Dear insansapinas,
Mahal kita, mahal mo siya, mahal niya ay iba. Part 4.
Alam kong umiyak si Brad sa aking ibinalita. Muntik nang umapaw sa tubig yong aking receiver. Baka sa kanila namamangka na siya sa sala nila. Mwehehe.
Kilala niya yong lalaki. Inayos nga raw ni Angelina ang papel, binayaran ang mga fees at pinadalhan yata ng pera para makalipad sa US. Dalawang martir na ang babarilin.
Bilang paghahanda pagdating ng boy friend, lumipat si Angelina isang two bedroom na bahay.
Tinulungan naming maglipat. Nino pa. Eh di si Brad.
Gabi ang dating. Naghintay kami sa bahay ni Angelina na punong puno ng gamit na mamahalin. Mayroon pang bar stools kahit wala
namang bar.
Mayroon pang kumpletong signature male perfume sa isang glass cased cabinet sa kuwarto. Siguro para sa boyfriend. Suwerte naman ni boyfriend.
Hintay kami sa bahay para bienvenida. May dala uling pancit si Dina. Yong ang kaniyang kaisa-isang specialty. Ako, piniritong tilapia. Pinapiprito ko na sa Oriental store. Mwehehe.
Alas nuwebe na wala pa. Tatlong oras na kaming naghihintay.
Si Angelina kasi may ugali rin ang pagiging late. Kahit sa opisina. Lahat ng alibi naibigay na sa pagiging late. Hyperacidity, traffic blah blah. Buti wala siyang wangwang. Hindi uso yon dito maliban sa mga funeral. Pero talagang sakit niya yon sa umaga na hindi bumabangon kaagad at di umaalis sa bahay kung hindi mga limang minuto na lang bago ang schedule.
Hindi na ako makakapaghintay para makita ang boyfriend. May curfew ang aking mata. Sumasara pag eksaktong alas diyes kasi kailangang gumising ako ng ala cinco para pumasok.
Si Dina naman ay papasok ng alas once. Grave yard shift siya. Magbabantay sa sementeryo. Biro lang. Sa ospital siya nagtatrabaho. Siya ang taga dala ng mga namamatay sa morgue pag may namatay otherwise, nagbabantay siya ng mga sirang ulong pasyente na habul-habol niya sa gabi. Yong iba nagcoconcert sa hospital bed nila at yong iba naman ay naglilinis magdamag. Sandali, naligaw na naman ako, saan nga ba ang daan?
Ayaw sumama ni Brad. Maghihintay daw siya hanggang dumating si Angelina at ang boyfriend.
Rolleyes ako. O hige, kung gusto mo talagang masaktan, wala kaming sasalo saiyo pag hinimatay ka.
Sino raw ang kakausapin niya pag wala kami.
Tinuro ko yong wall. Itinabi ko siya doon. “O eto, kausapin mo habang naghihintay ka. Pinili mo ang papel na yan. Tiis ka."
Naawa naman ako pero talagang antok na ako eh.
Nakarating na ako sa bahay, nakapasok na si Dina nang tumunog ang telepono.
Hilew.
Pinaysaamerika
No comments:
Post a Comment