uwi ng bahay ay tinuruan ako ng aking mader kung paano maglaba.
Oo Birhinya, hindi ako marunong maglaba. Sa Pinas kasi, susuotin ko na lang
ang damit. Dito ako ang maglalaba. Iba ang Clorox para sa puti at sa may kulay. Iba rin ang speed at temperature ng tubig para sa puti at de kulay.
Kaya pala nang maglaba ako sa San Francisco, yong itim kong blouse
ay naging mapusyaw at ang bra kong puti ay nagging kulay pink.
Ngayon ko napag-iisip-isip kung tama ang aking desisyong pumunta sa Merika.
Para akong nasa kama na bumaba sa sahig. I want my nanny. Waaah.
Pinaysaamerika
Sunday, October 17, 2004
Si Pinay at Roadrunner
Bago ako nakakuha nang driving test, pinalipad na muna ako sa LA. May audit ang aming opisina at ang Accountant naming ay lumipad biglaan sa Canada. Na-aaproved ang immigrant visa ng kaniyang buong pamilya sa Canada.
Hindi ako tumuloy sa apartment ni N. Puno na raw sila. Inilagay nila ako sa isang apartment na kasama ay dalawang Pilipina rin. Ang isa ay nakalive-in sa isang matanda.ANOH, may kalive-ing matanda ? Marumi ang aking isip. Kailangan kong magshampoo kinabukasan. Hee.
Ang ibig palang sabihin ng live-in ay doon siya nakatira sa matandang inaalagaan niya. pag Sabado at Linggo lang siya umuuwi sa apartment.
Ang isa naman ay nag-eescort ng matanda. Bago ko ginulo ang aking isip kung ano ang
hitsura ng escort girl na ito, kung seksi ba at may silicone na dibdib, tinanong ko muna si N kung anong sabihin ng escort girl.
Yon pala ay sinasamahan ang mga matatanda pagpunta sa doctor’s appointment, sa pagshopping o kaya sa pamamasyal. Ang matatandang ito ay nakakapaglakad pa naman at di kailangan ang private nurse pero kailangan nilang may kasama pag lumalabas ng bahay. Ang mga sumasama sa kanila ay tinatawag na escorts.
Haay, buti na lang at natanong ko bago ko pinaglunoy ang aking utak sa putik ng paghihinala.
Gabi na nang dumating ako sa apartment at wala pa akong gagamitin sa pagtulog. Walang kama, walang kumot at walang unan. Dumating si T at ako ay inilabas para kumain at para tuloy makabili ako ng kahit na plastic na baso. Mabait na bata. Kakukuha lang niya ng credit card at bininyagan naming sa pamamagitan ng pagkain sa isang Filipino restaurant. Napakaguwapo ng mga waiter. Napalaki tuloy ang tip ni T. Ahahahay.
Balik kami sa apartment. May dinalang isang mattress si N, isang lumang comforter
at unan. Pasensiya raw muna. Kung gusto ko raw samahan niya ako bukas bumili ng gamit. Tenk yu, sabi ko, pero hindi pa ako sigurado kung tatagal ako roon. Hindi ako sanay na nakabuyangyang at hindi ako marunong magluto. Helppppp.Isa pa ay kailangang
kung lumipad sa East coast. Personal na dahilan.Total matindi ang audit at past year financials ang inaudit. Kailangang humarap ay yong dating humawak ng libro.
Dumating yong aking roommate. Isa siyang matandang dalaga. Mabait at nag-iisa na
sa mundo. Habang ang isip ko ay namumuni-muni bakit ako nasadlak sa lugar na iyon, ikinuwento niya ang kaniyang buhay.
Napunta raw muna siya sa Saudi as domestic help. Tapos isinama siya ng amo niya sa London. Nang lumipad ang pamilya sa Estet, isinama siya. Isa siyang kaladkarin. Nakakilala siya ng isang Pinoy.Rumingding ang kaniyang puso kaya kahit wala pa siyang papel ay iniwanan niya ang kaniyang amo. Nakisama siya sa Pinoy na jump-ship. Ang jump-ship ay ang mga Seaman na hindi na umaakyat uli sa bapor at nagttnt na sa Estet.
Pareho silang walang papel.Si lalaki pala ay naghahanap lang ng magpapakain sa kaniya habang naghahanap siya ng isang US citizen. Nang maubos ang tipon ng matanda, iniwanan niya at nakisama naman sa isang Pinay na citizen. Hitsura ni Caridad Sanchez na umiyak ang matandang dalaga. Kung hindi lang daw pangit siyang babagsak sa freeway, disin sana ay tumalon na siya. Naisip ko magpapakamatay na lang, iniisip pa ang kaniyang anyo. Tiningnan ko siya, hindi naman siya mukhang kumedyante. Pero naawa ako sa kaniya. Hindi ko alam na may mga Pinay pala sa Estet na kawawa ang sinapit sa kapwa Pinoy.
May bago naman daw siyang crush. Gusto kong kumanta ng DI NA NATUTO. Kaya lang
baka magalit si Gary V.
Kinabukasan ng gabi ay sinundo ako ng aking brader. Sa kanila muna ako tutuloy habang hinihintay ko ang ticket papunta sa East Coast. Sinundo muna namin ang aking
pamangkin na nag-aaaral sa UCLA. Dala-dala namin pauwi ang kaniyang pc, ref, at maraming maruming damit. Sem break at siya ay uuwi muna sa bahay.
Malaki ang bahay nila sa isang bagong subdivision.
Sa likod ay malawak na katalahiban. Minsan ay nakatanaw ako sa labas ng pintong
salamin. May nakatingin din sa akin. Isang ibon o tila ibon. Mukha siyang si Roadrunner.
Si roadrunner nga. Akala ko pa naman ay malaking ibon yon. Hinintay ko si coyote. Wala. Baka naman nandito rin si Elmer at si Watsss up Doc.
Epekto lang siguro ito nang panonood ng video ng aking pamangkin na may collection
ng mga cartoons at Disney movies.
Dumating ang araw nang pag-alis ko papuntang Boston. May mga bago akong gamit na
Inilagay ko sa isang balikbayan box. Sabi sa akin noong na sa counter. Filipina heh ?
Nakatingin ang lintek sa aking box. Tsee.
Pinaysaamerika
Thursday, October 14, 2004
Si Pinay nagdadrive sa Streets of San Francisco
Intsik ang aking tutor sa driving. Nirekomenda
noong isang kakilala ng kakilala ng kakilala ko
na hindi pa ako masyadong kilala.
Sinundo niya ako sa bahay. Pinaupo niya ako
sa driver's seat. Ekkkkk,dalawa lang ang
tapakan, brake at gas. Walang clutch. Automatic.
Stick shift o manual ang dinadrive ko sa Pinas.
Santa Barbarang hindi naman kamag-anak ni Streisand,
malaking
problema ng aking mga paa. Nagkaclutch ako kahit
walang clutch.
Pinadrive niya ako at pinahinto sa tapat ng Post
Office. Akala ko kailangan kong stamp para mag-drive.
Yon pala,may ihuhulog siyang mail.
Pinadrive niya ako at pinahinto sa tapat ng isang
bangko. Akala ko pipilitin niya akong magwithdraw
at magbayad kaagad. Sa kabilang kalye pala ay MC
Donald. Bumili siya ng almusal niya.
Pagpinadrive ako nito sa laundry shop o kaya sa
store, iiwan ko nito. Kaya lang paano ako uuwi?
Habang kumakain siya ng almusal ay tinuturuan niya
ako ng mga rules of the road. Kagaya nang kung kailan
ang full stop, right of way, blah blah blah.
Left turn, right turn..change lane..blah blah.
Kasabay nito ay sumasagot pa siya sa kaniyang
cell phone mula sa mga student drivers niya.
Nagkataong malapit na ako sa street corner at wala
pa siyang command kung ako ay straight o turn kaya
straight lang ako. Bigla siyang sigaw ng turn right.
Bigla akong turn right. O loko, di naligo siya ng
kape.Galit siya. Nag-iinsik na hindi ko maintin-
dihan. Sumasaboy ang kaniyang laway habang nagsasalita.
Dapat nadala ko yong payong ko para protection.
Ikalawang araw ng turuan,dinala niya ako sa
San Francisco downtown.Wow nagdadrive ako sa
Streets of San Francisco. Gusto kong kumanta,
If they could only see me now.lalalala.
Biglang brake.Hindi ako nagbrake. Yong tutor ko pala
ang nagbrake. Dalawa pala ang set ng gas
at brake. Ang daya. Akala ko pa naman ay
ako na ang piloto, yon pala nakaautomatic pilot
ako.
Naalala ko tuloy noong nag-aaral din ako ng driving
sa Makati. Crossroad, hindi ako palusutin noong mga
jeepney drivers. Ang laki ng nakasulat sa harap
at likod ng sasakyan, STUDENT DRIVER. Ang mga
ngiti ng mga drivers na iniipit ako ay ngiti ng
mga hyena. Ayaw kong ipagdasal na mabangga sana sila.
Madadamay ang mga pasahero.
Ipinagdasal ko na lang na magtae sana sila at walang
makitang kubeta.hekhekhek
Tapos na ang pagtuturo sa akin. Susunod ay ang
actual driving test.Abangan.
Gabi. Ginising ako ni Manang. Nakaupo ako sa kama
ko. Tulog. Nagdadrive.Panay pa ng raw ang brake
ko.
Pinaysaamerika
Tuesday, October 12, 2004
Si Pinay sa Dept. of Motor Vehicles
Dalawang araw lang ang nakuha ko na ang aking SSS ID.
Tuloy ako sa Department of Motor Vehicles para mag-aply ng State ID.
Oo Birhinya,imbes na lisensiya ng mga hindi nagdadarive ang ini-issue ng
DMV na katulad nang iminumingkahi diyan sa Pinas, State ID ang ibinibigay.
Habang nandoon kami ay pinilit din ako ng aking kasama upang kumuha
ng written test para sa driver’s license.
Ano siya, sobrang bilib sa akin na kahit hindi alam ang mga rules and regulations
ng driving ay papasa ako sa written exam?
Bilib din siguro ako sa sarili ko dahil napilit din niya ako. Tsee.
Ang mga tanong eh, gaano kalayo dapat pinarada ang kotse sa bangketa ? Multiple choice naman. Pinikit ko ang aking mata at inisip ko kung dapat nga ganoon kalayo.
Sa madaling salita,nabawasan ng isang kutsarita ang bilib ko sa sarili ko. Malaking F ang inilagay sa aking papel.Sobra sa limang mali kaya bagsak.
Pinakukuha ulit ako ng kasama ko bago kami bumalik sa opisina.
Binigyan niya ako ng tatlong kopya ang mga exam papers na nacorrect na.
Maari kung reviewhin para raw malaman ang tamang mga sagot.
OKEDOKE. Matindi talaga ang bilib ng “batang “ ito sa akin. Siguro kung ako
Ay miyembro ng Viva Hotbabes, magtatayo ng fans club sa akin at siya ang Presidente.
Tatlong attempt ang ibinibigay sa mga kumukuha ng test.
Kumuha ako ng ikalawang beses. Sa isip ko ay hindi ko kailangan si St. Jude para ako
pumasa.
Pasado nga. Tuwang tuwa ako. Susunod ay ang actual driving test. Pero kailangan kong
kumuha ng driving tutor para turuan ako ng wastong pagdadrive ditto sa Estet. Saka na.
Pabalik sa opit ay dumaan kami sa store kung saan pinadevelop ko ang mga retrato sa LA.
Wala pa raw sabi ng sales clerk. Tapos ay tinalikuran ako. Inamoy ko ang sarili ko.
Amoy bagong salta ba ako at ako ay hindi iniintindi nitong sales clerk o ano ba
ang problema niya sa bahay?
Marami akong oras para pakilaaman ang buhay niya. Sabi ko pangako nila na makukuha ko ang mga retrato. Bakit wala? Pwede bang pakiespleka kung ano ang pangyayari?
Wala pa raw yong mga retrato na galing sa developer. Bakit nga? Kulit ko.
Tatlong araw na iyon samantalang ang binayaran ko ay one-day developing. Marunong ba silang magbilang? Taray.
Tiningnan ako ng aking kasama ng may paghanga. Kung may hawak lang siyang sampagita,siguro naisabit na niya sa akin.
Hiningi ko ang supervisor. Siya raw ang supervisor. Ahaaaa. Hiningi ko ang Manager.
Lumapit siya.Puting babae na tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Tiningnan ko siya mula paa,huminto ako sa may baywang, hinanap ko wala, saka itinaas ko ang aking
paningin. Nakatingala ako sa kaniya.
Pinaliwanag ko ang problema. Bakit sabi ko maglalagay sila ng one-day developing
kung tatlong araw pala ay hindi rin makukuha. Alam ba niyang nagbiyahe pa ako
mula Walnut creek para lang kunin ang retratong yon? Tindi talagang magpaguilty.
Sabi ng manager ay wala siyang magagawa. Kasalanan ng developer. Pinatingnan ko
kung kailan pinick-up ng developer. Kahapon lang daw. Ahaaa, bakit kahapon lang.
Sa pangungulit ko ay nalamang kung hindi naisama ang aking mga negatives sa unang
batch na pinadala sa developer. Kasalanan ng store.
Walang apology ang manager.Bumalik na lang daw ako.Sabi ko hindi ako babalik pero susulat ako sa Better Business Bureau para sila ay ireklamo.
Biglang nagbago ang hihip ng hangin. Sabi ng manager ay sorry for the inconvenience.
Kung gusto ko raw ay ibigay ko ang address at i-memail niya ang photos.
Sasamahan pa niya ng libreng rolls ng film.
Hindi naman ako mahirap kausapin.
Sabi ng kasama ko, galing mo talaga.
Inilbre ko siya sa Burger king.
Pinaysaamerika
Monday, October 11, 2004
Balik SF-Sosyal na clerk ng SSS
Pagkatapos kong maglagalag sa Los Angeles,balik San Francisco ako.
Walang pinagbago, adobo pa rin ang ulam na inihanda
ni Manang na hindi naman Ilokana.
Wala pa rin yon aking Social Security card na inaapply
ko bago ako umalis. Minabuti kong pumunta sa
SSS kasama yong aming Accountant. Bata pa siya. Dati siyang BIR examiner pero
minabuti niyang magmigrate dito sa Estet o kaya sa Canada kaysa raw maglublob sa
putikan.Wala akong panahong mag-Charo Santos kaya di ko siya masyadong nahaharap.
Nagtanong ako doon sa clerk na Latina tungkol sa card na hindi ko pa natatanggap.
Tiningnan niya sa computer sa pamamagitan ng pagtuldok sa keyboard ng kaniyang
daliring may mahahabang pekeng kuko. (Iniisip ko tuloy kung paano siya nagsasagawa
nang mga personal hygiene niya na hindi siya natutusok. Bura bura bura.Masama
ang naiimagine.Utang na loob, huwag na kayong makipag-imagine.)
Balik tayo sa clerk.
Hindi raw niya makita yong aking application. Gumawa raw ako ulit.
Protesta ako.Sabi ko nakita ko yong aking application nang prinocess sa computer
at ipinakita pa sa akin noong isang clerk bago sinubmit sa data processing.
Tamad ang bruha. Protesta ako ulit na i-double check.Ayaw niya. Kailangan daw
bagong form.Sabi noong anghel sa aking kaliwa, sungangain ko na. Sabi noong
anghel ko sa kanan. Hinahon. Kaya malumanay na sinabi ko na gusto kong makita kung paano niya hinanap sa data base.Inirapan ako ng anghel ko sa kaliwa.
Tinawag niya yong security guard, nanggugulo raw ako. Nilapitan ako ng sekyong
Puti. Sabi ko sa sikyo, hindi ako naglakad nang napakalayo para
maghanap ng away.Hindi ako naka business suit para makipagsabunutan sa isang
clerk na hindi marunong ang client service.Pero kung patuloy sasakit ang aking
mga daliri sa aking paa dahil sa aking boots,baka hindi ako makapagpigil at
hubarin ko ang aking boots. Nakakatunganga siya sa akin. Hinihintay niya siguro
kung anong gagawin ko pagkahubad ko sa boots.Binitin ko. Hindi ako baliw para maging violent. Nakalimutan ko lang namang gumamit ng foot spray. yekyek.
Pinatawag ko ang supervisor. Dalawa ang dumating. Sabi noong anghel ko sa kaliwa,
akin yong isa. Sabi noong anghel ko sa kanan,yong malaki ang saiyo.
Inesplain ko ang pangyayari. Sabi ko hindi ako magssusweldo pag wala akong
SSS ID. Magugutom ako. Matitiis ba nila akong magutom.Tiningnan niya ako at nasulyapan niya ang aking daliri. Medyo nasilaw siya. Sabi ko Cubic zirconia.
Sabi ng anghel ko sa kanan. Sinungaling.Suya, hindi na makalusot.
Hinanap ng dalawang supervisor ang aking data. Kita nila. Sa isip ko sa clerk,
beeelat, tamad kasi.
Humingi ang mga supervisors ng paumanhin. I-memail daw nila ASAP ang aking card.
Bago ako umalis,yong anghel ko sa kaliwa ay ibig balikan ang clerk at unatin
ang eyelashes nito.Buti na lang at may anghel ako sa kanan.
Pagbalik ko sa opisina,sabi sa akin ni R,ganiyan daw kaclueless ang mga
tao doon. Para bang pagpasok nila sa trabaho ay nakalimutan nilang
pulutin ang utak nila na naiwanang natutulog pa sa unan.
Pinaysaamerika
