Tuesday, August 17, 2010

The Seamstress - Mananahi ka lang Part 1

Dear insansapinas,
Karaniwan sa ikinuwento ko sainyo ay nangyari sa States. Ang istoryang ito ay sa Pilipinas naman nangyari. Tamang-tama sa mga kasal na null and void.

photocredit
Mananahi ka lang Part 1
High school ako noong makilala ko siya.  Sumasama ako sa aking pinsang pumunta sa isang fashion designer kung saan may mga mananahi, naglilip, naglalagay ng mga disenyo sa gown at mga kung anu-ano pa. Kinuha ako noong vaklush para magtrabaho ng part time sa kaniya. Marami kasing order at mayroon pa siyang feshyun show.


Mananahi siya roon. Sabi niya sa akin ay trenta lang siya pero sa dami ng kahig na manok sa gilid na kaniyang mata, ang tantiya ko ay hindi lang tumalon na siya sa kalendaryo, matagal na siyang nahulog at marami ng manok ang kumahig.


Ako naman ay bata pa at saling pusa lang sa fashion house ng baklitang magaling magdisenyo ng mga damit. Hindi naman ako pwedeng maging model. Bukod sa plantsahan ang harapan ko, pati likod ko ay plantsahan din. 

Tagalinis ako ng mga gown na tapos na. Pag nilinis mo ang ibig sabihin noon ay puputulin mo ang mga sinulid na di kailangan (Minsan naputol ko yong sinulid na kakabit pa lang lahat yong mga beads na nakadekorasyon, ahahay, muntik na akong sipain, naghulugan ang mga beads). Kasi naman nagmamadali ako at may pasok pa ako sa school. (high school pa ako noon at hapon ang pasok ko). O diva, vata pa ako, nagtatrabaho na ako. Chinicheck ko rin kung may mga pins na nakakabit pa sa damit. Baka pagsuot ng bride, matusok. Noong lumaon, ako na ang nagdedesign. Sey. (igkas ng eyebrow). ahem


Ang mga mananahi doon ay karaniwan hindi nagbabaon. Bumibili lang ng luto ng pagkain sa malapit na restaurant pag tanghalian . Dahil ako ang pinakabata, ako ang gofer nila. Tagabili, tagatakbo, minsan tagagapang. Gumapagapang ako para kunin ang mga nahulog na mga beads, pins, needles, threads  sa ilalim ng lamesa o makina. O di may allowance na ako sa school at pambili ng gusto kong sapatos.


Karamihan sa mga mananahi ay matanda na. Kung hindi matandang dalaga ay masusungit na mga hiwalay sa asawa.

Si Florencia ang mananahing naging kaibigan ko. 



Taga Ilocos siya at naninirahan sa isang kuwarto sa apartment ng isang kaibigan niya na pumpasok din doon bilang lilipera.  Malapit lang ang bahay. Puwedeng lakarin pag nakaflat shoes ka. Kung mataas na takong, kasing laki ng holen ang magiging kalyo mo.


Pag Sabado at wala akong pasok sa school, pinapakain niya ako sa restaurant bago siya umuwi. May bitbit siyang pagkaing inakala ko na panghapunan niya.


Malakas ang kita niya lalo pag maraming order ng wedding gowns. Pero simple lang siya. Ang kaniyang suot ay hugis sako at parang binutasan lang sa dalawang kamay at ulo para masuot niya. Parang hindi mananahi.  Parang mga karpintero, ang bahay ay sira-sira at tumutulo.


Hindi ko alam kung saan niya dinadala ang pera niya. Marahil tinitipid niya pagtanda niya dahil wala siyang nababangit na boy friend.


Minsan ay umuulan. Hindi kami makalabas.  Naghihintay kami na tumila ang ulan ng may dumaang lalaking nakapayong. Tumingin sa amin. Pero hindi siya lumapit.


Sa tingin ko magkakilala sila ni Florencia. Nagbago ang mukha niya a lalo nang makitang may kasabay na babaeng nakapayong din. Kung signal number one noon, palagay ko aabot ng signal number three.


Itutuloy


Pinaysaamerika

No comments:

Post a Comment