Dear insansapinas,
Umalis nga ang pinsan pero hinikayat niyang maghanap ng bahay ang
aking kabalay. Maitim talaga ang budhi. Sarap kuskusin ng ng steel wool.
Hanap naman ang kabalay ko. Tingin sa dyaryo, tawag, punta, tanong. Mahal. Di niya
kayang upahan mag-isa dahil ang pinsan ay wala pa namang trabaho.
Isang buwan na siyang naghahanap wala pa siyang makita para matirahan.
Kailangan kasi ang suweldo ay at least three times noong renta para maaprubahan.
Kung di lang ako pinalaki na masama ang maghangad ng hindi maganda sa kapwa tao
disin sana'y hinarap ko na siya at sinabing BUTI NGA.
Pero di ko sinabi yon kahit ang aking anghel sa kaliwa ay nagpupumiglas
upang siya ay pagsabihan.
Minsang nauwi ako ng gabi ay may mga nakasalubong akong mga lalaki na para
bang may hinihintay na lumabas sa aming bahay. Abaaaaa ang labindalawang taong
gulang batang nakatira sa ibaba namin at ang kapatid nitong labingwalo ay nakabihis ng magara at hitsura ni Madam Auring ang kapal ng mek-ap na kahit gabi ay kumikinang
ang mga glitters na inilagay sa may mata. Stariray.
Sumakay sila sa kotseng naghihintay na humarurot kaagad ng tila ba hindi
makapaghintay kung saan man sila pupunta.
Nakaupo sa balkonahe si Mang Tomas, isang beterano na ang trabaho ay magpalit ng
bumbilya, maglabas ng basura at maglinis ng bakuran.
"Ginabi ang mga kalapati." sabi niyang matalinghaga.
"Aling kalapati Mang Tomas?' nagmamamaangmangan kong tanong na wari ba ay nauna ang aking utak na nahiga sa aking kama.
"Yong magkapatid na call gerls.tsssk tsssk, kawawang mga bata."iiling-iling niyang
sabi.
Umiral ang pagka Cristy Fermin ko. Niyaya ko ang matanda sa loob at sabayan ako ng
hapunan. Wala pa ang kabalay ko.
"Nasaan ho ba ang kanilang ina?", tanong ko habang sinasandok ko ang sinigang na hito na hindi naman maitim. Pati catfish ay puti.Merkano rin.
" Nandito rin sa Estet. Siya nga ang kumuha sa kanila. Kaya lang talagang hindi sila mgkasundo ng asawa. Tamad kasi. Yon iniwan siya. Ayaw namang sumama ang mga bata kasi
may kinakasamang Puti. Nagbibigay naman ng suporta pero yon yata ang pinambabayad sa renta at sa kanilang pagkain at sa bisyo noong lalaki".
Sa isip ko sulit ang pinakain ko sa matanda. Marami akong nalalaman. Para siyang database. Mas magaling pa.
"Bakit hindi na lang maghanap ng trabaho yong mas matandang anak?", tanong ko habang
ginugutay-gutay ko ang ulo ng isda. Uhhhm sarap.
"Hindi puwede. Tumatanggap siya ng welfare, kasi single mother siya. Mawawala yon.
Kasi nag-aalaga siya sa umaga noong anak niya kaya sa gabi naman ang labas niya".sagot ng matanda na tumayo na para kumuha ng tubig na inumin. Ayaw niya ng malamig.
"Pero bakit naman pati yong bunsong kapatid, dala niya? "tanong ko ulit.
"Laging gutom yong batang yon. Walang mag-asikaso sa kaniya pagpasok niya sa iskuwela. Saka siguro sa mga barkada niya rin. Alam mo naman ang mga bata rito, ang
agang magboyfriend at alam mo na. Sa Pinas, nagpipiko pa yang mga yan noong
kapanahunan ko".
"Alam ba ni Ed (may-ari ng bahay) ang trabaho ng dalawang bata ?" tanong ko habang naghahanda na ang matandang umalis.
"Ay naku, yong lalaki namang yon aywalang pakialam. Basta nagbabayad, okay lang
sa kaniya."
Uhmm, naiwanan akong nag-iisip. Hindi maganda. Baka akalain ng mga kapitbahay, kasama rin kami sa mga ganoon.
Kailangan ko na ring maghanap nang malilipatan.
Dumating ang aking kabalay. May nakita na raw siyang matitirhan. Kakausapin na lang niya yong may-ari.
Pinaysaamerika
No comments:
Post a Comment