Wednesday, April 18, 2007

The Loner, the Lonely, the Depressed Students-Pinay Reminisces

Dear insansapinas,
Pansamantalang iiwan ko muna ang aking mga romantic (daw oh) love episodes para talakayin ang napapanahong balita tungkol sa massacre sa Virginia Tech. Hindi ang kabuuang balita kung ano ang nangyari kung hindi ang experyensiya ko sa pagtuturo ng mga istudyante--iba-ibang klase, iba-ibang personalidad.

Alam mo naman insan na nagsimula akong magturo sa college sa murang edad, murang as in nakipagtawaran pa ako niyan. Halos maglumuhod ako para lang ako pagturuin.

Nagturo ako nang makapasa ako sa CPA board at may tatlong taon na akong experensiya sa labas. Kaya halos ng aking mga istudyent lalo sa gabi at ang mga working ay kaedad ko lang. Kaya minsan akala nila istudyent din ako.

Unang pagtuturo ko sa isang unibersidad, insan, may tatlo akong mga istudyent na magagaling. Ang isa nga ay nakatapos na magna cum laude. Pero siya ang sinasabi mong bookish. Yon bagang pagreportin mo ay buong libro pati footnote ay isasampal saiyo, samantalang yong isa naman ay talagang magaling. Siya ay analytical. Ang problema, insan, siya ay tahimik, anti-social, loner kaya maririnig mo lang ang boses niya pag siya ay nagrerecite.

Meron akong technique insan noon na intentionally ay may mali akong sinisingit sa mga sagot, tapos naghihintay ako ng isa sa kanila na ipakita sa akin o icorrect yon. Ako kasi ang hindi tipong propesor na ibabato ang chalk, pati ang desk at kung minsan pati ang pisara (blackboard, oras na kinontra mo ako o kaya kinorek). Sabi ko nga, I welcome corrections, suggestions, criticisms (huwag mo lang sabihing pangit ako at pamumultuhan kita sa aking mga ninunong nasa aming family tree).

Mataas ang grade na nakuha sa akin ng istudyanteng yon. Pareho sila noong bookish. Pero alam ko mas magaling siya.

Ikalawang semester, iba na ang propesor nila sa Accounting. Nakikita ko pa rin ang istudyanteng yaon sa labas ng aking classroom. Kung minsan tinatanong ko kung may kailangan siya o may itatanong, wala raw saka biglang aalis.

Sabi ng aking mga kabarangay sa pagtuturo, baka raw infatuated lang. Naku ha.

Ilang araw, linggo ko siyang di nakita, kaya hinanap ko ang mga kaklase niya. Matagal daw absent na. Hindi kaya kako may sakit? Ganoon talaga ako kaconcern sa mga istudyante ko na dito hindi mo puwedeng gawin na hindi ka maakusahan ng kaso. (Naalala pa ninyo yong kasi ng bagong saltang titser na pinay na kinasuhan dahil masyado siyang malapit sa istudyante niyang bata). Pinapuntahan ko ang mga magulang ng istudyante. Pumapasok naman daw araw-araw.
Eh saan pumupunta? Nagdetective ang mga istudyante kong katulad ko ring mga pakialamera't kalahati. Pumupunta raw sa sinehan at maghapon doon. Pag-uwian, saka lang lalabas.

Naku, masama ito. Sinumbong ng aking mga "mahaderang" mga istudyante sa kaniyang magulang, kaya balik eskuwela siya. Tinawag ko siya minsan. Meron kasi kaming consultation hour na inilalaan para sa mga istudyante. Hindi ko siya mapasalita, insan. Panay lang siya, tango, iling at tingin sa malayo.

Sa mga nakaraang buwan nakikita ko pa siya pero sumunod na semestre, nawala na siyang tuluyan. Nakakahinayang. Susunod na kuwento ang suicidal na istudyante.


Ang iyong pinsan,


pinaysaamerika


,,,
,

No comments:

Post a Comment