Friday, November 05, 2004

Si Pinay at si DawnDon

Dear insansapinas,

Napakaganda sa labas ng bahay bakasyunang yon.
Lumabas ako sa balkonahe para malasin ang
luntiang kapaligiran at ang bundok na sa winter
ay magiging puting bundok dahil sa yelo.

May nauna na sa aking isang babae. Nakatalikod
siya pero ang mahaba niyang buhok na hanggang
baywang ay malayang pinapagaspas ng hangin.
Balingkinitan ang kaniyang katawan. Naninigarilyo
at tila malayo ang iniisip.Parang nakita ko ito
sa pelikula kung saan si Dawn Zulueta ang bida.

Humarap sa akin ang babae.Accck kkkkkkkkkkkkk.
Hindi pala siya si Dawn, kung hindi si DONDON.
Isang lalaking nurse na kaibigan nina J. Hindi
pala lalaki…kung hindi masayang hindi lalaki…
in short…gay.

Pero hindi siya kagaya ng ibang gay na malandi.
Reserve siya at napakahinhin. Kung

Hindi lang sa mahabang buhok niya , imbay
ng kaniyang balakang at pilantik ng kaniyang
daliri pag uminom ng kape, hindi mo aakalaing
gay siya.

Nagkahulihan kami ng loob. Marahil dahil may
pagkabakla rin ako. Ahahay.

Alam na niya ang kuwento sa akin. Kay Ache
nanggaling ang balita. Siya ang
TFC ng bayan. Pag sinabing huwag mong ikuwento,
para kang nagsalita sa programa ni Boy Abunda.
Kung gusto mong makasagap ng tsismis, tawagan
mo lang siya, nakahello ka pa pa lang nasa chapter
9 na siya ng nobela kung sino ang naghiwalay,
nag-away at may nabuntis na anak na tinedyer.
Kesehodang talo ang cable internet sa
bilis.

"Ikaw naman,what’s your story ?" tanong ko
kay Dondon.

Kumukuha siya ng Engineering noon sa Menila.
Yon ang gusto ng Tatay niyang isa ring engineer.
May mga guwapo sa klase niya kaya nag-enjoy din
siya. Isa rito ay si Ray. Minahal daw niya si
Ray ng buong kaluluwa. Siya ang tagagawa ng
kaniyang mga assignment. Tagabili rin
siya ng kaniyang mga gamit.

Naging alipin siya ng pag-ibig ng isang
mapagsamantala.Wala sa kaniya yon. Kung
maibibigay lang sana niya ang bituin,
Sanay ibinigay na niya.kung maibibigay
sana niya ang buwan, sana ay sinungkit na
niya. Errrm parang nabasa ko na ito sa
komiks.

Hindi alam ng kaniyang ama na ang lip balm
niya ay Elizabeth Arden Lipgloss. At
ang kaniyang brief ay low cut bikini.

Ang isa niyang kapatid ang nagbuking sa kaniya.
Halos sumara ang kaniyang mata sa bugbog na
inabot niya sa ama.

Naglayas siya at di na bumalik sa bahay nila
hanggang tumulak siya sa Estados Unidos.
Tumuloy siya sa kaibigan na nagtatrabaho sa isang
beauty parlor. Sa gabi ay nag-aral siya ng Nursing.
Habang may student visa, maari siyang magtagal
sa Estet. Nang matapos siya ay tamang tamang
may amnesty na ibinigay ang gobyerno. Nagkaroon
siya ng papel.

Tinanong ko siya bakit tila siya malungkot.
Dahil ba sa pag-ibig niyang naiwan sa Pinas?

Nakalimutan na raw niya si Ray. May bago na
siyang partner. Isa siyang Puti, si Gary.
Matikas at matipuno ang katawan. Inginuso niya
sa akin ang isang lalaking naglalaro ng baraha.

“Day, kabaro rin natin siya, “ sabi niya sa
akin sabay pitik ng abo ng kaniyang sigarilyo.

“Ano ?" gulat kong tanong.

“ Totoo yan.sister. Walang straight na
papatol dito sa katulad namin".

“Ow.Eh bakit ka malungkot ? "Pilit kong iniba
ang usapan.

“ May sakit ang father ko. Hindi pa rin niya
ako pinatawad sa pagkakalayas ko.”

“Humingi ka ba ng tawad?" Tanong ko .

“Hindi.” Sagot niya." Hindi pa rin niya ako tanggap."

“Nilapitan mo na ba ?” tanong kong muli.

“Hindi.” Maikli niyang sagot.

"Lumapit ka.Humingi ka ng tawad. Pag ibinalibag
saiyo ang kama niya,ibig sabihin
Noon,hindi ka pa pinatawad. Pero sasabihin
ko saiyo, walang magulang ang nakakatiis
sa anak lalo na kung may dala kang berde."



Pinaysaamerika

1 comment: