Saturday, August 07, 2004

Wala na sa Erpleyn-Sa SF Erport na

Dear insansapinas,

Tinatatakan noong immigrant officer ang aking passport. Sumunod ako sa daloy ng mga tao. Hindi ko kasi alam kung saang carousel ko kukunin ang aking mga bagahe.
Nagsisimula nang dumating yong mga maleta,kahon (Oo, Birhinya,tatak na ng Pilipino
ang balikbayan box)baul? bag na iba’t ibang disenyo. Ang iba naman ay magkakapareho na aakalain mo saiyo.

Tip#1.

Lagyan ng palatandaan ang mga bagahe, kagaya ng ribbon, o kaya tape na may kulay
orange, fuschia, green o combination ng kulay para madaling makita sa patong patong ng mga bagaheng lumalabas sa conveyor belts. Lagyan din ng maraming tag para pag nawala o nabura ang isa, ay mayroon pang natitira. Ako nilalagyan ko mismo ng pangalan yong katawan ng maleta. Para naman, hindi mukhang graffiti ay nilalagyan ko ng art.

Nakita ko na ang mga maleta. Ang problema ay ang madaliang pagkuha nito sa carousel dahil kung hindi ka mabilis, ikaw ang mahahatak habang pinipilit mong ibaba ang bagahe. Tiningnan ko sa kaliwa ko. UUUHm.Babae na napakahaba ng kuko. Mataas ang takong ng sapatos. Palagay ko turista dahil maliit lang bagahe niyang nakalagay sa cart.

Tip #2

Pag turista ang visa mo, huwag dalhin ang buong aparador mo.
Paghihinalaan ka nilang walang balak na bumalik sa Pinas. Oo, kahit totoo.


Hindi makakatulong ito sa akin. Tumingin ako sa kanan. Babaeng may kilik na anak. May katabi siyang isang tinedyer na lalaki. Hmmmm,maling puwesto.

Tumingin ako sa ibang puwesto. Ahaaa. Madre.

Tip #3

Tumabi sa mga taong makakatulong sainyo pagkuha ng inyong mabigat na bagahe sa airport carousel.

Tatanungin ninyo siguro kung bakit tatabi ako sa madre. Di ba? Palagay ninyo, 1. 1.kakausapin ko yong madreng dasalan ang aking mga bagahe para lumutang at bumgsak sa aking cart.

2. maskulado yong madre

3. hindi talaga siya madre kung hindi lalaking nag babalatkayong madre.

Mali itong lahat. Patapusin muna ninyo ako. Tatabi ako sa madre dahil may katabi
siyang dalawang mamang mga maskulado. Pareho ang takbo ng isip namin ni Sister.
Hindi nga naman matitiis ng mga lalaking hindi tulungan si Sister. Sasakay din ako sa balak ni Sister. Kunwari magkasama kami.

Tanong ko,” Wala pa ba ang mga bagahe ninyo, Sister?”
Sagot niya, “Wala pa. Ikaw ?
Sagot ko,”Nandiyan na yata Sister.

Pagdaan ng mga maleta ko ay tinangka kung hilahin. Madali akong tinulungan ng dalawang mama. It worked. Hindi muna ako umalis. Siyempre, “kasama” ko si Sister, anoh.
.
Dumating na ang bagahe ng dalawang mama. Kinuha nilang mabilis at umalis na sila. Naiwan kami ni Sister. Wala nang masyadong tao sa carousel. Tamang-tama,, dumarating na ang kaniyang bagahe, sabi niya. Mga balikbayan boxes. Wala nang tutulong sa kaniya kung hindi ako lang. Si Lord talaga kung magbiro.

Linsiyak, mas mabigat pala ang dala niya. Akala ko altar na chinop-chop.
Pinasalamatan niya ako Tuloy kami sa Customs.

Pinagdeklara kami ng customs ng aming dalahing pagkain,tanim at ibapa.. May malaking fine pagnagsinungaling.

Tip#4

Huwag magdadala ng sariwang prutas at may buto kagaya ng mangga.
Karaniwang ginagawa ng mga Pinoy ay inilalagay ito sa lata at sineseal. Hindi pa rin ito nakakaligtas sa scanner ng Customs.

Kaya ako dineklara ko yong dried mango, hopia, at squash seeds. Pagkagaling ko sa Customs, sabi noong isang Pilipino hindi naman daw kailangan yon kasi hindi naman fresh .
Araaaay, pinamukha na naman sa aking ang aking katangahan. Pero sabi ko, tinanong noong isang Customs Agent kung saan galing yong hopia. Sabi ko sa Binondo.

"Where is that," tanong noong Agent.
Sabi ko "Where else but in the Philippines. "

Muntik ko tuloy siyang kuwentuhan kung gaano ang hirap kong bumili noong hopya nang dahil sa natiketan ako sa parking at pinahirapan ako ng pulis dahil ayokong magsuhol. Pero hindi ko na ikinuwento yon dahil maraming nakasunod sa akin.

Nagkukumpiska pala sila ng mga mooncakes (noon) na galing sa Tsina. Anak lang naman ng mooncakes yong hopyang dala konoh.

Ngayon ang kinukumpiska naman nila ay mga pekeng CD, DVD at mga librong kopyado sa mga nanggaling sa Estet. Magaling ang mga scanner sa erport ngayon, sa hugis at kulay lang sa monitor nila, alam nila ang dapat buksang mga bagahe.

Natapos rin, nag-inot-inot na akong lumabas sa Customs Area.

Itutuloy

Pinaysaamerika

No comments:

Post a Comment