Friday, December 24, 2004

Mga Kuwentong Pasko

Dear insansapinas,

Malungkot ang una kong Pasko sa Estet.Kalilipat ko lang sa aking lugar noon dahil pinalayas ako ng aking kaibigan. Nakakaiyak ba ?
Kumuha ka muna ng kumot dahil iiyak ka pa Hige magbasa ka.

Kailangan kong lumipat malapit sa trabaho dahil ang tinitirhan ko ay nasa lugar na
walang mga dumadaang pulic transport, kaya pinayagan ako ng isa kong kasamahan sa
trabaho na tumira sa bakanteng kuwarto ng malaki nilang bahay. May-asawa na lahat
ang anak nila at silang dalawang mag-asawa na lang ang nakatira doon. Nagkasundo kami
sa upa na reasonable dahil hindi naman ako nagluluto.Isa pa pansamantala lang yon
habang naghahanap din ako ng sarili kong lugar.

Mabait ang kaniyang asawa, katunayan parang anak ang turing niya sa akin na
inaalala kung ako ay may kinakailangan. Hindi ko siya masisisi kung magalit
siya sa akin. Inalis siya ng employer naman dahil iskandalosa at intrigera. Samantalang naging paborito ako ng aking amo na Hudyo at Puti dahil mukha raw akong mabait. (hekhekhek).Yong asawa naman niya ay gusto akong ipakasal sa kaniyang
anak na lalaki na hindi ko pa nakikita.

Limang araw bago mag Pasko ay nakakuha ako ng notice na kailangang maghanap na ako
ng matitirhan dahil babalik na ang kaniyang anak.(may PS. Pu@#$%^&na mo.)

Kinakailangan maghanap ako nang matitirhan kaya nag-absent ako sa isa ko pang trabaho
Sa Human resources department kung saan ang Sales Manager na sipsip sa CEO ay naghihintay lang akong magkamali para ako ay ipatanggal. Ang dahilan kabago-bago ko pa lang daw ay may promotion na ako, samantalang siya ay naghirap ng sampung taon bago niya nakuha ang puwesto.(Kasalanan ko ba kung mas maganda
ako sa kaniya?(hekhekhek).

Kinabukasan, pinaresign nila ako dahil absent daw ako without notice. Alam kung
may laban ako at kung nasa Pilipinas lang ako, bibigyan ko sila ng ulcer sa sama ng
loob.(Nakarma rin yong sipsip na yon. Deported siya nang makuha siya ng INS na
pinalsipika niya ang mga papeles niya. Karma nga naman.

Sandali nalalayo tayo sa kuwento. Sa isang bahay ng nars na natulungan ko sa empleyo ay nakakuha ako nang pansamantalang tutuluyan.

Sa loob ng ilang buwang pamamalagi sa Ester, palipat-lipat ako ng estado para bisitahin ang aking mga kapatid at mamasyal din, kaya wala pa akong masasabing gamit sa bahay.Ang aking personal na mga gamit ay nasa kaibigan ko pa. Ang dalang gamit ko lang ay aking aking mga workclothes. Lumipat ako nang isang araw bago bisperas. Kaibahan sa Pilipinas, dito ay hindi mo madarama ang Pasko. Tahimik at maliban sa
magagandang ilaw na nakapalamuti sa mga bahay lalo na sa mga Pilipino,
wala ka nang makitang ispiritu ng Pasko. Nang bisperas na iyon, ako ay mag-isa
sa aking munting mundo. Ang aking unan ay ang aking tuwalya at ang aking kumot
ay and aking wool na outer coat ang aking banig ay diyaryo.
May kaibigan din akong mapagpapalipasan ng Pasko pero ang Pasko nila ay hindi
ang hatinggabi kung hindi Hapon ng Dec.25 dahil sila ay nagtatrabaho kahit Pasko.
Isa pa talagang madrama ako. hekhekhek.

Bumalik ako sa pagkabata na bago matulog ay inaasam-asam ko ang regalo ng aking daddy na inilalagay niya sa medias. OO, insan, nakalakihan kong nagtatrabaho ang aking ama sa isang American company kung saan malapit
siya sa amo niyang Kano kaya may mga mansanas,ubas at peras kami pag Pasko.

Namiss ko ang aking mga Pasko sa Pinas, ang simbang gabi, ang mga Christmas Parties, ang mga Kris Kringle, ang mga regalo, ang puto bumbong, ang mga Kaibigan. Malayo rin
ako sa aking pamilya na nasa ibang Estado. Kung ginusto Ko ay maari akong tumira sa kanila
pero palagay ko talagang Gypsy ako na mahilig magsapalaran nang nag-iisa.

Nakatulog akong walang luha. Hindi ako mahilig umiyak. Ang aking idol ay si Scarlet O Hara.
Ang lahat ng lugar sa akin ay Tara.Mahilig kasi akong magsabi ng Tara na.(hekhekhek)

Bukas ay mag-iiba ang aking mundo.

Kinabukasan nga ay tinawagan ko ang kaibigan na may sasakyan.Bibili ako ng gamit.

Pagbaba ko sa hagdan ay may isang lalaking kapitbahay na French na ngumiti at binati ako.

Sabi niya : Joyeux Noël . Que je veux être votre
ami
.


Sagot ko naman : Joyeux Noël. que vous ressemblez
à Bruce Willis.
Yong huli sa isip ko lang ahahay.






No comments:

Post a Comment