Saturday, September 03, 2005

Ang Pinay at ang "Traidor" puwede ba ano ba talaga ang pangalan mo?

Dear insansapinas,

(pagbabalik gunita)

Tumakbo ang dyipni at naiwan siya sa kalsada. Mabuti na lang at walang dumadaang mga sasakyan.

Tangay ang bag niya. Mabuti na lang at ang pitaka niya ay nasa kaniyang bulsa.
Nasa taksi na siya ay wala pa siya sa kaniyang sarili. Wala ang kaniyang mommy at ang
step-father-to-be. Sabi ng katulong ay umakyat ng Baguio at Lunes pa babalik.

Pakiramdam niya ay para siyang ulila. Walang karamay.

Minabuti niyang maligo para maalis yong sakit ng kaniyang katawan. Gusto niyang matulog, huwag nang magising o kaya magising siya at sabihin niyang nanaginip lang siya.

Pero kung panaginip yon bakit naman colored pa. Hindi na lang black and white.

Nasa banyo siya at nagshashower ng makita niyang may dugo sa kaniyang hita. Hindi naman siya nasugatan nang siya mahulog sa sasakyan. Pero sariwa ang dugo.
Sumama ito sa tubig na dumaloy. Papula ng papula.

Minabuti niyang magbihis. Kumuha siya nang maraming Kotex at bumaba para tumawag ng taxi.

Nagpadala siya sa pinakamalapit na ospital. Gobyerno pala yon. Binigyan siya ng wheel chair at dinala sa isang lugar kung saan marami ang nasa lamesang mga buntis na babae. Manganganak.

Tanong, tanong. Sabi niya ang ama ay nasa abroad at nag-iisa lang siya sa bahay.
Nakunan daw siya, sabi ng doktor, pero kailangang tingnan nila kung may naiwan pang dugo sa loob. Nilagyan siya ng dextrose ng isang nars, habang pinaghintay siya.
Minsan nakakatulog siya habang hinihintay ang doktor. Marami kasing manganganak at nang gabing yon ay kulang ang doktor, kulang ang gamit at kulang ng bed.

Nadaanan niya ang ward para sa mga babaeng nakapanganak na. Dalawa sa isang kama. Ngiiiii

Masakit na ang kaniyang kamay na may dextrose. Nagiging asul ang paligid ng karayom na nakatusok. Tinawag niya ang dumaang nars. Nakasampung tawag siya bago siya napansin. Parang bingi yata ang mga nars doon.

Yon pala hindi tama sa kaniyang ugat kaya pumupunta ang dextrose sa balat niya. Namamaga na ito at masakit.

Tinama naman ng masungit na nars ang dextrose. Hindi niya masisisi ito. Daming pasyente. Daming nanganganak. Daming sumisigaw. Daming umiiyak.
Kahit may anaesthesia ay naramdaman pa rin niya ang pagkayod ng doctor ng kaniyang
Uterus. Lalaki ang doctor at parang walang kuwenta lang sa kaniya ang nakikita niya.
Pero sinulyapan din siya at tinanong kung ano ang nangyari.

Pagkatapos ng proceso ay dinala na siya sa kama kung saan may kasama siyang isang babaeng nakikipaghuntahan sa babae sa kabilang kama. Sapat lang na makaraan ang isang tao ang pagitang ng mga kama kaya tsismakan nang katakot-takot.

Sabi noong isa, siya raw isang ire lang labas kaagad ang bata. Walang kahirap-hirap.
Sa awa naman ng Langit ay anim ang kaniyang anak. Isang hininga lang yata ang pagitan.

Yong isa naman ay kambal ang anak kaya di niya malaman kung saan niya kukunin ang gatas para sa dalawa. Aba eh, pag tiningnan mo nga naman ay parang flat tire na ang dibdib at puro hangin na lang ang makukuha.

Kahit gusto niyang matulog ay di siya makatulog. Mainit, amoy pawis ang kapaligiran.
Hindi pa yata naliligo ang kaniyang kahati sa kama.

Inot-inot siyang pumunta sa receptionist. Tumawag siya ng telepono. Tinawagan niya ang kaniyang kaibigan. Kung maari ay kunin na siya doon.

Pumayag naman ang doctor pagkatapos niyang pumirma ng waiver. Naawa siya sa sarili niya.

Malaking pasasalamat niya sa kaniyang kaibigan.

Sa kaniyang kuwarto, lumuha siya nang lumuha.

Itutuloy.

Pinaysaamerika