Dear insansapinas,
Uwian na. Lakad na naman kami papunta sa parking garage. Dumaan kami sa Tiffany.
Pumasok din kami sa Neiman Marcus. Mamahal naman. Nagsimulang maging calculator
Ang aking utak. Ganoon ang bagong salta. Convert kaagad sa pesoses. Saka bigla kang
Mapapasigaw (sa sarili lang) Susmaryakapra. Parang bumili na ako ng isang second hand na kotse at isinabit ko sa aking leeg. Pero feeling social ka.
Saklap ng buhay. Umuwi na pala yong asawa ni Bossing. Iniwanan kami. Tagal daw kasi
namin. Sumkay na lang daw kami sa Bart at susunduin kami sa istasyong malapit sa bahay.
Balik kami sa Market at bumaba kami sa Bart Station na nasa underground.
Kumuha ng dalaang ticket si Bossing at ibinigay sa akin ang isa.
Tamang-tama dumating ang tren. Pumasok kami. Puno.Nakatayo kaming
pareho. Di ka puwedeng magparinig ng “chivalry is dead “ dito dahil hindi ka sigurado
kong yong nakaupong lalaki ay KNIGHT or QUEEN. Ahahayy.
Yong mga upuan namang malapit sa pintuan ay sa mga senior citizens o kaya ay
sa mga disabled. Disability kaya ang maging pandak ?
Hindi ko maabot ang estribong hawakan ng mga pasaherong nakatayo. Puwede akong tumalon at maabot yon pero magmumukha naman akong tsonggo sa baging kung
hahawak ako at hindi nakalapat ang aking paa sa lapag ng tren. May mag-abot pa sa akin
ng saging. Hurmph.
Binalanse ko na lang ang sarili sa pagkakatayo habang nakahawak sa upuan. Pag
huminto ang tren at hindi ako nakapagbalanse, malamang na sumalpok ako sa kilikili
ng malaking Puting lalaki sa aking kanan.
Mga ilang istasyon lang ay maluwag na ang tren. Nakipag-unahan sa akin yong Itim
na babae para makaupo sa may bintana. Beh, nauna ako. Lumaki ka ba namang sumasaky
ng bus at nakikipag-unahan sa may bintana wala siyang panalo.
Tumabi siya sa Latina na abalang nagpapaganda. Sa bawa’t pagtaas niya ng kilay upang ipahid ang eye-make-up, napapasunod din nang pagtaas ang kilay ko. Iniwasan ko tuloy
tingnan siya habang nag-aapply ng lipstick. Baka bumuka din ang labi ko.
Ang itim na babae naman ay may buhok na maliit ang tirintas. Iniisip ko kung ilang araw rin yong tinirintas dahil sa pino. Para bang maraming maliit na mga tao ang kumunyapit
sa kaniyang buhok para ito ay itirintas.
Dalawang intsik na babae ang nag-uusap eheste nagsisigawan pala sa lakas ng kanilang
boses. Naghahanap ako ng volume control doon sa loob ng tren.
Mangilan-ngilan ang mga babeng Pilipina. Alam mo silang Pinay kahit hindi mo
nakikita ang mukha at mga bag lang nila ang iyong titingnan. Sila ang merong dalang
hand bag at may shopping bag na may tatak ng Macy’s, Neiman at iba pang sikat na store. Habang ang baunan nila ay nakasilid ng isang maliit na bag ng Calvin Klein o, Victoria’s Secret ang mga Puti ay di nahiyang isilid ang baunan nila sa plastic bag
na may nakasulat ng Thank You for Shopping.
Mayamaya ay may nang-alingasaw Ang baho. Parang isang dekadang basurang hindi
kinolekta.
Isang mamang Itim ang lumipat mula sa isang bagon ng tren. Namudmod ito ng
paang tarheta na nagsasaad na siya ay Deaf at kailangang niya ng tulong. Ang hanep, namamalimos pala. Yong amoy niya ay isang stratehiya upang mapilitan kang magbigay
para lang siya ay umalis kaagad.
OO Birhinya, kahit saan may manggagantso.
Pinaysaamerika
ang saya talaga mag-people watching sa tren no? ako rin, pag nakasakay sa mrt, nakikiusyoso sa mga katabi ko. pampalipas oras kumbaga
ReplyDelete