Cont’n
Lumanding kami sa San Francisco Airport ng alas 8 ng umaga ng Marso 8. Umalis ako
sa Pilipinas ng alas seis ng umaga ng Marso 8. Kung isusulat ko ito sa diary ko,dalawang oras lang akong nagbiyahe.
Pinauna ko muna yong mga nagmamadaling pasahero para makababa. Yong iba kasi may connecting flight pa sa ibang state Yong iba naman ay ayaw lang talagangmaunahan.. Ako dito muna sa San Francisco at saka na lang lilipad pag ayos na ang lahat kung saang opit talaga ako ilalagay.
Wala na yong mamang tumulong sa akin para sa carry all baggage ko sa overhead
compartment. Ahaaa,may mamang dadaan.Matiyempuhan. Tumapak ako sa upuan at
nagkandahirap na ilabas ang aking maliit na maleta. Pag tapat ng mama sa akin ay medyo
umire ako ng HHHHHHHHHHMPPPPP. “Let me help you,” sabi ng mamang di ko kilala at ibinababa niya ang aking bagahe.
Tip # 1
Tama ang sinabi ng aking kaibigan.
Sabi niya, “ Iteyempo mo ang pagbuhat ng mabigat pag may malapit na lalaki,”
Ipakita mong kailangan mo ng tulong. Saka ngumiti ka ng matamis at sabihing,
TINK YU.”
Sinunod ko ang payo niya.Nagpasalamat ako sa mama at ngumiti ako ng matamis.
Ngumiti rin siya. Sumimangot yong aleng nasa likod niya. Misis siguro.
Isinuot ko na yong leather jacket ko na ineregalo na binili ko sa Pakistan. Ang halaga noon ay mga 1,500 pesoses lang pero sa Estet, yon pala ay nagkakahalaga na ng 300 dollars. Tsinek ko kung mukha na akong kagalang-galang. Saka ako lumabas sa tarmac.
Tip # 2
Tip kasi sa amin yan noong orientation. Magsuot ng disenteng damit. Dito kasi napapabalintunaan ang kasabihan na ginawang sikat ni Melanie Marquez, “ Do not
judge him(Joey) by his cover. He is not a book.Mayroon kasing naging kaso noon
na isang Pinoy na engineer ang muntik nang hindi makapasok sa Estet dahil hindi raw siya mukhang enhinyero.Tanong ko naman, ano ba ang mukha ng inhenyero? Ako,
halimbawa, accountant, ano ba ang mukha ng accountant ? Yong ba yong palaging nakasimangot dahil hindi mabalanse ang libro o yong may nakatatoong numero sa
mukha. Buti hindi ako binato ng libro noong nag-oorient sa amin. Pero inirapan niya ako.
Tsaring kasi siya. Yong palang inhenyero ay nakasuot ng collarless tshirt, maong at Reebok. Akala niya dahil nakasuot siya ng Levi’s at ng Nike na may kamahalan din
naman ay presentable na siya. Maliit pa naman siya at parang bata. Kung baga sa isip siguro noong Immigration officer na baka pinabili lang siya ng suka nakarating na sa Estet.
“Dress like a professional because you are one, “sabi ng nag-oorient sa amin.
Kahit wala pa ang 9/11, mahigpit na ang Immigration sa mga hindi naghahawak ng green card. Pinapipila ang mga greencardholders(hindi naman kulay green) ng hiwalay habang sa mga turista at may hawak ng mga working visang katulad ko.
Umusad ang pila at umabot ako sa kinaroroonan ng unang Puting nakita ko sa Estet. Yong kaibigan ko kasi alam niyang nasa Estet na siya noong makita niya ang isang Pulis na Puti. Mahilig kasi siyang manood ng COPS.
Tiningnan niya ang aking passport at sinabing Hmmmmm so you are an accountant.
Gusto kong sagutin nang Hmmmmmmmmmm so what do you think. Pero hanggang
isip ko lang yon. Naalala ko na naman yong tip sa akin.
Tip #3
Pag ang tanong ay kailangang sagutin ng Yes or no. Sagutin lang ng either yes or no period. Pag may follow up na tanong, saka lang sasagot. Do not volunteer any info unless asked. Tinandaan ko yong dahill ako mahilig magvolunteer sa mga projects, sa mga
programs. Pag tinanong mo ako ng aking pangalan, pati ang dahilan nang pagkapangalan sa akin ay malalaman mo libre.
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Tiningnan ko rin siya mula ulo hanggang dibdib. Nakaupo siya anoh kaya yong lang parte ng katawan niya ang nakalabas.
Tiningnan niya ako sa mukha. Siguro hinahanap niya ang numero dahil accountant nga ako.
Tip # 4
Tingnan sa mata ang kumakausap. Tiningnan ko siya mata. Madaya,nakasuot
siya ng salamin. Iniisip ko baka tanungin ako tungkol sa Accounting. Kagaya noong
nakasabay ko sa pag-pick up ng passport ko sa US Embassy. Tinanong niya ako kung anong tanong sa akin sa interview. Siya raw kasi tinanong sa depreciation.Sabi ko wala kasi hindi naman ako ininterview. Sabi niya puwede ba yon?
Sabi ko ang teoriya ko ay :
1.marahil nagandahan sila sa retrato ko. Ahem
2. natakot sila sa retrato ko.
3. maganda ang gising ng nagprocess ng aking papel kaya aprubado kaagad ang visa ko.
4.makakalimutin ang consul na may hawak ng papel ko at naisama yong aking passport
sa tatakan ng visa ko.
5. o nakita lang niya ang mga work related travels ko sa Asia. Ahem
Inabot ng Immigration Officer yong aking passport at sabi Welcome to US and have a nice day. Sabi ko tink yu.
Itutuloy
Pinaysaamerika
No comments:
Post a Comment