Sunday, October 17, 2004

Si Pinay at Roadrunner

Dear insansapinas,

Bago ako nakakuha nang driving test, pinalipad na muna ako sa LA. May audit ang aming opisina at ang Accountant naming ay lumipad biglaan sa Canada. Na-aaproved ang immigrant visa ng kaniyang buong pamilya sa Canada.

Hindi ako tumuloy sa apartment ni N. Puno na raw sila. Inilagay nila ako sa isang apartment na kasama ay dalawang Pilipina rin. Ang isa ay nakalive-in sa isang matanda.ANOH, may kalive-ing matanda ? Marumi ang aking isip. Kailangan kong magshampoo kinabukasan. Hee.

Ang ibig palang sabihin ng live-in ay doon siya nakatira sa matandang inaalagaan niya. pag Sabado at Linggo lang siya umuuwi sa apartment.

Ang isa naman ay nag-eescort ng matanda. Bago ko ginulo ang aking isip kung ano ang
hitsura ng escort girl na ito, kung seksi ba at may silicone na dibdib, tinanong ko muna si N kung anong sabihin ng escort girl.
Yon pala ay sinasamahan ang mga matatanda pagpunta sa doctor’s appointment, sa pagshopping o kaya sa pamamasyal. Ang matatandang ito ay nakakapaglakad pa naman at di kailangan ang private nurse pero kailangan nilang may kasama pag lumalabas ng bahay. Ang mga sumasama sa kanila ay tinatawag na escorts.

Haay, buti na lang at natanong ko bago ko pinaglunoy ang aking utak sa putik ng paghihinala.

Gabi na nang dumating ako sa apartment at wala pa akong gagamitin sa pagtulog. Walang kama, walang kumot at walang unan. Dumating si T at ako ay inilabas para kumain at para tuloy makabili ako ng kahit na plastic na baso. Mabait na bata. Kakukuha lang niya ng credit card at bininyagan naming sa pamamagitan ng pagkain sa isang Filipino restaurant. Napakaguwapo ng mga waiter. Napalaki tuloy ang tip ni T. Ahahahay.

Balik kami sa apartment. May dinalang isang mattress si N, isang lumang comforter
at unan. Pasensiya raw muna. Kung gusto ko raw samahan niya ako bukas bumili ng gamit. Tenk yu, sabi ko, pero hindi pa ako sigurado kung tatagal ako roon. Hindi ako sanay na nakabuyangyang at hindi ako marunong magluto. Helppppp.Isa pa ay kailangang
kung lumipad sa East coast. Personal na dahilan.Total matindi ang audit at past year financials ang inaudit. Kailangang humarap ay yong dating humawak ng libro.

Dumating yong aking roommate. Isa siyang matandang dalaga. Mabait at nag-iisa na
sa mundo. Habang ang isip ko ay namumuni-muni bakit ako nasadlak sa lugar na iyon, ikinuwento niya ang kaniyang buhay.

Napunta raw muna siya sa Saudi as domestic help. Tapos isinama siya ng amo niya sa London. Nang lumipad ang pamilya sa Estet, isinama siya. Isa siyang kaladkarin. Nakakilala siya ng isang Pinoy.Rumingding ang kaniyang puso kaya kahit wala pa siyang papel ay iniwanan niya ang kaniyang amo. Nakisama siya sa Pinoy na jump-ship. Ang jump-ship ay ang mga Seaman na hindi na umaakyat uli sa bapor at nagttnt na sa Estet.
Pareho silang walang papel.Si lalaki pala ay naghahanap lang ng magpapakain sa kaniya habang naghahanap siya ng isang US citizen. Nang maubos ang tipon ng matanda, iniwanan niya at nakisama naman sa isang Pinay na citizen. Hitsura ni Caridad Sanchez na umiyak ang matandang dalaga. Kung hindi lang daw pangit siyang babagsak sa freeway, disin sana ay tumalon na siya. Naisip ko magpapakamatay na lang, iniisip pa ang kaniyang anyo. Tiningnan ko siya, hindi naman siya mukhang kumedyante. Pero naawa ako sa kaniya. Hindi ko alam na may mga Pinay pala sa Estet na kawawa ang sinapit sa kapwa Pinoy.

May bago naman daw siyang crush. Gusto kong kumanta ng DI NA NATUTO. Kaya lang
baka magalit si Gary V.

Kinabukasan ng gabi ay sinundo ako ng aking brader. Sa kanila muna ako tutuloy habang hinihintay ko ang ticket papunta sa East Coast. Sinundo muna namin ang aking
pamangkin na nag-aaaral sa UCLA. Dala-dala namin pauwi ang kaniyang pc, ref, at maraming maruming damit. Sem break at siya ay uuwi muna sa bahay.

Malaki ang bahay nila sa isang bagong subdivision.

Sa likod ay malawak na katalahiban. Minsan ay nakatanaw ako sa labas ng pintong
salamin. May nakatingin din sa akin. Isang ibon o tila ibon. Mukha siyang si Roadrunner.
Si roadrunner nga. Akala ko pa naman ay malaking ibon yon. Hinintay ko si coyote. Wala. Baka naman nandito rin si Elmer at si Watsss up Doc.

Epekto lang siguro ito nang panonood ng video ng aking pamangkin na may collection
ng mga cartoons at Disney movies.

Dumating ang araw nang pag-alis ko papuntang Boston. May mga bago akong gamit na
Inilagay ko sa isang balikbayan box. Sabi sa akin noong na sa counter. Filipina heh ?
Nakatingin ang lintek sa aking box. Tsee.

Pinaysaamerika

1 comment:

  1. ate ingat po kayo sa estet, ok na po ba ang driving nyo?

    ReplyDelete