Monday, July 18, 2005

Si Pinay at ang bagong kakilala

(Pagbabalik-gunita)
Sumandali nating iwanan ang aking balay. Kahit marami pang katarantaduhan akong ikukuwento tungkol sa bagong boypren.

Sa dami ng palapag ng gusaling aking pinapasukan, marami akong nakikilalang Pilipina na may mababait; may masusungit; may akala mo nabagsakan palagi ng bakal ang paa sa
tindi ng simangot sa mukha; may mga karinyosa na lahat na yata ng tao ang tawag ay darling at may mga supladita naman na bigla mong kukurutin ang sarili mo dahil parang hangin ka lang dumaan. Ang mga bruja, todo ignore sila saiyo. Sarap sympalin at tyapilukin.

May mga frwendly na panay ang muwah muwah ninyo pag nagkita sa hallway.

Karaniwan nagkikikita-kita kami sa canteen o kaya sa dining room na provided sa bawa't palapag. Pag nagkasama-sama ang mga baon, parang pot luck araw-araw. Kulang na lang ang karaoke, bigla siyang naging sing-along.

Dahil hindi ako nagluluto, sagot ko na lang palagi ang soda o kaya prutas.

May bagong dating. Mamah, kung bibilangin mo ang alahas sa katawan niya, puwede ka nang magtayo ng pawnshop. May pera. Pero bakit nagtatrabaho doon ng temp.

Mausisa nga. Siyempre, wala siyang kawala sa Reyna ng pinakatsismisera ng taon. Si Manang Rose Flowers. Oy di ko gawa gawa ang pangalan. Rose talaga ang pangalan niya. At siya ay Miss pa po. At hindi rin siya kalahating 'Merkano. Ang apelyido niya ay galing sa apelyido niyang Pinoy na Flores. Nang siya ay maging UScit, pinalitan niya ng Rose yong pangalan niyang Ignacia at Flowers yong Flores. Siya ang pinakasenior doon sa mga Pilipinang nagtatrabaho sa building.

Siya ang nagpakilala sa amin sa bagong dating. Siya si ano, limang taon na yan dito, ngiti si bagong kilala...siya si kuwan, sampung taon na siya dito, tango si bagong kilala..blahblah... Pagdating sa akin ay siya si ano mahigit pa lang isang taon...tanong kaagad siya. Legal ka ba ? Hanep na tanong yan.

Bigla akong buwelta. "Hindi, illegal ako, kaya pag may pumasok ditong INIS(immigration),pinapalitan ko ang aking mukha. May dala akong reserve sa aking bag. nyaahahaha."

Kung ako lang ay may buwanang dalaw ng araw na iyon, marahil, nahugot ko na ang aking
ID, hinawakan ko ang kaniyang leeg para hindi gumalaw at iwinagayway ko sa kaniyang mukha and ID. Pero ngumiti ako at tinanong kung bakit naman tinanong niya kung illegal ako o hindi.

"Balita raw niya kasi may nakakatrabaho doon kahit walang papel."

" Ow, (pabilog ang aking bibig) bakit may nakasulat ba sa aking mukha na ako ay illegal? "Malapit na akong mainis. Nanliliit na ang isa kong mata at mapula na ang aking isang taynga.

Kasi daw ako ang pinakamaiksi ang taon nang pamamalagi.

At sino naman ang titser niya sa Arithmetic na nagturo ng 1 plus 1 equals zero?
Aber, aber, aber.

Ngumiti ako. Ngiting matamis pero sa loob ay nagsasabi ng BOBA.

Sabi niya, mayaman daw siya sa Pilipinas. Ang kaniyang pamilya raw ay may-ari ng
Unibersidad.
Tinanong ko kung anong school.

Sinabi niya.

Sagot ko. Galeeng naman.

Tapos daw siya ng Accounting. CPA raw siya.

Sagot ko Galeeng naman. Tanong ko, di PICPAn ka pala.

Sagot niya HA ?

Natapos ang interogasyon.
Lahat sagot ko ay Galeeng naman.

Natapos na rin ang kainan. Nilapitan ako ng isang naiinis na kasamahan.
Bakit daw parang bilib na bilib ako sa mga sinasabi niya dahil panay daw ang sagot ko ng Galeeng naman.

Natawa ako.

Hindi mo naririnig ang karugtong noong sinasabi ko. ANG GALEENG mo namang magsingaling.

Tanong niya. "Bakit alam mong nagsisinungaling?"

Yong sinasabi niyang universidad, kilala ng aking pamilya ang may-ari. Kung totoo man na kamag-anak siya, marahil hindi mismo yong mag-anak dahil isa lang ang anak noon. Babae rin.

Sabi niya CPA siya. Nang tinanong ko kung PICPan siya, hindi niya alam kung ano yon.
Pag nakapasa ka sa CPA, magiging miyembro ka ng PICPA. (Phil.Institute of CPA).

"Bakit siya nagsisinungaling?"
"MAPA."
"Ano yon? " tanong ng kasama ko.

MALAY AT PAKI KO.
"Dapat Malaysia at Pakistan."

Oy vacla rin syha.

Saturday, July 09, 2005

Si Pinay at ang Pinsan ni Kabalay (Ulit)

Dear insansapinas,

Nagising akong mataas na ang araw. Napapaligiran ako ng mga balot ng
mga damit, aklat,sapatos at marami pang iba. Akala ko itinapon ako sa basurahan. Bumangon ako, tiningnan ko ang aking aayusin. Bagsak ako. Iniiisip ko pa lang ang gagawing pag-ayos, pagod kaagad ako.

Pero, maingay ang TV sa baba at tila may nagkakasayahan. Sumilip ako sa siwang ng hagdan. Wala akong makita. Marahil nasa dining room sila.

Bumaba ako kahit hindi pa ako nagshower. Hindi ko makita yong sabon ko eh.
Nasa mesa sila at nag-aalmusal. Dala raw ng kaibigan ni kabalay ang mesa at saka ang mahabang couch. Kumpleto na nga ang upuan sa sala. Aleluya, kami ay naging taguan ng mga lumang gamit ng kaibigan niya. Pag gsuto nilang bawiin, babawiin daw nila.

Pati ang TV niya nandoon na rin. Para bang ako ang umuupa lang sa kuwarto.

Nandoon din ang pinsan niya. ATTTTTTTTTTTTT pati retrato niya nakapatong sa side table.Nakangiti pa ang bruha. Sandali lokohan na ito.

Pinaalis ko muna ang mga bisita saka tinawag ko ang aking kabalay.

Sinampal ko kaagad siya ng TANONG. Akala ko ba aalis na ang pinsan mo?
Tatlong Linggo na raw. Kung pwedeng pagtiyagaan ko muna.
Binanggit ko yong pagsakop niya sa sala na halos wala na akong lugar sa aking mga gamit.

Pinsan daw niya kasi ang nag-ayos. Puwede ko raw pakialaman.

Dapat lang noh. Bisita lang siya. Gusto niyang maging interior decorator.

Hindi naman sa pagiging suplada pero dapat alam niya kung saan siya nakapuwesto.
Sa loob ng isang suitcase.


Para maalis ang aking inis, niyaya ako ni kabalay, pumunta sa Macy's. May sale daw ng mga beds. Less than 100 dollars yong day bed.

Wala pa akong credit card. Meron na siya.

Hige.

So pumili ako ng day bed. Kulay puti. Hindi pa pala jasama doon ang mattress. Mahigit isang daan.

Hige.

Yong daybed pala, di pa kasama doon ang spring board. Ngiiii

Noong sumahin total pati taxes, umabot ng mahigit 400 dollars. Wala pa diyan ang
comforter, unan at bedsheets. Taksiyapo.

Ganyan talaga pag bagong salta. Hindi pa alam ang legal na panloloko ng mga merchandiser. Kaya ulit-ulit na nakakta ako ng kotseng ipinagbibili ng 1,500 dollars, sabi ko lokohin nila lelang nila Tsee.

Pinaysaamerika

Friday, July 08, 2005

Pinay at ang Paglipat

Dear insansapinas,
Sabado,
Wala akong pasok. Nakalipat na lahat ang gamit ni Kabalay. Inarbor ko yong
trak ng kaibigan niya para magamit ko paglipat.

Ahem. Alam na ni French na lilipat na kami. Nagvolunteer tumulong pagiging kargador.
Ayaw ko na sana dahil minsan niyaya niya akong dalawin ang isang matandang babaeng kaibigan niya dahil Pilipina rin daw at napakabait sa kaniya. Yon pala pinakakaliskisan ako. Ano ko, manok? Tiktilaok...

Pero ang nagigipit daw, kumakapit kahit sa kutsilyong pampahid ng tinapay.

ahehehe

Hige.

Habang hakot nila sa bagong tirahan ang aking mga gamit, ako naman ay naiwan sa lumang bahay. Ako ang nag-iimpake at naglinis nang maiiwanan. Tapos na silang maghakot nang hinanap nila ako sa itaas. Kasi sabi ko hintayin na lang ako doon at ibibigay ko lang ang susi. Sa pagod ay nakatulog pala ako sa sahig. Parang yong bagong dating ako.
Naalimpungatan pa ako nang bumangon dahil sa katok sa kuwarto ko.

Nang tumingin ako sa paligid, muntik na akong magsisigaw...nang magnanakaw...nasaan na ang aking mga gamit...Nakalimutan ko pala na naglipat na kami. Woooo. iba talaga
ang biglang gising. Naiiwan pa ang kaluluwa sa higaan. Sandali magising din nga.

So, paalam, paalam...para bang ang layo-layo naman nang pupuntahan eh wala pang limang minuto pa nagdrive.

Hindi muna ako umakyat sa aking kuwarto. Nasa baba sa kabalay at naghanda ng
makakain para sa mga tumulong sa paglipat.

Nakaayos na rin siya sa salas. Nailagay na niya ang mga retrato sa dingding.
Mga retrato niya. Hindi nagtira ng espasyo para sa akin. Ako pa naman ang major tenant at sub-tenant ko lang siya.

Pagkatapos na umalis ang mga bisita, umakyat na ako sa kuwarto ko. Daming gamit na nakatambak. Hindi ko makita ang carpet. Doon pa naman ako matutulog ngayong gabi
dahil wala pa akong bed.

Kinuha ko ang dalawang balot ng damit, siya kong ginawang kutson.

Bago ako nakipagsabayan ng paghilik sa lakas ng TV ng aking kabalay sa
ibaba, parang may narinig akong dumating.

Pero pagod ako, antok pa, bukas ko na lang uuriratin.

ZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZ

Pinaysaamerika

Tuesday, July 05, 2005

Si Pinay at ang Bagong Balay

Dear insansapinas,

Nakahanap na nga ng bagong bahay si Kabalay. Nakausap na niya ang may-ari. Pinatatawag siya pagkatapos ng tatlong araw. Tatawag pa yon sa kaniyang
employer. Titingnan kung sapat ang kaniyang kinikita para makabayad sa upa.

Naghanap din ako nang malilipatan. Pag umalis ang aking kabalay, wala na
akong matinog makakasama. Hindi na ako matino, mwhehehe.

Pagkatapos ng tatlong araw, tumawag ang may-ari ng bahay na gusto niyang
lipatan. Rejected siya dahil hindi sapat ang kaniyang kinikita. Maganda
ang lugar. Dalawang kuwarto, isang malaki at isang maliit. Isang
garahe at mayroon pang paradahan sa labas. Malayo sa main road kaya hindi
delikadong magparada ng kotse sa labas.

Tsssk tsssk sayang. Pero bigla siyang nag-isip. Bakit di ko kunin.
Tapos, uupa siya sa isang kuwarto. Tanong ko, paano ang pinsan mo?

Uuwi na raw sa Pilipinas yon. Magbabakasyon lang uli sa kaniya ng ilang
Linggo tapos uuwi na kasi mag-eexpire na ang visa niya na hindi narenew.

Hige.

Kaya takbo ang beauty ko sa landlord at landlady. Nars ang babae at
retired US navy si lalaki.

Approved ang aking application. Ako ang main tenant. Libre tubig,
garbage fee. Kuryente, cable, gas at telepono, amin ang bayad.

Hige.

Naunang maglipat si Kabalay kasi libre siya ng weekday. Ako
weekend pa at manghahalbot pa ako nang tutulong na magbibitbit
ng aking mga abubot.

Marami ang damit ko. Refrigerator na maliit, TV na maliit, radyo na maliit
pati couch ko maliit. Wala akong bed kasi provided kami ng bed sa lumang
balay at sangkatutak na libro. Sa isang taon kung pamamalagi dito, laman
ako ng library, second hand bookstore at raider ng mga garage sales
sa tabi-tabi. Karamihan, libro ang nabibili ko. Nagsubscribe pa ako
sa isang Daybook club.

Pag bago kang dating , amoy ka ng mga ganitong mga publisher na
papatol ka sa kanilang $ .99 per book, brand new para lang mag-apply
kang maging member. Ikaw naman na bagong salta't kalahati kaagad. Biruin mo
sina John Grisham, Mary Higgins Clark ay $.99 lang. Barat sale di ba.

Pero pagkatapos nang unang order mo, dating na ang mga sumunod na kopya.
Maibabato mo sa mahal. Ipadadala pa saiyo by mail at puwedeng ibalik pag
ayaw mo, provided, hindi mo binuksan ang package.

Dating na dating ang libro, panay naman ang balik ko sa Post Office hanggang
sabi ng Post Office, hindi na sila tumatanggap ng mga return na ganoon.
Kung gusto ko raw ay putulin ko ang subscription ko. Taksiyapo. Inistress
pa ako ng publishing companies na yon. Loko, putol ang subscription ko.
Bakit ako magbabayad ng cloth bound novel sa halagang 15 dollars na pwede ko namang bilhin sa paperback ng wala pang $3.

Ano sila sinuswerti. Hoyyyyy, babaeng barat ito.

Hmmm. mabalik sa paglipat. Kaya lang, buti yata bukas na.
Magluluto na ako ng hapunan. Lalagyan ko naman ng kamatis yong
sardinas ano.

I shall return. Pramis.

Pinaysaamerika