Wednesday, September 01, 2010

The Review - Mananahi ka lang Part 5

Dear insansapinas,

The Review - Mananahi ka lang Part 5
Malapit na ang graduation ko noon sa high school. Busy na ako sa mga admission tests sa iba't ibang university, Nandoon din ang mga finals at mga project na kailangang tapusin.


Halos hindi na ako sumipot noon sa trabaho ko sa fashion designer hanggang kailangan ko nang magpatahi ng aking gagamiting graduation dress. Noong elementary ako, yong pinsan ko ring nagtatrabaho sa fashion designer ang nagtahi ng aking graduation dress. Regalo niya sa akin kasi may medalyang itutusok sa akin. Ang yabang ko noon sa stage. Akala mo model akong naglalakad. Bansot naman.  Buti walang tumapilok sa akin.


High school, meron na akong tela. Binili ko sa Divisoria. Kailangan ko na lang ang mananahi, Kahiya naman sa aking pinsan.Matanda na siya at marami ang tanggap na tahiin. Teka, bakit ba istorya ko na naman ang isiningit ko. Break.


Si Florencia na lang ang pag-asa ko. Wala siya sa shop. Hindi raw pumasok. Naguilty naman ako. Hindi ko na nga siya nakukumusta, Pumunta ako sa bahay nila.


Sinalubong ako ng kaniyang landlady. Hindi nagsasalita. Panay lang muwestra sa akin...iyak daw ng iyak. Bulong ko naman, bakit. Lumayas na raw. Sino ang lumayas? Yong asawa niya. 


Sinong asawa niya. Lito naman ako. Yong may damit sa kuwarto niya. Bakit lumayas?


Tamang-tama, lumabas si Florencia. Mugto nga ang mata. Parang lanzones ang maga ng mata na ginurlisan lang para makita yong mata. Singkit sa kaiiyak.


Di ko alam ang sasabihin ko. Di ko alam ang itatanong ko.


Pero inimbita niya ako sa kuwarto niya. Nakita ko nga may sinsing siyang suot. Ah, nag-asawa siguro sila noong wala ako.


Pero hindi. Ang sabi niya sa akin, matagal na silang kasal. Kaya nga sila ay itinakwil ng kanilang magulang.
Oy love story pala.


Pinsan pala niya ang lalaki. Pinsang buo. Nagpakasal sila ng sikreto sa city hall ng Maynila. Pagbalik nila sa probinsiya, parehong magulang nila ang nagtaboy sa kanilang lumayas.


Napadpad nga sila sa lugar na yon. Pinagpatuloy ng lalaki ang pag-aaral niya at nang nakaraang taon nga ay grumaduate ng Law. Si Florencia lahat ang gumastos. 


Noong graduation pala ng lalaki ay inimbita nito ang kaniyang mga magulang mula sa probinsiya. Hindi sinabi ng lalaki na nagsasama sila ni Florencia. KAYA PALA HINDI SIYA IMBITADO.


Tapos nagreview siya at nakapasa sa Bar. Nang pagraduate na siya at nagreview ay nagpaalam ang lalaki na titira siya sa isang inuupahang apartment na malapit sa iskuwela para raw makapagconcentrate siya. Lahat yon ay bayad ni Florencia.


Ang katotohanan pala ay may kinakasama na siya. Yon ang babaeng kasama sa restaurant. Isang law student noon. 


Ang tanong ni Florencia, paano ang kasal nila? Valid ba yon?


Pinaysaamerika

No comments:

Post a Comment