Dear insansapinas,
Noong bata pa ako (ibig sabihin matanda na ako...inamin din...toinkz), pag hapon nagwawalis ang aking mother sa paligid ng bahay...mga dahong natuyo at nahulog at mga basura na itinapon mula sa bintana ng aming bahay. AHEM, mea culpa. Masarap amuyin ang dahong sinusunog (amoy probinsiya) pero yong ibang basura hindi masunog. Isip ko noon, bakit kailangang itapon sa lupa kung wawalisin din naman.
Kahit sa Pilipinas pa, sanay kong di nagtatapon ng basura kung saan-saan. Kaya ang bag ko puno ng kleenex, candy wrapper, kulang na lang makita mo ang garbage truck sa loob. ahek.
Kaya noong nasa ospital ako last week, nang makita ko yong babae na panay ang dukot sa kaniyang bag, alam kong naglilinis din siya ng mga basurang inipon niya doon.
May appointment ako sa oncologist ko bukas. Hinahanap ko yong prescription niya sa aking gamot para hindi naman ako masyadong mahirapan sa side effect. Nawawala.
So kinuha ko yong tatlo kong bag na pinagpapalit-palitan kong dalhin. Kung nandito ang kaibigan ko, tatanungin ako ng: Ano, tatlo ang bag na pinagpapalit-palitan mo? Akala ko isa lang yan. Kasi pare-parehong kulay, itim. Simple lang at mura. Sa kamurahan, pag iniregalo mo sa kaibigan, sasabihan ka ng CHEAP.Hindi kagaya noong active pa ako na tabingi ang mundo ko ko pag nakasablay ang isa kong bag sa aking balikat at parang dala ko ang aming garahe, dahil yon ang halaga ng bag na iyon. Regalo lang naman sa akin ng aking MIL. Kahit hilahin ninyo ako mall at tutukan ng baril, hindi ako bibili ng ganoong klaseng kamahal na bag.
Balik tayo sa basura. Sinimulan ko sa isang bag kung saan nandoon ang mga admissions at discharges ko mula sa ospital. Yield. Isang plastic bag na basura. Hmmm. meron pa palang isang pirasong white chocolate na nakasingit sa folder. Yum. Baka may root beer pa dito ah.
Ikalawang bag. Nakaipon pala ako ng pampainit sa kamay at paa. Pagsinabay-sabay kung gamitin yon, parang dala ko na ang portable na heater. Wala pa rin yong prescription. Maraming gusot na unused kleenex. Hmmmm.
Ikatlong bag. Mga addresses ng aking doctor, listahan ng aking mga gamot. Basura: isang bag. Kasama ang Halls candy wrappers. Dalawang bag yata ang equivalent. Give up na ako. Tapos nakita ko. Kasama noong request para sa blood works ko. Buti na lang di ko itinapon.
Kayo, anong laman ng inyong bag?
Pinaysaamerika
No comments:
Post a Comment