Monday, October 25, 2004

Si Pinay sa New Jersey

Dear insansapinas,

Pabalik ako ng California. Kailangan daw ako sa opit. Sobra na raw ako. Pero
napakamahal ng ticket pabalik pag walang 21 days ang pagbili. Ang presyo ay katumbas na ng ticket na pauwi sa Pinas, nakaliwaliw na sa Boracay at nakapamudmod na ng spam at tsokolate sa mga sasalubong sa erport.

Habang iniisip ko kung ako ay lilipad o maghihintay ng tatlong Linggo pa ay
nakatanggap ako ng tawag kay D. Kaklase ko siyang kahawig ni John Denver.
Blonde ang buhok niya at kung hindi lang paborito niyang sabihin ang:
“Tang !@#$% naman,gutom na ako, hindi pa ba tayo kakain"hindi mo sasabihing Pinoy siya. Mistisong Kastila siya,pero US citizen na pinanganak at lumaki sa Pinas.

Matalik kaming magkaibigan kaya maraming naghinala na kami ay may
kaugnayan. Pero doon sila nagkakamali. Puputi ang uwak pag nangyari yon. Araw at gabi kaming magkasama tuwing meron kaming tinatapos na thesis o project siyempre kasama ang aming mga kagrupo. Kadalasan ay sa bahay nilang malaki sa Quezon City kami nagkikita-kita.

Magkatabi kaming matulog…….. sa likod ng klase ng boring na propesor.
(Kadumi ng isip ninyo).

Iniimbita niya ako sa NJ. Pinadalhan niya ako ng ticket at pinangakuan
na bibigyan niya ako ng ticket pauwi sa California.
Tumatanaw siya ng utang na loob na kahit siya ay nakakatulog,
mayroon siyang thesis na natatapos. Ahem.

Tuwang-tuwa siya nang makita niya ako, pati na ang kaniyang asawa.
Ahaaa siya pala, siguro sabi niya. Nag-asawa kasi ang kaibigan ko
isang taon pagkatapos niyang lumipad sa Estet.

Tuwang tuwa rin ang kaniyang mader dahil naalala niya na ako lang
ang nagsasabi ng masarap ang niluto niya para sa aming mga
nagpupuyat. (Sa totoo lang wala talagang lasa. Hehehe)

Tuwang-tuwa rin ang kaniyang biyenan kasi may makakasama siya
sa buong maghapon na wala ang mga tao doon sa bahay.

Para ako malibang, tinambakan nila ako ng paperback.

May araw na ubos ang Kleenex sa dresser sa guest room dahil sa
kaiiyak ko sa nobela nina Barbara Taylor, etc.

May araw na ang feeling ko ako ay ispeya, kaya pati ang
bolpen na ginagamit ko ay pinaghihinalaan kong gadget
para mamonitor nila kung ano ang ginagawa nila. Pati ang
walang kakibo-kibong porselanang pusa ay sinilip ko
ang ilallim dahil baka may “bug” na inilagay.

May araw na malakas kong binabasa ang mga salita
at pinapraktis ko ang aking accent. Pleeeeen, meeeen,
Greeendd…..

Sa natapos kong isang balikbayan box na paperback, masasabi
ko na karamihan sa mga author ay nirerecyle lang
ang kanilang nobela.

May mga nobela na sinulat ng isang author sa ibang pangalan.
May mga istorya na hindi talaga ang author ang sumulat
kung hindi ginagamit lang ang pangalan ng sikat ng manunulat
para ito ay mabili. Ang writing style ay iba na.

Minsan pag sawa na akong magbasa, pinagdidiskitahan ko ang
kaisaisang hitong lalangoy langoy sa aquarium.

Tinatakot ko siyang iihaw pag hindi siya gumagalaw.

Anong nangyari sa akin?
Yon ang panahong marami akong oras pero wala akong
magawa.

Bersdey ko. May dalang maliit na keyk ang aking kaibigan.
Kinantahan nila ako ng Happy Birthday.

Hindi tumulo ang aking luha. Hindi pa nakita
ng aking kaibigan na ako ay umiyak.

Baka mamatay ang sindi ng isang kandila.

Sa isandaang kaibigan, may dalawa o limang tunay.
Mahalin natin sila.

Pinaysaamerika

No comments:

Post a Comment