Dear insansapinas,
Sikat na palabas noon sa Pinas pero mga mahigit na limang taon na huli ang serye.
Dito palabas pa rin,lalo na yong mga lumang episodes. Kaya pala pag may habulan ng
kotse ay para silang nasa ferris wheel, lulubog,lilitaw dahil talaga pa lang ang mga
kalye dito ay pataas, pababa. Hindi puwede rito ang hindi automatic na kotse kasi pag nagstop, mahihirapan kang magtimpla ng break at ng clutch. Naalala ko tuloy noong
bago pa lang akong nagdadrive sa Pinas. Traffic sa tulay at “nakabitin” ako. Panay ang busina noong kotseng nasa likod. Eh ang kotse ko pa namang ginamit ay yong lumang kotseng pinahiram sa akin ng aking kaibigan na puwedeng ibangga, gasgasan o ilaban ng karerahan tutal ang bagal naman ng takbo. Yong bang ang model eh parang kotse ni Batman. Mahaba, malaki, matibay ang katawan, hindi kagaya ng ga kotseng bagong labas, ang ninipis ng katawan na masagi mo lang sa pako, malaki na ang gurlis.
Eh yong kotseng yon, kung minsan ginagawa pang playground noong mga kapitbahay
kong bulilit. Sumasampa sa harap at parang kama ba yon? na tatalon-talonan nila.
Minsan, yong aming house secretary ay nagkula pa roon. Maluwag daw kasi saka nakaparada sa labas ng garahe. Salbaheng Azon.
Minsan itinirik kami noong kaibigan ko sa bandang Batangas. Oo ah, kahit naman ganoon yon, nakakapaglakbay pa sa labas ng Metromanila. Yong nag-tow sa amin ay inimbitahan na lang kaming magsleep over, habang inaayos ang kotse. Maganda ang gabi kaya, humilata kami ng kaibigan ko doon sa harap ng kotse. Tumingin kami sa langit at nangarap. Nasaan na kaya siya ?
Balik tayo sa San Francisco---
Nandito pa ang pinakaiksing kalye at zigzag pa.
Imaginin na lang ninyo ang kotseng dinadrive ninyo na kaleleft turn pa lang, magraright turn na kaagad. Ito ang Crookedest Street na sinasabi.
Uwian na ng lumakad kami mula sa opit hanggang sa garage parking. Oo Birhinya, bagong dating palang ako ay isinabak na ako sa opit kaya ang aking bagahe ay nasa likod pa ng trunk ng kotse.
Malayo kasi ang uwian ng aking bossing. Mga 45 minute drive mula sa San Francisco.
Pag walang trapik. Yan ay parang nagtatrabaho ka sa Menila at umuuwi ka sa Angeles at ang pagdrive mo ay para bang gusto mo nang pumunta sa CR.Ang matindi dito ay
ang parking fee. Kaya karamihan ay iniiwan ang kotse sa istasyon ng teren at saka
nagba BART. (Bay Area Rapid Transportation).
Dinaanan namin ang Macy’s at iba pang mga department store patungo sa garage.
Sabi ng asawang Puti ni bossing, kaya daw hindi nagpafile ng bankruptcy ang mga stores na ito ay dahil kay bossing na shopaholic.
Pumasok kami sa Macy’s. Pumunta kami sa Cosmetics. Wow, nandoon ang Clinique,
Estee Lauder, Elizabeth Arden etc. Libreng magsample. Kaya panay ang mek-ap ni bossing. Pinipilit niya akong gumaya pero tenk yu na lang. Ayokong sunugin masyado ang aking mukha ng maraming mga mek-ap.
Pumunta pa ako sa Fragrance section. Nandoon nag paborito kong Ralph Lauren. Sangkatutak ang label sat may mga testers. Haaah, di nangamoy belyas na naman ako.
Expensive lang ang aking perfume.
Pag labas namin ay makikita mo ang mga nagpapalimos sa lansangan. Lalaki ng katawan at kung hindi quarters ay dollar hihingin saiyo.
Oo Birhinya, sa downtown streets, nagkalat ang mga bum.
Hindi ko alam kung maeron niyan sa Makati. Meron din ditong taong grasa na pag dumaan sa harap mo ay para bang bumuka ang imburnal saiyo.
Sa Market Street naman ay naghilera ang mga chess tables. Mga Pilipino raw ang mga promotor nito. For five dollars, pwuede kayong maglaro ng chess. Sa sidewalk.
Muntik na nga akong umupo eh. Tagal ko na ring hindi nakapaglaro ng chess.
May mga nagtitinda ng mga beaded jewelry , bulaklak, may mga itim na kumakanta
sa malapit sa Powell na tsuwariwariwap lang ay puno ang latang inilalagay nila sa harap.Parang gusto ko ring magtsuwariwariwap.
May mga bum na kasama ang kanilang malaki at malusog na aso. Isip ko, siya nga wala nang makain, bakit kaya mataba yong aso niya.
May mga mukhang istudyent na nagpapalimos dahil sa kanilang research?
Dami ring kaek-ekan sa Estet.
Pinaysaamerika
.
tenks haydee.
ReplyDelete