Monday, August 09, 2004

Sa Labas ng San Francisco-Pangat na Adobo

Dear insansapinas,

Ang bahay ng bossing ko ay nasa East Bay. Ito ay nasa kabilang ibayo ng Bay Area. Kung baga ay tatawid ng tulay sa itaas pag kotse o kaya dadaan sa ilalim ng tubig pag tren ang sinakyan. Pero parehong dadaan sa gitna ng bundok na pinakiaalamang hukayin para daanin ng trapik. Ito ang tinatawag nilang tunnel . Medyo napikit ang mata ko at di ko napansin na pumasok kami ng tunnel.Nang idinilat ko ang aking mata ay madilim maliban sa mga ilaw na nakalinya sa tabi.

“Who turned off the light.” tanong ko sana. Pero lumabas na kami sa tunnel at inesplika ng bossing ko na hinukay talaga ang bundok para magkaroon ng alternative route. Galing ng mga Kano anoh ?

Pero as magaling pa rin ang mga Pinoy, kasi sila marunong gumawa ng bundok at pagkatapos marunong ding itong gibain. O di ba yong Smokey Mountain.

Nakarating kami sa kanilang tahanan. Bumukas ang garage door nang hindi tuminag yong Puti. Sabi ko siguro may Boy na hindi ko nakita.

Nakahanda na ang dinner.Wow, adobo.(pagkaing Pinoy na hindi ko alam isusumpa-sumpa ko rin sa mga susunod na araw dahil yong lamang ang alam lutuin ni Manang, ang housekeeper. Sa katagalan, hindi na siya adobo, pangat na. Pangatlo nang beses initin. Ang dahilan niya ay ayaw daw magpaluto ng isda yong Puti dahil nangangamoy sa bahay. Ang mga bata naman ay sandwich lang ang kinakain.Yong asawang Puti ay ribs ang kinakain.

May naamoy akong mabaho.. Amoy-anghit. Disamulado ang pag-amoy ko sa aking kili-kili. Hindi ako. Amoy belyas pa rin ako ano. Ipaligo ko ba naman yong pabango sa Macy’s. Nakagiting inginuso ni Manang ang kinakain noong Puti. SloppyJoe daw.Ayaw niya ang amoy ng tuyo, tinapa at sardinas, pero kumakain siya ng amoy kili-kili. Magkakasundo kami ni Manang. Hinanap ko ang Boy, wala.

Nakatulugan kong may hawak na tuwalya at sabon. Pinaliguan kasi ni Manang ang dalawang bata para kinabukasan ay hindi na sila maliligo. Siguro sa kapaguran ay nakatulog ako. Tahimik na sa kabahayan at patay na ang ilaw.

Tiningnan ko ang shower at gripo sa bathtub. Walang hot and cold. Ang gripo sa bahay ng aking mader sa QC ay may hot and cold water pero dalawa ang bukasan. Ito isa lang.

Binuksan ko nang kalahati na sa isip ko ay iinit na lang ito pag matagal nang bukas. Aba ang lintek, hindi umiinit. Sa isip ko, baka pinatay ang hot water ? Kasi sino nga naman ang baliw na maliligo ng madaling araw? Ako yong baliw na yon.

Kalahatian na ng bath tub ay malamig pa rin ang daloy ng tubig. Balak ko pa namang maglunoy sa baththub.

Huli kong ginawa yon ay noong birthday ng kaibigan ko sa isang five star hotel
sa Makati. AAAAAh, bago kayo mag-isip kung ano ang ginawa ko doon, sasabihin ko na wala akong kasalanan. May kapitbahay ako na nagtatrabaho sa HR ng isang kumpanya.In-charge siya sa mga accommodations, travel itineraries ng mga expats, foreign suppliers at big wigs ng company.Yong mga hotels naman ay appreciative na sila ang kinocontact.Hindi labas padulas o bribe, nagbibigay sila ng free overnight hotel accommodation.

Birthday ng kapatid niya na kaibigan ko kaya ibinigay sa kaniya as a gift. Eh ang totoo pala noon,hindi pa siya nakatapak sa loob ng hotel much less magcheck-in. Ako ang alam nilang madalas magtambay sa hotel, hindi dahil GRO o pimp ako anoh. Walang pipick-up sa akin.(alam ko ang istorya sa mga ibong- mababa- ang- lipad –pero-sa-matataas-na-building –sila naghahanap ng “bird seeds.”

Ang bossing kong lalaki sa isa sa mga moonlighting job ko sa Pinas ay siyang kumakausap sa mga kliyente na nagpapagawa ng mga marketing plan, feasibility studies. Hindi niya ako hinaharap pero
kailangan nandoon ako “just in case “ may mga tanong. Ako gumawa eh.

Nasa lobby sila o coffee shop. Nasa coffee shop ako at naghihintay nang itatanong niya. Nalalasing ako sa dami ng kape.

Balik tayo sa kaibigan ko. Nag-imbita pa kami ng isa pang barkada. Pagkatapos naming maggala ay oras na para matulog. Pumunta sa bathroom ang birthday celebrant para maglunoy sa bathtub.
Dala niya yong bubble bath na binili niya sa isang makulit na multi-level marketer sa opisina nila.
Nagamit din niya sa wakas. Inuusisa naman ng isa kong kaibigan ang maliliit na bote ng alak sa maliit na refrigerator , soda at mga kakanin.. Kala siguro ng lintek ay libre.

Sumunod akong maliligo. Hinanap ko yong tuwalyang tapakan pagkagaling sa bath tub. Wala.Sumilip ako sa labas. Nasa ulo ng kaibigan ko. Tssk tsssk.

Balik tayo sa bathroom ng aking host/boss sa labas ng San Francisco.

Inalisan ko ng tubig ang bathtub at balak ko na lang magwisik-wisik at buhok ko na lang ang aking hugasan. Kasin lamig ng yelo ang tubig noh. Brrrrrrrrrr.

Pag gising ni Manang ay nasa banyo ako at nagsisipilyo. Ttinanong niya kung nakapaligo na ako. Sabi ko oo. Nakita kong binuksan niya ng buo yong gripo at nang may lumalabas na umuusok na tubig ay ibinalik niya sa kalahatian ang pagkabukas.

Marami talagang ka ek-ekan dito sa Estet.

Tip for the day:

Pag hindi alam, magtanong kahit magmukhang tanga.

(Sa susunod Fisherman's Wharf at ang mga taong silver.)

Pinaysaamerika

No comments:

Post a Comment