Sunday, June 03, 2007

Pinay's Paglalakbay sa Pinas-Camarines Norte-Pinay Reminisces

Dear insansapinas,

Akshually, natira kami sa Camarines Norte noong ako ay paslit pa at wala pang muwang.
Natatandaan ko ang bahay namin ay malapit sa dagat. Nasa kabilang kalye lang ang dagat kaya pag umaga o hapon ay naliligo kami sa tubig o kaya ay naglalaro sa dalampasigan.

Mahilig kaming manghuli ng alimangong nakatira sa mga butas ng buhangin. Gagawin namin ay huhukayin namin ang butas at makikita naming nakatago ang mga alimangong ito na hindi naman kinakain. Kung minsan naloloko kami. Magbubutas sila papasok tapos lalabas sila sa isang butas.

Sa gabing madilim, nilalagyan ng mga kapatid ko ng maliit na kandila ang alimango at pakakawalan sa kalsada. Pag tiningnan mo sa malayo, akala mo multo. hehehe.

Madalas kaming dalawin ng bagyo doon. Lakas ng hangin at ng ulan dahil nanggaling sa
dagat. Ang natatandaan ko, gumagawa ng tent sa loob ng bahay ang aking father para kung liparin ang bubong, di kami mababasa. Sarap naman sa loob. Siksikan kami.
Ang father ko lang ang lumalabas para kumuha ng pagkain. Minsan mainit na pansit mula sa Chinese restaurant o kaya naman ay nilagang kamote at saging.

Pagkatapos ng bagyo, takbuhan kaming mga bata sa dalampasigan. Unahang pagkuha ng mga inanod ng malaking alon.

Minsan ang inanod ay sinasabing duyong. Para itong tao pag umatungal. Mayroon din itong mammary glands katulad ng tao.

Dito ko kinamulatan ang block rosary. Yong dinadala ang Birhen sa bahay-bahay tapos may kainan sa huling gabi. Noon ko naririnig ang ORA PRO NOBIS sa mga matatandang nagdadasal. Akala ko ano yon. Kaya lang naman ako pumupunta doon dahil sa brown na bag na may lamang candy at biscuit na pinamimigay sa mga bata.

Malapit sa dulo ng dagat ay isang lugar na panay puno at batuhan. May maliit na water fall doon. Maraming mga naglalabang mga babae. Maganda kasing maglaba doon dahil umaagos ang tubig at ang lalaki ng bato kung saan puwedeng ikula ang lalabhan.

Minsan isang buwan, kasama ang aming pinsan, dinadala kami ng aking tatay sa waterfall. May dala kaming baon na binalot sa dahon ng saging. Nilalabhan niya ang makakapal na kumot, kurtina at mga maong niya noon sa pagtatrabaho. Mabigat kasi kung lalabhan sa batalan namin o sa likod ng bahay.

Languyan kami. Sarap. Makikita mo pa ang mga maliliit na hipon, nakikilangoy din. Marami rin kaming nakakasabay na mga dalaga at binata. Excuse nila siguro yon para magkita. hehehe. Tatlo dito ay mga kapitbahay namin. Tawagin natin silang si Dalena, si Magda at si Elena.

Ipagpapatuloy ko insan.


pinaysaamerika



,,,
,,,

No comments:

Post a Comment