Tuesday, January 11, 2005

Pag-ibig daw

Dear insansapinas,

Uwian na.

Isinabay ako ni Sarah at kinumbida sa apartment
nila. Nag-aaral daw siyang magluto.

Sa elevator ng kanilang apartment ay may
humabol na isang lalaking may edad na rin.
Medyo namutla si Sarah pero hindi rin
nakatiis at humalik ng kamay. Daddy niya.

Ipinakilala niya ako na para ba akong si
Superwoman na kaniyang tagapagtanggol.
Kulang na lang na yakapin ako ng matanda.

Dinadalaw niya ang kaniyang anak na itinakwil
ng kaniyang asawa dahill sa pagpapakasal
sa isang lalaking halos ay kaedad na nila.

Mangani-ngani kong sabihin na "ayaw ba ninyo
yon, mayroon na siyang asawa, may tatay pa
siya."Kaya lang bala masapak ako ng asawa
ni Sarah.

Nagkayayayaan sila sa sala habang pinanood
ko si Sarah sa kaniyang KAHINDIKHINDIK na
pakikipagsapalarang magluto ng pinakbet.

Kung haluin niya ang gulay ay ganoon na lang.
May kaba ako na mapait masyado yon. Durugin
mo ba naman ang ampalaya. Sus ginoo, ulit-
ulit, hindi ko ipagkakatiwala ang aking
tiyan sa isang batang nag-aaral pa lang kung
paanong pagkasunduin ang talong sa ampalaya,
sa sitaw, sa kalabasa at sa kamatis.

Biglang napaorder ng to-go ang kaniyang
asawa para raw sapat ang aming kakainin.

Hindi nabawasan ang pinakbet. Mainit pa raw
kasi. OO na labas ilong ang sagot ko.

Huwag siyang magkakakamaling baunin yon bukas
at bigla akong magdidiyeta.

May commercial center pala ang pamilya nina
Sarah. Talagang mayaman. Pero mas gusto raw
niya ang kaniyang buhay ngayon, may nagmamahal
at may nag-aalaga.

Matigas din ang loob ng kaniyang mommy. Itinak-
wil siya at hindi patatawarin hanggang hindi
siya hihiwalay sa kaniyang asawa.

Para akong nanonood ng soap opera. Kaya lang
hindi masyadong madadaldal ang mga tauhan at walang
mga freeze frame sa mga mukha nila at may tumutulong
luha. Para tuloy gusto kong gawin yon. Mag emote
ba na parang ako ang nasasaktan. (hee).

Inihatid ako ng kaniyang ama at marami kaming
napag-usapang bagay-bagay na nakapagpailing-
iling sa akin.

Ito ang kaso nang ang babae ang reyna ng tahanan
at ang ama ay tagasagot lang ng oo o hindi.

Darating din ang araw na matututo siyang mag-alsa
at ibagsak ang kaharian.

Gusto ko sanang advisan siya na sumali sa isang
organisasyon. Organisasyon ng mga TakotsaAsawa.
TSA. Lahat ng dako ay may tsapter.


Pinaysaamerika

2 comments:

  1. Hello! My first time here. Reading your blog seems like reading short story novel. Kaka addict!

    ReplyDelete
  2. Made me think of his situation...a choice: child or better-half?

    ReplyDelete