Thursday, September 30, 2004

Si Pinay ang Soap Opera

Dear insansapinas,

Inabot sa akin ni T ang telepono. Isa kong kakilala sa Pilipinas na naunang pumunta
rito sa Estet.

Tinawagan ko siyang minsan pag-aakalang ganon lang kalapit ang lugar niya sa LA.
Gusto ko kasing magkita kami at magkumustahan. Pero pinagkaila siya ng kaniyang anak
na wala doon.

OO Birhinya, siya ay may-asawa at may anak. Sa totoo lang, nasaktan ako sa pagkakailang yaon dahil katatawag lang niya.

Balik-gunita.
Kaibigan siya ng aking kaibigan. May ginawa siyang business plan na gusto niyang ipakita sa akin. Isang proyektong pagtayo ng kindergarten school.

Marami pang tatapyasin at idadagdag. Depressed siya ng mga panahong yon. Hindi na
siya sinusulatan ng kaniyang asawang nars na nasa Saudi. Naiwan sa kaniyang pangangalaga ang kanilang mga anak.Balak niyang magresign sa trabaho dahil sa kasong
Dinala ng kaniyang tauhan.

Maawain ang aking puso. Tinulungan ko siya. Pag resign niya ay inerokemenda ko siya
Sa aking kaibigan. Naitayo niya ang kindergarten school.Nakilala ako ng kaniyang mga anak. Bumalik ang kaniyang asawa sa Pilipinas nang ang kanilang aplikasyon sa immigrant visa ay naprubahan.Muling nabuo ang pamilya niya. Natuwa ako.

Hanggang dito sa Estet ay sumusulat pa siya. Ang hirap daw maghanap ng trabaho pag bago pa lang, samantalang ang asawa niyang nars ay malaki na ang suweldo.


Balik LA
Nagkita kami sa isang restawran. Malungkot siya, habang napakadaldal ko. Hinihintay
Kong imbitahin niya ako sa bahay nila para naman makita ko ulit ang mga bata.

Lalong lumungkot ang kaniyang mukha. Nagkaroon daw ng gulo sa bahay nang tumawag ako. Sinumbatan daw siya ng kaniyang asawa na baka raw siya ang dahilan nang pagpunta ko sa Estet. Baka raw pera pa niya ang ginamit ko pagpunta rito.

Mahilig siguro sa pelikula ang kaniyang asawa. Kaya may mga kuwento siyang nahahabi.
Gusto kong maluha pero walang malapit na kamera. Ayaw ko naming bumunghalit ng iyak kahit mabigat ang loob ko dahil baka matalo ko si Sharon sa Crying Ladies.

Ipinagtanggol daw niya ako dahil alam niyang hindi totoo ang ibinibintang ng kaniyang asawa. Kung mayroon babaeng dapat siyang igalang ay ako dahil sa tulong na ginawa ko
Sa kanilang pamilya.

Sabi ko selos lang yon. Ang mga nagseselos na babae ay nawawala sa tamang pag-iisip.
(Ang gusto kong sabihin. Insecure lang siya kaya siya nagseselos).

Nagpasalamat ako sa kaniyang pakikipagkita sa akin. Habang nasa bathroom siya ay
Kinuha ko ang aking directory. Nilagyan ko ng note.DNC. (Do not call).

Bumalik ako sa opit.Ang pakiramdam ko ay galit ako sa mundo. Tapos kang tumulong, masama pa pala ang inisip saiyo.Pag may nagkamaling sumagi ng kahit isang hibla ng buhok ko ay makakatikim sa akin. Sabi noong nakasakay ko sa elevator, gusto raw niya ang suot kong
Damit. (Sa isip ko lang: Anong gusto mo,hubarin ko).

Sa opit ay tinanong ako ni T kung how was my date ? Okay lang, pinakain ako.
(Sa isip ko lang…bwhuhuhu).

Pinaysaamerika

Wednesday, September 29, 2004

Si Pinay, Batang Likot at si Gabby Concepcion

Dear insansapinas,

Busy ako sa opit maghapon.Babalik na kami ng San Fransisco ng Biyernes kaya
inupuan ko yong dapat kung tapusin. Type,print,collate ang ginawa ko.
Maayos kong inilagay sa ibabaw ng aking desk ang mga salansang papel.

Tahimik ako sa aking opit nang may pumasok na tsikiting. Anak ng isang empleyado.
Inihahatid ito ng ama para isabay na sa pag-uwi ng kaniyang asawang empleyado namin pagdating ng alas singko.

Kaya,parang playground niya yong aming opit.

BatangLikot:"What’s this for?" Sabay abot ng pointer ko. Tapon yong soda na nasa paper cup.
Basa ang matagal kong pinaghirapang isulat ng dalawang oras.
Umakyat ang dugo sa aking ulo. Kung papel lang siya ay napagugutay-gutay ko na siya; kung pizza lang siya ay nakain ko na siya pati yong thick crust. Tiningnan ko yong nabasang papel. Ang dami. Isama na yong karton ng pizza.

Dating yong nanay. Inilabas ang pakialamerong bata.

Wala pang limang minuto bumalik na naman. Pandidilatan ko sana pero pumasok ang nanay at hinila ang bata. Nagpabeautiful eyes ako.

Sampung minuto, wala.Haay salamat.Pumasok si T.
T: Sino ba ang nag-imbento ng bata?
Pinay: SShhh . Baka sabihin kaya lang galit ka sa bata dahil wala kang boyfriend.

T:Hoy kung ako ay mag-aasawa at ganiyan ang anak ko, itatali ko nang patiwarik.

Pinay :Bakit ano bang kalikutang ginawa ?

T:May kausap ako sa telepono,bigla siyang nasalabid doon sa kable kasi inaabot niya
yong aking relos na Garfield sa ibabaw ng monitor.

Ang pakiramdam ko ba ay nagkabasag-basag ang kausap ko.Nawala ang linya at basag ang relos ko.Gusto kong banatan.

Pinay :Hoy bawal ang manakit ng bata. Isumbong mo sa nanay.

T:Hmmp huwag na. Maging sanhi pa yan ng away naming.

Pumasok si N.

N:Pweh pweh pweh. Pinay: Bakit?.

N:Sino ba ang idiot na naglagay ng maraming kape sa
Coffee pot.Gusto ko nga black pero hindi naman
yong matapang masyado na bubuntalin ang dibdib
mo.
Nagkatinginan kami ni T. Yong batang malikot lang naman
Ang napunta sa kitchen.

N: Siyanga pala T, may tumawag .Tinatanong kung alam mo raw ang
pinaksalan ni Gabby Concepcion.

Pinay: Di ba si Sharon ?

N:Hindi,may pinakasalan dito sa Estet yan. Kilala
ni bossing.

Pinay: Baka tsismis yan.
N:Ang tsismis yong nababalita sa Pinas. Dito totoo. Ang mga nalalaos na artistang lalaking nag-aasawa kung hindi sa papel ay dahil kulay berde ang mukha ng pinakasalan nila.

Masarap pa sana ang tsismisan pero sumilip ang
batang-likot.Parang gusto kong guluhin ang mukha
niya at sabihing ang cute niya (biglang pasok ulit yong nanay).
li

Diclaimer:Sa pagsulat po ngkuwentong ito ay
walang nasaktan na bata, hayup o tao.

Pinaysaamerika

Tuesday, September 28, 2004

Si Pinay at ang Maalala Mo Kaya

Shopping ang therapy ng bossing ko. Pag bukas pa lang ng Macy’s ay nandoon na kami.
Dala-dala niya ang maraming damit at outercoat na may tag pa. Sandali, nakita ko yong damit na suot niya sa Lake Tahoe. Hmmmm, isosoli niya ? Saka bakit may tag pa yon ?

Gawi pa la nang iba yon. Ang bumili at magsoli ng mga items basta nandoon pa rin
ang resibo o kaya maari pa nilang makita sa computer ang item.

Kung nahihimbing siguro ang bossing ko ay dalawang tunog lamang ang puwedeng
magpagising sa kaniya, ang tunog ng slot machines at ang tunog ng cash register sa check out counter ng department store.

Isa pa gusto niya akong makausap nang walang nakakarinig. Alam niyang hindi ko gusto ang ginawa niya kay S. Kahit magiging empleyado niya lang ako, ilag siya sa akin.
Siguro may personalidad ako na kinatatakutan nag ibang tao. Tahimik ako pero pag may
ayaw ako ay hindi ko pinalalagpas ang pagkakataon para sabihin o kaya iparamdam
ang hindi ko pagsang-ayon. Kung minsan siguro nasa body language ko ang aking pagkondena sa isang maling bagay.Ang aking personalidad nga raw ay Tea.(tingnan sa
blog ni Dr. Emer ang personality test na ito.)

Kagabi ay nagkakandatuwad sila ng salitan ng pagkuwento ng katatawanan.Maliban
sa pagtaas ng kilay, pagngiwi ng aking labi, wala silang narinig na halakhak sa akin.

Niyaya ako ni bossing kumain sa isang Filipino restaurant na tahimik. Naramdaman ko na gusto rin niyang buksan ang kaniyang dibdib. Susmaryakapra,feeling ko si Charo Santos ako. Sa Maalala mo kaya. Lahat ba sila magkukumpisal sa akin.

Masakit daw ang ginawa niya kay S. pero sukdol daw ang tampo niya rito. Isa siyang pinagkatiwalaan niya nang pagpapatakbosa negosyo at balita niya ay nililigawan ito ng kakumpetensiya niya para maging partner sa parehong negosyo.

Ahhh, sabay subo ko ng piraso ng kare-kare.

Anak daw si S ng isang matanda na kumupkop sa kaniya nang mabuntis siya at iwanan
Ng lalaking ng kaniyang dalagang anak niya ngayon.

Ahhh,yon pala eh…subo ako ng pirasong hipon.

Ginantihan naman daw niya iyon sa pagkupkop kay S nang dumating siya rito sa Estet.
Samantalang siya raw nang dumating dito ay walang kamag-anak.Hindi ko na kailangang ikuwento sainyo ang iba’t ibang pamamaraan upang makapunta rito.
Iba’t ibang pamamaraan upang manatili dito sa tulong ng mga ahas.

Oo Birhinya, ang ahas ay hindi lang sa gubat. Marami rin sa maga airconditioned na opisina.May itim, may puti, may kayumanggi ay may dilaw.

Nag-asawa siya ng Puti at nagtrabaho sa isang opisina na ang negosyo ay katulad nang
sa kaniya. Ang non-competition clause ay dapat may taning kagaya nang pagkatapos ng isa o dalawang taon, maari nang magtayo ang empleyadong umalis para magtayo ng kaparehong pinagkakakitaan.

Ikapito na ito na umalis sa kaniya. Nagtayo na ng sariling negosyo ang mga dating
empleyado.Kasama doon ay ang mga kliyente niya.

Ayaw na raw niyang idemanda. Masyadong magastos at sayang ang oras. Ito si S ang ginugulan niya ng oras para turuan dahil inako niyang parang kapatid.

Tanong niya sa akin kung masisisi ba siyang magtampo.

Ahhh ? Sandali,nalunok ko yong buong bokchoy. Parang ahas itong dumulas sa aking lalamunan.Ulkkk.

Medyo nabawasan ang inis ko sa kanya.Napag-isip-isip ko na kailangang marinig muna
talaga ang panig ng dalawang nag-aaway bago maghusga.

Naintinidihan ko siya sabi ko. (At masarap ang kinakain ko ). Ang buhay sabi ko parang kare-kare. Iba-iba ang sahog. May asin,may peanut, may bagoong at mainit na apoy ang iniluluto. Pero para kumain, kailangang palamigin. Kaya dapat palamigin niya ang kaniyang ulo.

Sabi ko, pirmahan niya ang papel. Whatever goes around, comes around. Yong nga lang iba natatagalan sa kanto. Siya nga nanggaya rin ng negosyo.Ganiyan lang ang buhay,minsan sandwich ang kinakain mo, minsan kare-kare. Sus ano ba ang pinagsasabi ko.

Napatunayan po ito sa aking kuwento sa aking kambal na blog.

Tinawagan ko si S. Pumunta siya sa opit. Hindi siya nilabas ni Bossing pero
Pinirmahan ang papel niya. Ang tingin ko sa kaniya berde na.










Monday, September 27, 2004

Si Pinay at ang Soap Opera

Dear insansapinas,

Gusto ko mang matulog nang maaga ay di ko nagawa. Naglinis pa sila ng bahay
pagkaalis ng mga bisita. Di nila ako maasahan. Kulang na lang tukuran ko
ng palito ang mga talukap ng aking mata para hindi sumara.

Kinabukasan,lahatlulugo-lugo sa opit. Tahimik pa ang anim na Maria kasama ang aking bossing.Para bang meron silang kumperensiya. Ang tagasagotlang sa telepono na si R ang naririnig ko.

Naikuwento ko na ito sa aking kakambal na blogsite pero yon ay
ikalawang kabanatang nakaraan. Parang flashback lang ang nangyari.

Nagpaalam yong receptionist na pupunta sa bathroom.Kung puwede raw sagutin ko
ang telepono. Kasi lahat ng goirls ay nasa opit ni Bossing. Sarado rin
ang pinto.Baka puyat lahat.

Hoke.

Ring...ring...ring

Me:XYZ,how may I help you. (Galing ko. pati accent.Palakpak tenga ako).
Phone: Can I talk to (Bossing namin).
Me:For a while. (Husme,noon ko lang narealize na bagong salta nga ako.
For a while...gusto kong pukpukin ang ulo ko...gusto kong halibasin ang mga
papel sa harapan ko).Bigla akong buwelta. May I know who's calling please?
Phone: This is S.
Me: Can you hold on a sec., I'll direct your call to her line.
Phone: Thanks

@#$%^&*()!@#$%^&*()

'No nangyari? Nagkaroon yata ng giyera mundial.May nag-aaway sa kabilang kuwarto.
Si bossing yata at yong tumawag. Tumayo ako at lumapit sa may dingding. Kunwari
ay inappreciate ko yong painting na nabili sa estate sale. Pero huwag ka
ang aking tenga ay lumalaking tila trombone para makasagap ng ingay sa kabila.

“ Kung hindi sa akin ay magiging palaboy ka dito sa Estet. Saan ka pupulutin?” Ang mga sagot naman ay: “Tinumbasan ko naman iyon ng serbisyong parang asong susunod sunod saiyo. Para akong lady-in-waiting na nakatalima sa iyong mga kapritso” Pati naman, puso ko pakikialaman mo?” Sa mga nagtataka, bakit ko naririnig yong nasa kabilang linya. Nakaspeaker phone po sila.

Bigla akong napabalik sa aking upuan nang biglang lumantad yong bossing ko.
Pinagalitan ako dahill bakit daw binigay ko yong tawag. Malay ko ba.
Kasalanan ko ba yong hindi nila ako isama sa kanilang kumperensiya.
Uuwi na raw siya sa apartment. Masakit ang ulo niya. Isasama niya ang mga goirls.
Hmmm

Pagkaalis nila ay tumunog ulit ang telepono. Si S ulit. Sabi ko umuwi na si
Bossing. Narinig ko siyang humikbi. Kung puwede raw magkita kami.Dahil ako ang bagong mukha, ako ang kaniyang hiningan ng tulong. Santa Barbara na malapit sa Santa Clara, ano kaya ang magagawa ko, eh accent lang problema ko pa.
Dalawang linggo Linggo pa lang ako sa Estet at pag ako lumabas sa building ay kailangan ko pa ang mapa para di maligaw. Kung baga Oriental ako … nasa orientation stage.
Dinala niya ako sa Denny’s. Wow. Sa isip ko.Buti na lang hindi breakfast,
hindi na nila ako tatanungin kong how do I like the egg ? Gusto lang nyang may mapaghingan ng sama ng loob.

Nakatingin siya sa aking mukha pero tila ako si Casper na tumatagos ang kaniyang mata sa aking bandang likuran. Korni mang isipan pero ala Humphrey Bogart ko sanang tatanungin siyang “ a penny for your thought”.

Malala ang problema ng bataing ire, ang sa isip ko lang. Ang batang ire ay mas matanda sa akin, may tatlong anak at nakapag-asawa na ng dalawang beses. Dati siyang empleyado sa aking pinagtrabahuhan.(past tense). Hindi ko nga siya inabutan dahil papasok pa lang ako ay nakaalis na siya ng mahigit isang buwan. Nilalakad niya ang mga papel na kinakailangan niya para sa kaniyang “birde” (green card). Medyo nagtatampo si bossing dahil siya ay umalis kaya hindi man sinasabi pa ay katumbas na rin ng mga salitang, “Magdusa ka”. Disappearing act pala ang drama ni Bossing para hindi siya mapilit na pumirma ng mga papel.

Nangingilid ang kaniyang luhang kinuwento sa akin ang kaniyang buhay.
Kumuha ako ng maraming table napkins. Mababaw rin ang aking luha.
Ayokong mabasa ang aking pagkain. Lalabsa. Nakipagsapalaran siya
sa Estet nang sila ay magkahiwalay ng kaniyang asawang nakatali
sa epron ng kaniyang mama. Iniwan niya ang kaniyang dalawang anak.
Turista siya. Lakas ang loob niya para mag-aaply sa opisinang pag-aari
ng isang Pilipinang may kapartner na Puti. Inisponsor siya. Hinawakan
niya ang “marketing”. Namalengke siya ng mga katulad niya na nangangailangan ng trabaho at kailangan din ang permiso para magkatrabaho. Namalengke rin siya ng mga negosyo na nanggailangan ng mga empleyado. Pinagtutugma niya ito at pinaasikaso sa abugado ang mga papeles na dapat asikasuhin. Magaling siya kaya umasenso siya pataas. Naging kamay na kanan siya ni Bossing na mahilig umuwi ng Pilipinas para kumuha ng narses. Yon ang panahon daw na madaling kumuha ng mga narses sa Pilipinas dahil may sarili silang kategoriyang working visang nakalaan sa kanila. Nagkamal sila ng salapi pero parang tubig itong umagos. Pag tanggap ng pera ay nangangati na silang umuwi. Down payment pa lang ay ginagastos na nila. Ang gara ng opisina. Ang copier ay napakalaki at de kulay pa. Puwede akong dumapa para I-Xerox ang aking mukha. Lahat ng empleyado ay may magagandang opisina. Taas ang kilay ko nga nang dumating ako dahil parang nakikinita ko na ang problema, hindi ko pa man nasisilip ang libro at nasusundan ang mga pinagkagastusan. Pero balik tayo ulit sa batang ire. May nakilala siyang isa ring Pilipino at rumingding ulit ang kaniyang puso. Sabi ni bossing, hindi dapat dahil maapektuhan ang kaniyang buhay dahil wala ring kapapelan ang lalaking ire. Sabi naman niya, pakialamera lang talaga. Wala siyang trabaho. Wala siyang naipon sa mahigit na pitong taon niyang pagtatrabaho. Isa lamang ang klaseng trabahong alam niya. Ang dayalog ko naman ay ,” Ang buhay daw parang gulong. Minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalalim. Pag ikaw ay matagal sa ilalim, ibig sabihin noon ay flat tire. Kumuha ka ng tutulong saiyo para gumalaw ang gulong. Tinitigan niya ako. Hindi ko siya tinitigan. Binigyan ko siya ng compact. Kasi nagsmudge ang kaniyang eyeliner sa luha.

Itutuloy

Pinaysaamerika

Sunday, September 26, 2004

Si Pinay sa Bridal Shower

Dear insansapinas,

Umuwi na kami sa apartment, wala pa si bossing.
May mga misteryosong ngiti ang mga empleyados.
Ayaw kong tanungin. Ayaw kong ngumiti ng may
misteryo. Mapagkamalan pa akong may naligaw
na lamok sa ulo.

Inayos nila ang bahay na tila ba may party.
Mayroon palang suprise bridal shower.
Oy katuwa. Nilagyan nila ng mga baloon
at makulay na ribbong papel ang bahay. Nilag-
yan din nila ng kulay cellophane ang bombilya.

Datingan ang mga bisita. Ang huli ay
ang bride-to-be. Suprise,suprise.

May parlor games. Talong na itinali at
ginamit na pampalo sa hard-boiled eggs.
Cucumber-sculpting na ang shape ay kagaya
noong kamatis ni Sassy.Nanalo yong
bossing ko doon. Yong ang masasabing
art imitates life ek ek. Pati raw yong
haba. (Gusto kong magwisik ng holy
water. Mga nasabing kolehiyala pa naman
ang karamihang visitors).

Ang pinakaspecial number ay member daw ng
Chippendale ang darating. Akala ko yong
Chipmunks yon.

Naku guwapo palang nakabrief na sasayaw
at lilibot sa mga kababaihan. Husme, kung
alam lang ng mader ko yong pinanood ko
baka ingunudngod ako sa bibliya at pinagdasal
ng isandaang AMA namin.

Nag-iipit sila ng 10 to 20 dollars sa waist
band niya. Dumaan sa may harap ko. Gusto kong
hugutin yong isang 20 hindi sa pitaka ko kung hindi
mula sa waist band niya. Ano ako nabubuwang,
magtip. Kalahati lang naman ang tingin ko.
May hawak akong napkin at nakatakip sa isa
kong mata.

Lumabas ako habang nagkakasarapan sila
ng sayawan sa loob. Wala ako sa mood
makipagsayaw. Sumasayaw lang ako sa dilim
at may umiikot na ilaw. Ano ko cheap?

May matandang lalaking naghihintay sa labas.
Sigaw ko ng Tata Pete.Siya pala ang ama ng
bride-to-be. Dati ko siyang kasamahan
sa isang opisina. Nag-migrate nga raw sa
Estet. Naalok pa ako noon para bumili sa
kanilang garage sale.May garage naman ako.

Matagal ang kuwentuhan namin. Yong
ang huli kong kita sa kaniya. Umuwi
sila sa Pinas dahil sa napangasawa
ng kaniyang anak. Buhay nga naman.

Pinaysaamerika

Si Pinay sa LA downtown

Dear insansapinas,

Tumuloy kami sa apartment ni N. Dalawang kuwarto
ito at tatlo silang nakatira. Galing sa eklusib
schools yong kasama niya. Pero nawala na ang
pagkasosyal at pagka konyo. Tulo din ang
pawis nila paghabol ng bus sa umaga para
pumasok. Paltos, paltos din ang kanilang
malalambot na kamay sa paghugas ng pinggan
sa mainit na tubig.

Tinaasan ako ng kilay noong isa na tila ba
nagtatanong kung ako ay nabinyagan nang
maghugas ng pinggan.Naghugas naman ako noh.
Gusto nilang pitikin ang aking daliring
nakatikwas.


Tinapa ang ulam at pinakbet. Oy sarap,at
least hindi adobo. Bili lang nila doon
sa isang Filipino restaurant. Wala silang
oras para magluto.

Kuwento, kuwento. Nandoon pa yong manedyer
ng opisina. Siyempre, nandiyan si bossing
na babae. Basta ako tulog. Sa may ilalim
ako ng kurtina natulog. Baka kasi ako
tumayo at maglakad,o di kumaripas sila
ng takbo. Mabuti wala na sa akin yong
masamang bisyo na sumisigaw ng numero.
Baka bantayan nila ako at hintaying
magsabi ng numerong tatama. Eh kung di
tumama? Di bugbog ang abot ko.

Kinabukasan, wala si bossing. May meeting
sa labas kaya sabi niya sa akin gumala muna
ako. Pumayag naman si T na samahan ako sa
labas at kung gusto ko raw ay sa downtown
LA.

Sumakay kami ng bus. Nakabusiness suit ako
habang ang karamihan na Latinong sakay ay mga
karaniwang damit lang ang suot. Sabi noong isang grupo
ng mga batang Latino, saan daw planeta ako
galing dahil sa damit ko. Nakamaong at
kamiseta lang kasi sila.San Francisco downtown
ako galing,noh.

Gusto kong lapitan at bigwasan ng left at right
hook ang mga hinayupak. Akala nila sa akin, di
nakakaintindi ng Katsila?

Sabi ni T, ganoon daw talaga sa bus lalo na kung
hindi oras ng pasukan ng mga nag-oopit. Ibang
klase ang mga nakasakay.

Bumaba kami sa downtown.Sa bangketa ay may sumalubong
sa aking Itim na nag-iingay. Sumunod siya sa amin
na salita ng salita. Tila ba wari ko ay sinusumbatan
niya lahat nang makita niya sa kaniyang kalagayan.

Bigla ang about-face ko sa kaniya. Bigla siyang
karipas ng takbo. Inilabas ko ang aking compact,
at disimulado kong sinulyapan ang aking mukha.
Bakit kaya siya tumakbo. Nakaguhit pa naman ang aking
kilay at ang aking eyeliner ay di pa naman,
natutunaw. Hmppp

Sabi ni T,huwag kong pansinin. Maraming taong
may tililing(excuse ting-aling ah)sa lugar na iyon.

Wala akong makitang mabili. May nagtitinda ng relos
na lalapitan ka at aalukin. Parang Wanna buy watch,
Joe.

Nagyaya na akong umuwi. sabi ko magtataxi na
lang kami at ayaw kong magbus.

Tinanong niya ako kung sigurado ako. OO ah,
baka may marinig ako sa bus at mapaaway pa
ako.

Nakasakay na kami sa taxi. Nasa number 100 pa lang kami,
mahigit ten dollars na ang patak ng taxi.Alam ko
naman walang daya ang taxi. Tanong ko kay T kung ano
yong address namin, sabi niya banda sa may 3000.
Kasya hindi ko ilapat ang puwet ko sa upuan para
di pumatak ang metro, minarapat naming bumaba
at naghintay ng bus.

Kahiya naman ako. Tahimik lang si T. Naunawaan
naman niya ang bagong salta.Naging matalik kaming
magkaibigan.

Pinaysaamerika

Saturday, September 18, 2004

BLT Sandwich-Burger/Longanisa/Tosino ?

Dear insansapinas,

Lumipad kami sa LA, nang Lunes. Napakaliit
na erpleyn ang sinakyan namin. Parang
yong mga domestic flight na sinasakyan ko
papuntang Bicol, Bisayas at Mindanao.

Hindi ko pa dala yong aking bagahe. Overnight
bag lang ang dala ko.

Sa Burbank kami lumanding at sinalubong ng
mga LA office staff. Ang nagdrive ay si N
na kakukuha pa lang ng driver’s license kaya
sa mga side streets lang ang daan namin.
Dapat nga siguro dahil kahit hindi kami
nagfreeeway, panay ang sumalosep ng bossing
ko. Hindi naman siya ang nagdadrive, panay
ang brake niya. Napapasunod din ako. Kaya
lang may kasamang clutch yong akin.

Tuloy ulit kami sa Denny’s para sa almusal.
Husme, iinterrogate-in na naman ako ng waiter,
kung ano ang gusto ko. Pahirap na almusal ito.
Kulang na lang ang lie detector para malaman
nila na nagsasabi ka ng totoo na ayaw mo ng
tomato saiyong BLT sangwich.Eh gusto ko lang B.
Burger. Yong Longanisa at Tosino, sa tanghalian na.

Usap-usap. Introdyus, introdyus. Kain, kain.

Biglang nagkagulo. May isang taong nakalupasay
sa lapag. Walang lumalapit.Bumubula ang bibig.
Natakot ako. May lason kayang nakain ?

Mamaya ay may wang wang na dumating. 911 raw.
Nagguwantes yong Puti bago
hinawakan yong mamang nakahandusay. Epileptic daw.
Dinala nila sa ambulansiya.

Nawalan ako ng ganang kumain. Pinabalot ko
ang tira ko. Sabi noong isang kakilala ko,
okay daw yon, dahil baka raw ang susunod na
kain namin ay hapunan na. Anoh ?

Tumuloy na kami sa opisina. May mga staff pa
doon. Photo-op, photo-op muna bago
dinala ako sa isang opisina na maraming
telepono. Ano ako gagawing nilang operator?

Pinatawagan sa akin ang SF Office. Panay
wrong number. Chineck ko ang number, tama
naman. Kulang na lang sugurin ako noong
sumasagot sa kabilang linya dahil sa paulit-ulit
kong pagdayal. Di huwag kang sumagot, sabi ko
sa Tagalog nang sabihin ulit na you got the
wrong number. Tang.@#$.

Buti na lang dumating si T. Hindi ko pala
dinadayal ang area code kasi. Saka puwede
ko ring gamitin yong speed dialer. Malay ko
ba. Hindi ba nila alam ang salitang orientation?

Masyadong busy ang mga tao. Siyempre dahil
nandoon si Bossing. Hindi kami nagtanghalian.
Di kagaya sa Pinas na inaabangan na lang ay
ang alas dose. Pumasok ako
sa isang kuwarto kung saan may iniinterview
para sa warehouse. Latino siya. Hindi
siya marunong ng English. Tinanong ko yong
nag-iinterview kung paano sila nagkakaunawaan.
Sabi niya muwestra lang. Parang mime artist.
Hiningan siya ng photo id. Inilabas niya
ang isang driver’s license.

Pinakita sa akin nang nag-iinterview.Sabi niya,
yon ang nabibili sa tabi-tabi
sa halagang $ 50, depende kung saan binili.
Pag sa middlemen,umaabot ito
ng $150. Oo,Birhinya, maraming peke dito.
Kung sisipatin mo ay parang genuine.
Pag sinuswerte ka, buy one take 2, may
kasamang SSS Id. Siyempre peke ano.
At pag ikaw ay pinagtiwalaan nila, kahit
green card makakabili ka.


Kaya ang ginawa ng DMV,lately ay lagyan
ng isa pang retrato
ang license. Isangmalakiatisangmaliit.
Akala ko noong una, retrato ng anak yon.
hahaha. Ang green card ay
nilagyan ng magnetic field na pag swipe
sa machine ay makikita ang kuwento ng buhay mo.

Ang peke ay hindi. Pero marami pa ring bumibili
nito dahil hindi naman lahat ng
employers ay may kapabilidad magverify.
Isa pa kung temporary lang naman ang
trabaho at kailangan lang nilang may
taong gagawa. Who cares?

Itutuloy

Pinaysaamerika

Sunday, September 05, 2004

Ha-HARRAH-HARRAH ka kasi

Dear insansapinas,

Unang Sabado ko ay dinala nila ako sa Lake Tahoe. Buong pamilya ang pumunta roon. Hindi dahil sa eentertain ako kung hindi dahil nakagawian na nila yon.

Maaga kami umalis. Long drive kasi. Alas seis pa lang ay lumarga na kami. Chineck ko yong relos
ko sa relos sa sala. Huminto kami sa Denny’s. para mag-almusal. Tanong noong food server, “awd youllikeuragg ?” pagkatapos kong ituro doon sa menu yong gusto
kong breakfast.

Turo-turo rin pala dito. Hindi nga lang mismo yong pagkain, kung hindi yong drawing
sa kanilang menu.Inulit noong babaeng Puti yong tanong niya. Manganganing sagutin ko nang I like it thank you very much. Pero kahit like lang ang naintindihan ko doon sa sinabi niya, sabi ko ay scrambled. Napag-isip-isip ko ang problema ay dahil hindi tayo nakakaintindi
ng English kaya tayo takot makipag-usap sa mga Puti. Ang problema ay hindi sila marunong mag-English. hehehe. Kinakain nila ang ibang letra.

Tayo ring Pinoy ay guilty rin sa ganoong klaseng pagsasalita.Yong inaalis natin ang mga
importanteng titik o salita na nagbibigay ng ibang kahulugan sa ibig nating sabihin.

Kagaya nang pagtatanong sa tindera ng : Ale
may itlog kayo? sa halip na ale may tinda kayong itlog?
Kung suplada yong ale, masasapok kayo.

Kagaya rin nang Ale,magkano ang lima,imbes

na magkano ho ang limang (bagay).
Susparyones, eh di lima.

Balik tayo sa almusal.

Habang hinihintay ko ang order ay napasulyap ako sa relos. Alas otso na. Hindi pa naman
katagalan yong biyahe namin. Hindi pa ako nakatulog. Tiningnan ko ang relos ko, ‘las siyete.

Sa isip-isip ko,bakit nila pinabayaan ang relos nilang mali. Sa opisina, yang wall clock ang hindi mawawala. Lahat nakabantay. Sabi ng bossing ko noon.

Balik-kotse kami. Anim kaming lahat. Hindi kami naka Van. Kotseng Victoria yong aming gamit.
American car. Ayaw ng asawang Puti ni Boss ang Asian car. Maliit daw. Para siyang si Maricel Soriano ayaw daw niya nang masikip. Siya ang nagdadarive. Maiistroke daw siya pag yong bossing kong babae ang magdadrive. Ganon yong kung makaalaska, walang ngiti. Hindi pinapansin ni bossing.

Yong dalawang batang maliliit ay katabi niya sa harap. Ang bossing kong babae, ang anak niyang
dalagita sa boyfriend niya sa Pinas at ako ay nasa likod. Ayaw din niyang kasama niya si bossing sa harap, back seat driver daw.

Hindi rin ako sanay sa likod umupo, kaya natulog na lang ako. Pero nasulyapan ko yong
wrist watch ni bossing at ng kaniyang anak. Kapareho noong nasa Denny’s.

Mali ba ang relos ko ? Nawalan ako ng isang oras ? Di naman kami nageeroplano na magbabago ang oras dahil sa time zoning.

Malapit na kami sa Tahoe ng ipakita sa akin ni bossing ang bundok na may mga puti pa sa itaas.
Snowcapped. Hindi pa tunaw ang yelo.
Maya-maya ay pumatak ang yelo. Nagsigawan ang mga bata. Pers time nilang makakita ng snowfall. Kaunti lang. Lumabo lang ang salamin ng kotse. Noong nasa Pinas ako, akala ko lahat ng Puti, nakakita na ng snow. Hindi pa pala. Buti pa ako, nakakita na sa Pinas. Sa isang mall.

Sa Harrah’s kami nagcheck-in. Nawala na ang yong Puting asawa. Sabi niya nasa card table
na raw yon.

Yong mga bata ay isinama noong tinedyer na anak doon sa lugar ng mga bata. Ako ay isinama ni bossing sa maraming slot machines. Nagpapalit siya ng barya. Mga dollar coins sa kaniya. Sa akin
ay quarters. Barya lang. Twenty dollars ang ibinigay niya sa akin. ? Kumuha siya ng plastic na lalagyan ng coins. May tatak Harrah’s. Makauwi nga ng isa.
Magandang souvenir. TABO na may tatak
Harrah’s. HAHAHAHA.

Tinago ko yong sampung dolyares na coins sa aking pouch pocket. Bigat. Pers time kong maglaro
ng slot machine. Nakaka-obsessed pala talaga, dahil gusto mong makajackpot. Sa akin naman, kahit kunting barya lang na bumagsak ay tuwa na ako. Ganiyan kababaw ang aking kaligayahan.

Pagkatapos kong maubos ang sampung dolyares at iba ko pang pinanalunan, lumabas ako sa casino
at pumunta sa mga souvenir shops. Kamamahal naman. Keychains lang ang mga nabili ko saka
playing cards para makapagsolitaryo ako.

Parehong malaki ang natalo kay bossing at sa hubby niya, pero tuloy pa rin ang sugal nila sa pamamagitan ng pagtaya sa combination ng numbers na binobola habang nasa kainan kami.

Tumuloy na ako sa room naming malaki. May extra bed na kinuha para akin at sa tinedyer na
anak.Yong malaking bed ay para sa kanilang pamilya pero yong dalawang batang lalaki lang ang natulog magdamag.

Tsssk tssk, naalala ko tuloy yong kaibigan kong umuwi sa Pinas. Pinauwi ng nanay niya.
Kasi raw nalulong siya sa casino at kung minsan ay wala na siyang perang pamasahe pauwi.

Kinabukasan ay umattend kami ng church service sa hotel. Hindi siya Catholic pero, pinagtiyagaan ko na rin. Palagay ko alam ko kung anong pinagdadasal ng mga nandoon.

Nanood kami ng show. Galing. Yon lang siguro ang nagustuhan ko.
Check out na kami before lunch.

Nakita ko may tuwalyang may tatak na nasa overnight bag ko.Nilagay ni bossing. Souvenir
ko raw. Naku, dami nang gumamit noon noh.

Habang hinihintay namin yong kotse, humirit pa yong aking bossing sa isang slot
machine na quarter.

Huli pa rin ng one hour yon aking relo. DST raw kasi.

Pinaysaamerika