Dear insansapinas,
Dalawang araw lang ang nakuha ko na ang aking SSS ID.
Tuloy ako sa Department of Motor Vehicles para mag-aply ng State ID.
Oo Birhinya,imbes na lisensiya ng mga hindi nagdadarive ang ini-issue ng
DMV na katulad nang iminumingkahi diyan sa Pinas, State ID ang ibinibigay.
Habang nandoon kami ay pinilit din ako ng aking kasama upang kumuha
ng written test para sa driver’s license.
Ano siya, sobrang bilib sa akin na kahit hindi alam ang mga rules and regulations
ng driving ay papasa ako sa written exam?
Bilib din siguro ako sa sarili ko dahil napilit din niya ako. Tsee.
Ang mga tanong eh, gaano kalayo dapat pinarada ang kotse sa bangketa ? Multiple choice naman. Pinikit ko ang aking mata at inisip ko kung dapat nga ganoon kalayo.
Sa madaling salita,nabawasan ng isang kutsarita ang bilib ko sa sarili ko. Malaking F ang inilagay sa aking papel.Sobra sa limang mali kaya bagsak.
Pinakukuha ulit ako ng kasama ko bago kami bumalik sa opisina.
Binigyan niya ako ng tatlong kopya ang mga exam papers na nacorrect na.
Maari kung reviewhin para raw malaman ang tamang mga sagot.
OKEDOKE. Matindi talaga ang bilib ng “batang “ ito sa akin. Siguro kung ako
Ay miyembro ng Viva Hotbabes, magtatayo ng fans club sa akin at siya ang Presidente.
Tatlong attempt ang ibinibigay sa mga kumukuha ng test.
Kumuha ako ng ikalawang beses. Sa isip ko ay hindi ko kailangan si St. Jude para ako
pumasa.
Pasado nga. Tuwang tuwa ako. Susunod ay ang actual driving test. Pero kailangan kong
kumuha ng driving tutor para turuan ako ng wastong pagdadrive ditto sa Estet. Saka na.
Pabalik sa opit ay dumaan kami sa store kung saan pinadevelop ko ang mga retrato sa LA.
Wala pa raw sabi ng sales clerk. Tapos ay tinalikuran ako. Inamoy ko ang sarili ko.
Amoy bagong salta ba ako at ako ay hindi iniintindi nitong sales clerk o ano ba
ang problema niya sa bahay?
Marami akong oras para pakilaaman ang buhay niya. Sabi ko pangako nila na makukuha ko ang mga retrato. Bakit wala? Pwede bang pakiespleka kung ano ang pangyayari?
Wala pa raw yong mga retrato na galing sa developer. Bakit nga? Kulit ko.
Tatlong araw na iyon samantalang ang binayaran ko ay one-day developing. Marunong ba silang magbilang? Taray.
Tiningnan ako ng aking kasama ng may paghanga. Kung may hawak lang siyang sampagita,siguro naisabit na niya sa akin.
Hiningi ko ang supervisor. Siya raw ang supervisor. Ahaaaa. Hiningi ko ang Manager.
Lumapit siya.Puting babae na tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Tiningnan ko siya mula paa,huminto ako sa may baywang, hinanap ko wala, saka itinaas ko ang aking
paningin. Nakatingala ako sa kaniya.
Pinaliwanag ko ang problema. Bakit sabi ko maglalagay sila ng one-day developing
kung tatlong araw pala ay hindi rin makukuha. Alam ba niyang nagbiyahe pa ako
mula Walnut creek para lang kunin ang retratong yon? Tindi talagang magpaguilty.
Sabi ng manager ay wala siyang magagawa. Kasalanan ng developer. Pinatingnan ko
kung kailan pinick-up ng developer. Kahapon lang daw. Ahaaa, bakit kahapon lang.
Sa pangungulit ko ay nalamang kung hindi naisama ang aking mga negatives sa unang
batch na pinadala sa developer. Kasalanan ng store.
Walang apology ang manager.Bumalik na lang daw ako.Sabi ko hindi ako babalik pero susulat ako sa Better Business Bureau para sila ay ireklamo.
Biglang nagbago ang hihip ng hangin. Sabi ng manager ay sorry for the inconvenience.
Kung gusto ko raw ay ibigay ko ang address at i-memail niya ang photos.
Sasamahan pa niya ng libreng rolls ng film.
Hindi naman ako mahirap kausapin.
Sabi ng kasama ko, galing mo talaga.
Inilbre ko siya sa Burger king.
Pinaysaamerika
No comments:
Post a Comment