Dear insansapinas,
Naniniwala ako sa milagro pero hindi yong may thunder and lightning at may sisipot sa harapan mo na magsasabing ikaw ay maswerteng napiling paghimalaan. Kaya pag may nababasa akong mga ganito, tikom na lang ang bibig ko at pabayaan ko na lang dumaan ang panahon hanggang mapatunayan na ito nga ay totoo. Miracles do happen everyday, subtle nga lang para di mahalatang supernatural.
Mas lalong nakakataas ang kilay ang mga claim na lumalabas ang mga anyo ni Hesus na pati ang sementong niluma at dinumihan na ng panahon ay sinasamba ng mga tao.
Maging dito sa US, maraming naniniwala na nagmimilagro si Hesus sa pamamagitan ng paglabas sa toasted bread, sa potato chip at iba pang pagkain. Para ngang makikita mo ang isang anyo ng taong may bigote at balbas. (Siya lang ba ang may ganoong anyo? Kahit naman si Bin Ladin, ganoon ang anyo). Ang isang taong hindi nag-ahit ng balbas nang matagal na panahon ay magkakaroon ng ganitong anyo.
Ang milagrong tinutukoy ko ay ayon kay Jessica Soho. Ang anyo raw ni Hesus nakikita sa puno ng acacia at ang isa namang anyo ng Santo ay nakita (of all places) sa balat ng alimasag. Kung magmimilagro naman, bakit naman sa alimango pa na kalahati ay nakain na?
Noong bagong salta ako dito sa US, niyaya ako ng aking kaibigang pumunta sa isang lugar na pinaghihimalaan daw. Isang puno sa lugar kung saan malapit sa sementeryo. Ngiiiii. Madilim ang lugar. Meron daw doong marka ng Birheng Maria. Ako naman na si kaladkarin, nagpakaladkad.
Wala naman akong makita. (Sabi ko sa sarili ko, baka kasi makasalanan ako dahil yong iba doon ay nagsasabing may nakikita sila). Kinabukasan, maliwanag at kitang-kita ang puno, pinuntahan namin ng aking kaibigan. Wala pa rin akong makitang anyo. Sabi ko siguro ang kapal na ng kasalanan ko at hindi ko makita. Sus.
Dumaan ang buwan, taon, nandoon pa rin ang puno, nandoon pa rin ang sementeryo pero wala ng taong pumupunta.
Naalala ko tuloy yong himala kuno sa La Union ba yon? Yong pangFamas na acting noong batang lalaking pinaghihimalaan daw. Halos lahat nagsasabi na nakikita nilang nagsasayaw ang araw. Lahat napapasunod sa pagdasal. Gusto nang idonate yata ang lupa doon para gawing shrine. Yon pala parang audition niya. Gusto lang maging artista.
Milagro? Milagro, naubos ko yong spinach sa harapan ko.
Pinaysaamerika
No comments:
Post a Comment