Thursday, February 08, 2007

The Boy from Hell

Dear insansapinas,
Naalala mo yong kwento ko tungkol sa likot na bata sa Los Angeles?

Ito naman, bata sa pinas.

Kasi may kuwento na sa Russia ay inaabandona sa ospital. Dito sa San Francisco, puwede mong iwanan ang sanggol sa simbahan, sa harap ng ospital nang walang magtatanong saiyo, kung baga huwag lang papatayin baga.

Ang kaibigan ko diyan nagkaroon ng anak. Batang lalaki na nakuha niya sa ospital.

Professor ang aking kaibigan. Maputi siya dahil ang tatay niya ay purong Intsik. Kaya pag nakita mo ang kaniyang pinakikilala niyang anak, alam mong hindi niya anak yon.
Maputi siya, maitim ang bata. Singkit ang mata niya; dilat ang mata ng bata. Madaldal siya pero tahimik ang bata.

Ampon niya. Galing sa ospital na pinagtatrabahuhan ng kaniyang kapatid na doktora. Una, inuuwi lang niya para ipasyal. Sabi niya mabait, dahil hindi kumikibo. Iniwan ito ng nanay niya pagkatapos ipanganak. Sabi nila kalapati raw na mababa ang lipad. Siguro di na makalipad. Mataas kasi ang ospital na yon. *heh, kulit eh*

Tapos, iniuwi niya na. Tatlong taon ang bata. Matalim ang mata niya. Hindi ko siya nakitang ngumiti. Hindi naman siya bungi. Marahil sa matagal niyang pamamalagi sa ospital na wala siyang naituring na pamilya, hindi siya natutong ngumiti. Sabi ng kaibigan ko, kailangan lang niya siguro ang isang pamilyang magmamahal. Anong pamilya kaya sa isip ko eh dalaga siya? Pero sa isip ko lang yon. Tamad kong sabihin.

Minsan ay may party sa bahay ng kaibigan ko. Hanggang sa labas ang mga bisita. Ako naupo sa dining table. Pagod na ako nang kababalik-balik para kumuha ng pagkain. Upuan ko nga. Naramdaman kong may nakatutok na itak sa likod ko. Meron ba namang manghoholdap sa loob ng bahay na maraming tao. Hindi na po. Magdidiyeta na po ako. *heh*

Unti-unti ang paglingon ko. Eeek, yong bata. Gusto akong gawing tapa. Ayaw niyang ibigay ang itak. Wasiwas pa siya.Bakit naman ako ay gusto niyang hiwa-hiwain? Wala naman akong atraso sa kaniya. Hindi ko naman siya pinandidilatan. Nagkataon sigurong ako lang ang nasa kusina at baka akala niya uubusin ko ang pagkain. BURP. O napanood niya sa mga kungfu movies?

Isinumbong ko sa kaibigan ko. Sabi ko, masama ang vibes ko sa batang yan. He's full of hate.

Ngumiti lang siya at sabi niya siguro with full of love, magbabago siya.

Napasyal ulit ako sa kanila. Malaki na rin ang bata. May asawa na ang aking kaibigan. Marami siyang kuwento sa kasalbahehan ng bata. Sabi niya, natural lang daw yon. Isa pa KSP yata. Kulang sa Pansin. Ang takot ko baka pag nagka-anak siya, magselos at kung ano ang gawin sa anak niya.

Nakaupo ako na nakatalikod sa bintana. Wala silang screen. Silat na silat na salamin ang sarahan ng bintana.

Naramdaman kong may tumutusok na naman sa aking likod. Hee. Ang bata, may hawak na mahabang stick at inaabot ako mula sa labas ng bintana. Buti na lang di pa ako nakapagkape at hindi pa ako hyper kung hindi nahabol ko siya at nabitbit ng patiwarik.

Panay hingi ng dispensa ang aking kaibigan.

Napunta ako sa abroad. Nagkita kami ng magbalikbayan, pero di ko nakita ang ampon niya.

Sa e-mail, sabi niya. Tama ang aking vibration. Dalawang beses na nga raw nilang pinarerehab. Mabubuti naman ang mag-asawa. Wala na silang naging anak kung hindi ang ampon na yon. Wala nang mairereklamo na kulang siya sa pagmamahal.

Ang tatlong taong pamamalagi kaya niya sa ospital ang naging dahilan ng kaniyang peronality o talagang may dugo siyang maitim.

Huwag ninyo akong tanungin dahil ang alam ko lang na maitim ay ang dinuguan.

Ang iyong pinsan,


signature of pinaysaamerika


,,,,,,
,,,, , ,,,

No comments:

Post a Comment