Advertisement

Saturday, July 31, 2004

Sa Erpleyn 4-para sa tabi 4

Cont'n.

Binigay sa akin yong chicken. May salad na maasim, may bread, crackers, jam,butter,sliced fruit, water or soda,coffee or tea. May salt, sugar, blackpepper sa sachet. Yong crackers, jam, at bread, binalot ko at nilagay ko sa bag ko. Force of habit, you know.Noong mga istudyent pa kasi kami, kumukuha kami ng mga toyo, catsup at mga sugar sa fastfood o restaurant na kainan namin. Sayang din kung kukunin sa allowance. Survival. Nagkukumpisal naman ang mga kaklase ko. Sabi rin naman ni Mader,huwag sayangin ang mga pagkaing sobra .”Binabayaran yan, kaya iuwi”. Kaya insan pag nadalaw ka noon sa bahay at humingi ka ng catsup, tiyak ibibigay saiyo sachet na catsup na galing sa restaurant.

Ano kamo? Crackers at bread naman yong binalot ko ? Kasi insan may masama akong
karanasan sa Changgi Airport, sa Singapore. Oo doon sa lugar ni Tambay. Stop over namin. Delayed yong connecting flight dahil may storm. Ang perang natitira sa amin pagkatapos naming tumulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng Singapore sa pamamagitan ng pagbili ng mga electronic products at mga pampasalubong sa mga kamag-anak ay sapat lamang sa isang bottled water. Linsiyak kasing makapagpaguilty yong tourist guide namin na bumili kami ng productong Singapore. Panay pa ang
parada noong tourist bus sa mga may nakasabit na SALE. Eh yong kasama kong lady lawyer (hindi si sassy ) din ay mahilig magpasalubong sa mga kasamahan niya sa law office niya. Kulang na lang na pati pusa at aso niya ay may pasalubong. Napakabait na nilalang.

Bumili kami ng bottled water at pinagsaluhan namin yong tinapay, butter at jam na ibinalot niya. Dati hindi ako nagbabalot. Naging leksiyon sa akin yon. Nakaraos din ang dinner namin. Nang dumating ang erpleyn, hindi pa man nakakatanong kung chicken o piss (fish), piss na kaagad kami. Hindi naman kaming mukhang gutom,pero duhapang ang kain namin.

Bago 9/11 insan ang mga spoons at sporks ay mga stainless. May tatak pa ng pangalan ng airline. Pagkatapos ng isang gamit, ito ay pinagbibili sa recycling companies. Pag nakakain ka sa isang bahay na may ganitong kubyertos, ibig sabihin, may nakapagsmuggle palabas ng mga disposable items na ito. May barkada ako na ang producto nila ay ang mga kubyertos at mga sipilyo, suklay, medyas na give away ng airline.Kaya noong nabalitang isasara ang isang airline, ang asawa niya ay lumakad ng paluhod sa Quiapo.

Pagkatapos nang meal,puntahan naman sa CR. Haba ng pila. Kung bus lang siguro yon, marami nang lalaking nakabalik sa upuan lalo kung madawag ang dinadaanan ng bus. Karaniwan noon, pag angdriver gusto ring magbawas, hihinto at sasabihin sa mga pasahero, o yong gustong magbawas. Noong bata ako may nakita akong matandang
babae,nakipagsabayan sa mga lalaking nakatayo. Itinakip lang niya yong malapad na saya. hehehe.

Ang piloto kaya saan nagbabawas ?

Itutuloy.

Pinaysaamerika

Friday, July 30, 2004

Sa Erpleyn-para sa tabi 3

Insansapinas,

Nakasakay din ako sa erpleyn na magdadala sa akin sa Estet. Binuksan na naman sa check-in yong aking dalang maleta. Natapon yong isa sa mga cologne ko. Umalingasaw ang amoy. Nangamoy cologne pati yong chocnut at preserved mango. Kainis pa namang mang-asar ang pasasalubungan ko ng mangga. Baka sabihin niya manggang amoy belyas ang pasalubong ko sa kaniya.

Di bale, mas maluwag ang upuan sa erpleyn. Pero nasa aisle seat ako. Dapat sa may bintana ako pero nakipagpalit sa akin ang mamang nakaupo sa aisle kasi gusto raw niyang makita ang view sa labas. Alin ang alapaap? Pinanalangin ko na lang na sana ay walang problema ang mga
pantog ng nakaupo sa gitna at sa may bintana para naman hindi ako maabala sa panonood ko ng pelikula.

Nalaman ko na lang ang dahilan nang madalian niyang pagbakwet sa may bintana ay nang dumaan na ang food cart ng mga stewardess. Muntik-muntikanang mahiwalay ang kaluluwa ng aking siko sa buong kamay. Arayyyyyyyyyyyyyyyyyyy. Hindi naman ako makareklamo.

Yon ang mga hazards nang pag-upo sa gitna. Sa pakiwari ko, minsan talagang sinasadya ng mga stewardess ang pahagingan ang mga pasahero para bigyan ng leksiyon. Sa isip siguro nila ay naglalaro ang ganito, " Ahaaa, may isa na namang tanga o matigas ang ulo na nakalawit
ang kamay, mabundol nga."

"Beef or chicken?" tanong ni Stewardess sa akin. Tanong sa akin habang sa isip ko ay ah ah ah ah sakit. Kung hindi ka lang may dala ng pagkain, sinunganga nakita. Pero thought baloon ko lang yon na madali ko namang tinusok para mag-isip kong ano ang pipiliin kong dinner.

"Bakit walang pork ?" biglang lobo ulit ng thought balloon. Nagmultiple choice
pa:
1)walang order na pork
2) May alta presyon halos ang pasahero
3) Dahil sa relihiyon ng pasahero

Two choices lang palagi sa isang meal. Dapat pala nakatawag ako at nakaorder
ng vegetarian meal. Hindi dahil vegetarian pa ako pero iniiwasan ko ang
beef serving sa erpleyn. Minsang lumipad ako sa Indonesia, yong beef
meal ng erpleyn ay napakatigas na para bang gusto kong gumawa ng side
order ng PALAKOL,para mahati yong meat anoh. Ang chicken naman ay kinakain
ko. Pero sa dami ng aking despididang dinaluhan bago umaalis, dami rin
ng chicken na hinanda. Pati ba naman sa Japanese restaurant at Korean
restaurant, may chicken pa ring naorder. Nang dumating ang aking
kapatid para maggudbye ang aking mga pamangkin, yong isa ay may
dalang Kentucky. Gusto kong agawin at isumpa sumpa yong chicken na
kinakain niya. Pero sa mura niyang edad, inabot niya ang isang piraso
at sinabing "baka raw ako magutom sa biyahe". Awww
nakakaiyak, akala niya siguro,parang bibiyahe lang ako papunta sa Baguio.

Kaya,puno ang tiyan ko ng chicken bago ako lumipad na siguro kung
pagsasamasamahin ang mga pakpak ay puwede na akong lumipad ng walang
erpleyn. Naalala ko lang ang pinsang nag-alaga sa akin. Kainin ko
raw yong manok para pag pumunta kami sa Bicol o sa Manila,ay lilipad
na lang kami. Mahiluhin kasi ako sa bus.

Beef or chicken,inulit na tanong ng stewardess.

Sabi ko chicken.

Itutuloy

Pinaysaamerika

Sa Erpleyn-Para sa tabi 2

Insansapinas, ituloy ko ang kuwento ko. Insan, gising ka pa ba?
Nasaan na ba tayo ?Ahhh umakyat na ako sa erpleyn. Hinanap ko yong aking upuan.

Tatluhan ang upuan. Isa sa may bintana, isa sa may "aisle" at isa sa gitna.
Lintek naman insan ang napuntahan ko, napagigitnaan ako ng dalawang malalaking
tao. Babae yong nasa may bintana at lalaki yong nasa may "aisle". Inilagay ko
muna yong handcarry ko sa overhead compartment. Nagpatulong ako doon sa mamang naglalagay din ng kaniyang backpack. Umigting ang muscles niya sa kamay nang itaas at isiniksik niya sa compartment ang aking maliit na bag. Patutsada niya,"
bakit naman dinala ninyo ang Manila Cathedral ?" Sagot ko naman," hindi
kasi pumayag ang meyor ng Manila na dalhin ko yong Quiapo Church."

Hindi pa man nag-iinit ang aking pwet sa upuan, nagpapaexcuse na iyong ale
sa may bintana. Pupunta raw siya ng CR. Hindi puwedeng hindi ako tumayo
at lumabas. Hindi siya makakaraan. Nakasimangot na tumayo yong lalaki sa aking kaliwa.

Siguro nakatapos na akong maggantsilyo ng sweater ng manika sa tagal nang paghintay sa kaniyang bumalik.
Habang naghihintay, napagmasdan ko ang aking mga kasabay na papunta sa 'merika. Karamihan sa kanila mga balikbayan na. Paano ko nalaman? Ang mga damit nila para lang silang pupunta sa mall o sa beach. Yong mga tinedyer, naka sapatos na
ala Moses at nakashort na ang pundilyo yata ay malapit ng sumayad sa tuhod.
Ang mga magulang din nila ganoon din. Yong iba, pagkaakyat sa erpleyn,
nagpalit ng tsinelas. May nakita pa nga
ako, nakapaa, para bang tinuring na niyang bahay ang erpleyn at mga bisita
niya ang pasahero doon.


Ang lintek, nakangiti pa siya. Parang tinutuya niya ako sa suot kong business suit na nag-iwan ng nagbawas ng timbang sa aking pitaka. Sarap niyang pitikin.

Napagitnaan ulit ako ng dalawang malalaking tao.
Maliit lang kasi ang erpleyn na yon
dahil sa Japan pa namin makukuha yong malaking
erpleyn. Sinilbihan kami ng mani at
soft drinks. Akala ko yon na ang main dish
para sa haba ng aming paglalakbay.
Kailangan naming lumipat sa Japan. Tinulungan ulit
ako noong mama. Hindi dahil
mabait siya, kung hindi dahil naiipit ng aking maleta ang kaniyang backpack.
Buti hindi siya nagbanggit ng simbahan dahil mayroon pa akong Baclaran, St. Jude, Sto.Domingo...magvisita iglesia siya nang di oras. Humph.

Mabilis akong bumaba sa erpleyn. Tama ang sabi noong check-in counter attendant. Malayo ang susunod na gate. Wala pa namang masasakyan, kagaya sa ibang erport. Wala rin yong flat na escalator na tatapak ka na lang at hindi ka na lalakad. Susunod hindi na rin ako bibili ng ganitong maleta na pareho ang mga design at ang mga laki ay para bang Big,Medium, Small. Yong small ay meron ngang gulong, pero para pagulungin mo, kailangan mo ang yumuko. Sa haba nang lalakarin ko na may bitbit ng isang maletang MABIGAT, may leather jacket na MABIGAT at may handbag na may kamera, makeupkit
na MABIGAT, mangani-nganing sumakay ako sa maleta at magpagulong hanggang makarating sa susunod na erpleyn na sasakyan ko.

Itutuloy

Pinaysaamerika

Thursday, July 29, 2004

Sa Erpleyn-Para sa tabi-1

Mahal kong InsansaPinas,

Masaya ako at muli tayong nagkatagpo. Bata ako noong huli kitang nakita. Di ba ginagawa mo pa akong tsaperon noon sa mga deyt mo sa chicks. Tuwang-tuwa ako pag isinasama mo ako sa sine kasama ng nililigawan mo. Sabi ni Diko mo, hindi naman daw yong babae ang may gusto ng tsaperon, kung hindi para hindi ka mapikot. Tindi mo insan,kung malaki na sana ako noon, binuking na kita sa mga goirls. Binibilhan mo nga ako ng popcorn pero pinapaupo mo naman ako sa harapan ninyo at pinagbabawalan lumingon lalo na pagpatay na ang ilaw.

Nakasamang maghatid sa aking pag-alis ang iyong Ditse. Hanggang sa labas lang naman siya kasi bawal na nga ang pumasok sa loob. Tatlo ang dala kong maleta; dalawang checked-in at isang handcarry. Ayaw pumayag iyong nasa check-incounter.Kailangan ko raw icheck-in yon at magbayad. Ano siya sinuswerte? Alam ko namang entitled ang pasahero sa isang carry all. Eh kung mastranded kami, ano ang susuotin kong pajama,(3piraso), bihisan (tatlong piraso),panloob,4 na piraso; isang dosenang Chocnut, tatlong shampoo at conditioner (matapang daw kasi ang shampoo sa Estet, kaya nagdala ako ng gamay kong shampoo. Saka pala sabon na papaya, tsaang herbal, cebodemacho at aziete de mansanilla (bilin sa akin). Marami ba yun ?
Sabihin mo insan,marami ba yon? Saka pala tsinelas at dalawang tuwalya. Marami ba yun ?

Wala namang limit sa bigat ah hindi kagaya sa PAL na ang limit na timbang ay kasimbigat na ng maleta kong walang laman. Nakulitan sa akin yong visor kaya pinayagan ako. Sabi niya mahihirapan daw ako sa stop-over dahil malayo ang lalakarin papuntang gate sa connecting flight. Inirapan ko siya at lumakad akong laylay ang aking balikat sa bigat. Umph.

Itutuloy

Pinaysaamerika

Bumabaha din dito sa 'Merika



InsansaPinas:
Galing ng retrato mo insan. Imbes na kalabaw, kotse ang lumulunoy
sa putik. Iba talaga ang Merika. Moderno.

PinaysaAmerika: Wala kaming kalabaw dito,insan. Binaha sa Texas at nadala ng agos yong kotse.

InsansaPinas:Binabaha din kayo diyan? Mabubuhay pala ako diyan.

PinaysaAmerika:Paano ka naman mabubuhay dito dahil sa baha?Aber?

InsansaPinas:Magtutulak ako ng kotseng tumitirik.

PinaysaAmerika: Insan,di tinutulak dito ang kotse.TinaTOW.?

InsansaPinas: Anong tinataw?

PinaysaAmerika: Hinihila,kasi automatic sila at hindi manual o stick shift kagaya ng kotse diyan. Saka pag bumaha dito, talagang baha.

InsansaPinas:Bakit dito sa Pinas din di ba ?

PinaysaAmerika:Hindi,minsan ang baha diyan bahabahaan lang. Tinatakpan ang mga imburnal ng mga hinayupak na mga walang magawa tapos maglalagay ng mga kahoy sa may tubig na dadaanan ng tao at maniningil.

Dito pag bumaha, minsan buong bahay ang tangay. May panahon nga rito na mga kabaong ang inagos. Parang nakangiti pa yong bangkay.











Wednesday, July 28, 2004

Para raw safe ang paglakbay sa eruplano

Mahal kong Insansapinas,

Mula nang 9/11, may mga taong takot nang sumakay sa eruplano.
May suggestion na ito ang ipatupad para masigurong
walang maitatagong baril, bomba patalim.

>>>Huwag matagal ang titig <<<

Ano sa palagay mo?

Pinaysaamerika