Dear insansapinas,
Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Nananakit pa rin ang kaniyang katawan. Maputla pa rin siya. Hitsura ng isang biktima ng Drakula na ginawang "bloody Mary ang kaniyang dugo.
Hindi man lamang siya kinumusta ng kaniyang ina na ang buong buhay yata ay nasa kaniyang minamahal.
Tinapos niya ang mga gawain niya sa opisina bilang paghahanda sa pag-alis pagpunta sa Amerika.Namili rin siya ng mga bagong damit, underwear at mga sinulid pantahi na para bang hindi sibilisasyon ang pupuntahan niya.
Ang kaniyang mga damit na balak iwanan ay kaniyang inilagay sa maleta at ibinalik sa closet. Para hindi na mahirapan ang mag-aalis noon. Sa isip niya.
Kaunti lang naman ang dadalhin niya. Isang maletang maliit. Maghihinala ang Imigrasyon niyan pag dinala niya pati ang kaniyang pares pares na sapatos.
Parang hinila ang araw, isang tulog na lang at aalis na siya. Wala siyang natanggap na tawag sa boypren niya. Marahil talagang nakalimutan na siya. Pati ang perang pinahiram niya. Marahil kung si Claudine Barreto siya, isang dram na naman ang iniyak niya. Pero ayaw niyang umiyak. Tamad siyang magretouch ng make-up. ehek.
Kinabukasan, tulog pa ang buong kabahayan nang siya ay nanaog at tumawag ng taxi.
Nag-iwan lang siya ng sulat sa mother niya. Parang pag-papaalam na pupunta lang siya sa Baguio.
Dinaanan niya ang mga magkakamag-anak na nagpapaalaman. Siya, walang maghahatid.
Tuloy na siya sa departure area pagkatapos ang kaek-ekan pag checheck-in.
Mahigit ding isang oras silang naghintay bago sila pinaakyat sa eruplano. Ilang
bilang na lamang ng isandaan at malapit na niyang kutusan ang makulit na batang
aali-aligid sa kaniyang upuan.
Panalangin niya. Huwag sanang malapit ang upuan sa kaniya ng bulilit na iyon at baka makasuhan siya ng child abuse pagpinitik niya ito sa ilong.
Pagkatapos makipagit-gitan sa aisle ng eruplano, nakaupo rin siya. Haaay, salamat.
May mukhang sumungaw sa harapang upuan niya. Ang makulit na bata.
Mahabang araw ito. Naisip niya, sana ay may holy water siyang pangwisik.
Pinaysaamerika